Gamitin Nang Husto ang Iyong Panahon sa Ministeryo
Ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng 1,945,487,604 na oras sa ministeryo noong 2014 taon ng paglilingkod—isang matibay na ebidensiya na determinado tayong manatiling abala sa paglilingkod kay Jehova! (Awit 110:3; 1 Cor. 15:58) Dahil “ang panahong natitira ay maikli na,” posible kayang magamit natin ang ating mahalagang panahon sa ministeryo para makausap ang mas marami pang tao?—1 Cor. 7:29.
Para magamit nang husto ang ating panahon sa ministeryo, kailangang marunong tayong gumawa ng mga pagbabago. Halimbawa, kung regular kang gumugugol ng isang oras o higit pa sa isang partikular na bahagi ng ministeryo pero wala ka namang nakakausap, baka kailangan nang gumawa ng pagbabago para may makausap ka. Hindi pare-pareho ang kalagayan sa iba’t ibang lugar. Pero ang sumusunod na mga mungkahi ay makatutulong sa iyo para magamit mo nang husto ang iyong panahon at maiwasang “sumuntok sa hangin.”—1 Cor. 9:26.
Pagpapatotoo sa Bahay-bahay: Sa loob ng maraming dekada, nakaugalian na ng mga mamamahayag na simulan ang araw nila sa ministeryo sa pamamagitan ng pangangaral sa bahay-bahay. Pero marami ang nagtatrabaho sa araw, kaya bakit hindi mo subukang gawin ang pagbabahay-bahay sa bandang hapon o bandang gabi, kung saan mas marami nang nakauwi sa bahay nila at nagpapahinga? Kung araw naman, baka mas maganda ang resulta kung magpapatotoo ka sa lansangan o sa mga lugar ng negosyo.
Pampublikong Pagpapatotoo: Ang mga mesa at cart na pinaglalagyan ng mga displey ay dapat ilagay sa matataong lugar na teritoryo ng inyong kongregasyon. (Tingnan ang Hulyo 2013 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, p. 5.) Kung kakaunti na ang tao sa lugar na itinalaga para sa pampublikong pagpapatotoo, puwedeng ipasiya ng Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon na ilipat ito sa ibang lugar na mas matao.
Pagdalaw-Muli at Pag-aaral sa Bibliya: Posible kayang ilipat mo ang iyong iskedyul ng pagdalaw-muli at pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa panahong di-masyadong mabunga ang ibang pitak ng ministeryo? Halimbawa, kung mabunga ang pagbabahay-bahay tuwing Sabado ng umaga, baka puwedeng sa hapon o sa gabi ka na lang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya. Kapag dumadalaw-muli, baka puwedeng isaayos na dalawin ang mga inaaralan sa Bibliya na nakatira sa isang lugar, sa isang partikular na oras, para mas maraming maisagawa sa ministeryo.
Bagaman nakakaipon tayo ng oras sa tuwing naglilingkod tayo sa larangan, mas masaya tayo kapag nagiging mabunga ang ating gawain. Kung napansin mong hindi epektibo ang isang pitak ng ministeryo sa isang partikular na panahon, subukan mo ang iba namang pitak nito. Manalangin ka kay Jehova, ang “Panginoon ng pag-aani,” na patnubayan ka para magamit mo nang husto ang iyong panahon sa ministeryo!—Mat. 9:38.