Mabisang Pagpapatotoo sa Lansangan
1. Ano ang isang paraan upang matularan natin si Jesus?
1 Noong nangangaral si Jesus dito sa lupa, hindi siya nag-atubiling makipag-usap sa mga taong nakakasalubong niya sa daan at sa iba pang pampublikong lugar. (Luc. 9:57-61; Juan 4:7) Gusto niyang ibahagi ang kaniyang mahalagang mensahe sa maraming tao hangga’t maaari. Sa ngayon, ang pagpapatotoo sa lansangan ay isang mahusay na paraan para tulungan ang mga tao na magkaroon ng makadiyos na karunungan. (Kaw. 1:20) Tayo’y magtatagumpay kung magkukusa tayong lalapit sa mga tao at magiging maingat.
2. Ano ang kailangan nating gawin kapag nagpapatotoo sa lansangan?
2 Magkusang Lumapit: Mas mabuting lapitan ang mga tao sa halip na tumayo o umupo sa isang lugar at hintaying ikaw ang lapitan ng mga nagdaraan. Ngumiti, tumingin sa kanila, at maging mahinahon at palakaibigan. Kung may kasama kang ibang mamamahayag, pinakamabuting lapitan ang magkaibang tao. Kailangan din ang pagkukusa at pagsisikap para alamin kung paano muling makakausap ang taong nagpakita ng interes. Ang ilang mamamahayag ay regular na nagpapatotoo sa lansangan sa iisang lugar, anupat paulit-ulit nilang nakakausap ang tao ring iyon at nalilinang nila ang interes nito.
3. Paano tayo magiging maingat sa pagpapatotoo sa lansangan?
3 Maging Maingat: Isiping mabuti kung saan tatayo sa lansangan at kung sino ang lalapitan. Hindi kailangang magpatotoo sa lahat ng dumaraan. Maging mapagmasid. Halimbawa, kung nagmamadali ang tao, huwag na itong kausapin. Kapag nagpapatotoo sa lugar ng negosyo, maging maingat para hindi sitahin ng manedyer. Kadalasang mas mabuting magpatotoo sa mga tao paglabas nila roon sa halip na kapag pumapasok sila. Lumapit sa mga tao sa paraang hindi sila matatakot o magugulat. Mag-ingat din kapag nag-aalok ng literatura. Kung hindi sila gaanong interesado, maaaring ialok ang isang tract sa halip na mga magasin.
4. Bakit kapaki-pakinabang at kasiya-siya ang pagpapatotoo sa lansangan?
4 Dahil sa pagpapatotoo sa lansangan, marami tayong naihahasik na binhi ng katotohanan sa maikling panahon. (Ecles. 11:6) Baka ang ilang taong nakakausap natin ay hindi natin natatagpuan sa bahay kapag tayo’y nagbabahay-bahay. Bakit hindi magplanong makibahagi sa kasiya-siya at mabisang paraan ng pangangaral sa larangan—ang pagpapatotoo sa lansangan?