Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 7/13 p. 4-6
  • Mga Bagong Kaayusan sa Pampublikong Pagpapatotoo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Bagong Kaayusan sa Pampublikong Pagpapatotoo
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2013
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Bago at Exciting na Paraan ng Pampublikong Pagpapatotoo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2014
  • Ipangaral ang Mabuting Balita Kahit Saan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1996
  • Mga Paraan ng Pangangaral ng Mabuting Balita
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Mabisang Pagpapatotoo sa Lansangan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2011
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2013
km 7/13 p. 4-6

Mga Bagong Kaayusan sa Pampublikong Pagpapatotoo

1. Anong halimbawa ang ipinakita ng unang-siglong mga Kristiyano?

1 Hindi lang sa bahay-bahay nangaral ang unang-siglong mga Kristiyano. Nangaral din sila sa pampublikong mga lugar. (Gawa 20:20) Halimbawa, pumupunta sila sa templo, kung saan maraming tao. (Gawa 5:42) Noong nasa Atenas si apostol Pablo, araw-araw siyang nangaral sa mga tao sa pamilihan. (Gawa 17:17) Sa ngayon, ministeryo sa bahay-bahay pa rin ang pangunahin nating paraan ng pagpapalaganap ng mabuting balita. Pero pumupunta rin tayo sa mga paradahan, lugar ng negosyo, parke, matataong lansangan, at iba pang lugar para mangaral sa mga tao saanman sila matatagpuan. Lahat ng mamamahayag ay pinasisiglang makibahagi sa pampublikong pagpapatotoo hangga’t maaari. At sa dalawang bagong kapana-panabik na kaayusan sa pampublikong pagpapatotoo, marami ang magkakaroon ng pagkakataong makibahagi.

2. Anong bagong kaayusan ang sinubukan noong Nobyembre 2011?

2 Pantanging Kaayusan sa Pampublikong Pagpapatotoo sa Malalaking Lunsod: Gaya ng iniulat sa 2013 Taunang Aklat sa pahina 16 at 17, may sinimulang kaayusan sa pampublikong pagpapatotoo sa New York City noong Nobyembre 2011. May mga mesa at cart na may magagandang poster at literatura sa iba’t ibang wika na ipinuwesto sa mga lugar sa lunsod na dinaraanan ng maraming tao. Araw-araw, libu-libo ang dumaraan doon, pati na ang mga taong laging wala sa bahay at ang mga nakatira sa mga gusali o apartment na hindi basta-basta nagpapapasok ng mga Saksi. Napakaganda ng naging pagtugon ng mga tao. Kamakailan, 3,797 magasin at 7,986 na aklat ang naipasakamay sa loob lang ng isang buwan. Marami ang humiling ng pag-aaral sa Bibliya. Yamang ang pangunahing layunin sa kaayusang ito ay ang makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya, ang mga adres na iniiwan ng mga interesado ay agad na ipinadadala sa angkop na kongregasyon para madalaw ang mga ito sa kanilang tahanan.

3. Paano pinalalawak ang kaayusang ito?

3 Dahil naging matagumpay ang kaayusang ito, ginagawa na rin ito sa iba pang matao at malalaking lunsod sa buong daigdig. Ang lokal na tanggapang pansangay ang pumipili ng mga lunsod na makikinabang sa ganitong kaayusan. Karaniwan na, ito ay mga lunsod na may sentro ng mga terminal ng pampublikong transportasyon o kung saan maraming opisina o mga apartment kung kaya maraming tao ang paroo’t parito. Padadalhan ng liham at mga karagdagang tagubilin ng tanggapang pansangay ang mga makikibahagi rito. Kadalasan nang mga regular at special pioneer ang ginagamit, pero sa ilang lugar, puwede rin ang mga auxiliary pioneer.

