Labindalawang Dahilan Kung Bakit Tayo Nangangaral
Bakit natin ipinangangaral at itinuturo ang mabuting balita? Ang pangunahin bang dahilan ay upang akayin ang tapat-pusong mga tao sa daan patungo sa buhay? (Mat. 7:14) Ito ang unang dahilan na binabanggit sa sumusunod na talaan, ngunit hindi ito ang pangunahin nating dahilan. Sa palagay mo, alin sa 12 dahilan ang pinakamahalaga?
1. Tumutulong ito sa pagliligtas ng buhay.—Juan 17:3.
2. Nagsisilbi itong babala sa balakyot.—Ezek. 3:18, 19.
3. Bahagi ito ng katuparan ng hula sa Bibliya.—Mat. 24:14.
4. Kapahayagan ito ng katuwiran ng Diyos. Hindi mapararatangan si Jehova na pinuksa niya ang balakyot nang hindi sila binibigyan ng pagkakataong magsisi.—Gawa 17:30, 31; 1 Tim. 2:3, 4.
5. Binabayaran nito ang ating pagkakautang na tulungan sa espirituwal ang mga tao na binili sa pamamagitan ng dugo ni Jesus.—Roma 1:14, 15.
6. Tinutulungan tayo nito na makaiwas sa pagkakasala sa dugo.—Gawa 20:26, 27.
7. Kahilingan ito para sa sarili nating kaligtasan.—Ezek. 3:19; Roma 10:9, 10.
8. Nagpapamalas ito ng pag-ibig sa ating kapuwa.—Mat. 22:39.
9. Pagsunod ito kay Jehova at sa kaniyang Anak.—Mat. 28:19, 20.
10. Bahagi ito ng ating pagsamba.—Heb. 13:15.
11. Ipinamamalas nito ang ating pag-ibig sa Diyos.—1 Juan 5:3.
12. Tumutulong ito para mapabanal ang pangalan ni Jehova.—Isa. 43:10-12; Mat. 6:9.
Siyempre pa, hindi lamang ito ang mga dahilan kung bakit tayo nakikibahagi sa ministeryo. Halimbawa, pinatitibay ng pangangaral ang ating pananampalataya at nagkakaroon tayo ng pribilehiyo na maging kamanggagawa ng Diyos. (1 Cor. 3:9) Gayunman, ang pinakamahalagang dahilan kung bakit tayo nakikibahagi sa ministeryo ay ang ika-12. Anuman ang pagtugon ng mga tao, tumutulong ang ministeryo para mapabanal ang pangalan ng Diyos at masagot ni Jehova ang tumutuya sa kaniya. (Kaw. 27:11) Tunay ngang may mabubuti tayong dahilan para ‘magpatuloy nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita.’—Gawa 5:42.