Isang Bago at Exciting na Paraan ng Pampublikong Pagpapatotoo
1. Sa anong gawain pinasigla ang mga kongregasyong may mga teritoryong dinaraanan ng maraming tao?
1 Ang mga kongregasyong may mga teritoryong dinaraanan ng maraming tao ay pinasiglang mag-organisa ng pampublikong pagpapatotoo, gamit ang mga mesa o displey ng mga literatura na naililipat-lipat. Kung naililipat-lipat na displey ang gagamitin, dapat na may kahit isang mamamahayag na tatayo o uupo sa tabi ng displey. Dalawang mamamahayag naman ang dapat magbantay sa displey ng literatura na nasa mesa. Dapat sikapin ng mga nagbabantay sa displey na maging magiliw, palakaibigan, at approachable. Kapag may lumapit at tumingin sa displey, maaaring simulan ng isa sa mga mamamahayag ang pakikipag-usap sa pagsasabing, “Naisip mo na ba kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa paksang iyan?” Maaari ding magpatotoo nang di-pormal ang isa o dalawang mamamahayag di-kalayuan sa displey.
2. Maglahad ng karanasan na nagpapakita ng kapakinabangan ng pampublikong pagpapatotoo gamit ang displey ng mga literatura.
2 Dahil sa pamamaraang ito, maraming pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Isang kolehiyala ang magsusulat ng research paper tungkol sa mga Saksi ni Jehova pero wala siyang makitang Kingdom Hall. Nang sumunod na linggo, nakakita siya sa kampus ng mesang may displey na mga literatura. Napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, at ngayon, ang estudyanteng ito ay bautisado na at nakikibahagi na rin sa ganitong uri ng pagpapatotoo.
3. Ano ang masasabi ng ilan tungkol sa ganitong paraan ng pampublikong pagpapatotoo?
3 Ganito ang komento ng isang sister na nasisiyahan sa ganitong uri ng pampublikong pagpapatotoo: “May mga humihinto para kumuha ng mga bagong magasin. Ang iba naman ay ngayon lang nakaalam ng tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Nakita ko na sa ganitong pamamaraan, marami ang mapaaabutan ng katotohanan.” Isa pang sister ang nagsabi, “Isa itong bago at exciting na paraan ng pagpapatotoo dahil mga tao ang lumalapit sa iyo at kahit paano, curious sila.”
4. Bakit makabubuting ipuwesto ang displey ng literatura sa parehong mga oras at lokasyon bawat linggo?
4 Makabubuti kung ipupuwesto ang displey sa parehong lokasyon, mga araw, at oras bawat linggo. Sa gayon, masasanay ang mga tao na makita ang displey at hindi na sila mangingiming lumapit at magtanong o kumuha ng literatura. Mayroon na bang pampublikong pagpapatotoo ang inyong kongregasyon? Kung oo, baka puwede kang makibahagi sa mabunga at kasiya-siyang paraan na ito ng ‘malawakang paghahayag ng kaharian ng Diyos.’—Luc. 9:60.