4. Paano isinasagawa ang pantanging kaayusan sa pampublikong pagpapatotoo sa malalaking lunsod?

4 Paano Isinasagawa ang Pagpapatotoo: Ang mga kasama sa pantanging kaayusang ito ay karaniwan nang naghihintay na may lumapit sa mesa o displey ng mga literatura na naililipat-lipat. Kapag may lumapit, aanyayahan siyang kumuha ng anumang literaturang nagugustuhan niya. Malugod na sasagutin ng mga payunir ang anumang tanong niya gamit ang Kasulatan. Kapag kumuha siya ng literatura, hindi babanggitin ng mga payunir ang kaayusan sa donasyon. Pero kung magtatanong siya kung paano tinutustusan ang ating gawain, puwede nilang sabihin na marami pang impormasyon ang mababasa sa ating opisyal na Web site at banggitin ang artikulo sa jw.org tungkol sa mga paraan ng pagbibigay ng donasyon. Hangga’t maaari, itinatanong nila: “Gusto n’yo po bang may bumisita sa inyo sa bahay?” o “Alam n’yo po ba na bukod sa literaturang iyan, nag-aalok din kami ng libreng pag-aaral sa Bibliya?”

5. Bakit nasiyahang makibahagi ang isang mag-asawa sa bagong kaayusang ito?

5 Napakasayang makibahagi sa kaayusang ito. Isinulat ng isang mag-asawa: “Habang nakatayo sa tabi ng mesa at nakikita ang libu-libong taong nagdaraan, lalo naming napahahalagahan kung gaano kalawak ang gawaing isinasagawa para mapaabutan ng mensahe ang mga tao sa buong daigdig. Kapag nakikita namin ang napakaraming tao at ang taimtim na pagmamalasakit ni Jehova sa bawat indibiduwal, napatitibay kami na patuloy na unahin sa aming buhay ang gawaing pangangaral. Para bang nakikita namin si Jehova na sinusuri ang puso ng lahat ng lumalapit sa mesa, at tinitingnan kung sino ang mga karapat-dapat. Pakiramdam namin, napakalapit namin sa mga anghel.”

6. (a) Anong isa pang kaayusan sa pampublikong pagpapatotoo ang inoorganisa ng maraming kongregasyon, at ano ang kaibahan nito sa pantanging kaayusan sa pampublikong pagpapatotoo sa malalaking lunsod? (b) Paano makikipagtulungan ang mga kongregasyon sa kaayusan sa pampublikong pagpapatotoo?

6 Pampublikong Pagpapatotoo na Inoorganisa ng Lokal na Kongregasyon: Bukod sa pantanging kaayusan sa pampublikong pagpapatotoo sa malalaking lunsod, may isa pang kaayusan na inoorganisa ng maraming lupon ng matatanda sa kanilang lokal na teritoryo. Sa kaayusang ito, ang mga mamamahayag ay nagpupuwesto ng isang mesa o displey ng mga literatura sa lugar na dinaraanan ng maraming tao at nasa loob ng teritoryo ng kanilang kongregasyon. Naiiba ito sa pantanging kaayusan sa pampublikong pagpapatotoo sa malalaking lunsod, kung saan ang mga nakikibahagi ay mga kapatid mula sa iba’t ibang kongregasyon at ang teritoryo ay pinili ng tanggapang pansangay.​—Tingnan ang kahon na “Kailangan ang Inyong Pakikipagtulungan.”

7. Kung praktikal, paano oorganisahin ng mga elder ang pampublikong pagpapatotoo sa lokal na teritoryo?

7 Isasaalang-alang ng mga elder kung may mga lugar sa kanilang teritoryo na dinaraanan ng maraming tao at kung praktikal na mag-organisa roon ng pampublikong pagpapatotoo. Puwedeng ipuwesto ang isang mesa o displey ng mga literatura na naililipat-lipat sa mga sentro ng mga terminal ng pampublikong transportasyon, plasa, parke, lansangan, shopping mall, kampus ng kolehiyo, airport, at mga pinagdarausan ng taunang mga okasyon. Mas mabuti kung ipupuwesto ang mesa sa iisang lokasyon at sa pare-parehong mga araw at oras. Napatunayang mas maganda ang resulta kapag ipinuwesto ang mga mesa sa mga shopping mall kaysa sa labas ng isang malaking tindahan kung saan karaniwan nang ang nasa isip ng mga tao ay ang bibilhin nila. Sa ilang lokasyon, gaya ng bangketa na dinaraanan ng maraming tao, mas angkop ang maliliit na displey ng mga literatura na naililipat-lipat. May mga pantanging file sa paggawa ng poster ng mga magasing Bantayan at Gumising! at Itinuturo ng Bibliya na inihanda para gamitin sa paraang ito ng pampublikong pagpapatotoo at maaari itong i-download ng mga elder mula sa ating Web site. Ang ginagawa ng mga payunir at mamamahayag na pinili ng mga elder ay katulad din ng ginagawa sa pantanging kaayusan sa pampublikong pagpapatotoo sa malalaking lunsod at dapat nilang sundin ang tagubilin ng mga tagapangasiwa sa paglilingkod. Kapag may interesado na nagbigay ng adres na hindi sakop ng kanilang teritoryo, dapat nilang punan agad ang Please Follow Up (S-43) form at ibigay ito sa kalihim.

8. Kahit walang inorganisang kaayusan sa kongregasyon para sa pampublikong pagpapatotoo, sa anong mga pagkakataon maaari pa ring makapangaral sa publiko?

8 Kung Hindi Praktikal sa Inyong Kongregasyon ang Dalawang Kaayusang Ito sa Pampublikong Pagpapatotoo: Sa ilang kongregasyon, walang mga lugar sa kanilang teritoryo na dinaraanan ng maraming tao kaya hindi kailangang gumamit ng mga mesa o displey ng mga literatura na naililipat-lipat. Pero kahit sa mga kongregasyong iyon, ang mga mamamahayag ay pinasisigla pa ring makibahagi sa pampublikong pagpapatotoo. Sa teritoryo ninyo, mayroon bang hilera ng mga tindahan o tindahang pinupuntahan ng maraming tao? Mayroon bang parke o mga lugar na pinagtitipunan ng mga tao? May mga lugar ba na pinagdarausan ng pampublikong mga okasyon? Kung gayon, maaari ka pa ring makibahagi sa pampublikong pagpapatotoo.

9. Bakit dapat nating sikapin na mangaral sa mga tao saanman sila matatagpuan?

9 Kalooban ni Jehova na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Kaya sinisikap nating maipangaral sa pinakamaraming tao hangga’t maaari ang mensahe ng Kaharian bago dumating ang wakas. (Mat. 24:14) Sa maraming lugar, bihirang madatnan sa bahay ang mga tao. Pero posibleng makausap natin sila sa pampublikong mga lugar. Baka ang pampublikong pagpapatotoo lang ang tanging paraan para marinig ng ilang tao ang mabuting balita. Kaya lubusan nawa nating ganapin ang ating ministeryo sa pamamagitan ng pangangaral sa mga tao saanman sila matatagpuan.​—2 Tim. 4:5.

[Kahon sa pahina 5]

Kailangan ang Inyong Pakikipagtulungan

May mga ulat na kung minsan ang mga mamamahayag sa kalapít na mga kongregasyon ay dumadayo para magpatotoo sa isang partikular na kalye, paradahan, lugar ng negosyo, lobby o hintayan, at sentro ng mga terminal ng pampublikong transportasyon. Ang mga mamamahayag mula sa iba’t ibang kongregasyon ay nangangaral doon at nag-iiwan ng mga magasin. Dahil dito, ang ilang negosyante at mga residente ay naiinis kung minsan, kahit ang mga mamamahayag ay hindi magkakasabay na nangangaral doon. Kaya makabubuti na manatili sa iniatas na teritoryo sa kongregasyon kapag nangangaral sa publiko.

Kung gusto ng mga mamamahayag na magpatotoo sa publiko sa teritoryo ng kalapít na kongregasyon, dapat silang makipag-usap sa kanilang tagapangasiwa sa paglilingkod na siya namang makikipag-ugnayan sa tagapangasiwa sa paglilingkod ng kalapít na kongregasyon para humingi ng pahintulot. Kung may kongregasyong gumagamit ng ibang wika na naatasan ding mangaral doon, ang mga tagapangasiwa sa paglilingkod ay dapat makipag-ugnayan sa isa’t isa para hindi mairita ang mga tao. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan, magaganap ang lahat ng bagay “nang disente at ayon sa kaayusan.”​—1 Cor. 14:40.

[Larawan sa pahina 6]

[Larawan sa pahina 6]

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share