Bakit Tayo Nangangaral?
1. Ano ang kaugnayan ng pag-ibig at ng ating ministeryo?
1 Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang pinakamakabuluhang gawain sa ngayon. Kasi, sa paggawa nito, pareho nating nasusunod ang dalawang pinakadakilang utos—ang ibigin si Jehova at ibigin ang ating kapuwa. (Mar. 12:29-31) Ang pag-ibig ay isang napakalakas na puwersang nag-uudyok sa atin na maging masisigasig na ministro.—1 Juan 5:3.
2. Paano naipakikita ng ating pangangaral na mahal natin si Jehova?
2 Mahal Natin si Jehova: Ang pag-ibig natin sa pinakamamahal nating Kaibigan, si Jehova, ay nagpapakilos sa atin na ipagtanggol siya. Mga 6,000 taon na siyang sinisiraang-puri ni Satanas. (2 Cor. 4:3, 4) Dahil dito, naniniwala ang mga tao na pinarurusahan ng Diyos ang mga makasalanan sa isang maapoy na impiyerno, na isa siyang misteryosong Trinidad, at na wala siyang pakialam sa mga tao. Marami pa nga ang nag-iisip na hindi siya umiiral. Kaya naman, gustung-gusto nating malaman ng mga tao ang katotohanan tungkol sa ating Ama sa langit! Ang puspusan nating pagsisikap na maging mga saksi ng Diyos ay nagdudulot ng malaking kagalakan sa kaniya at kabiguan naman kay Satanas.—Kaw. 27:11; Heb. 13:15, 16.
3. Paano naipakikita ng ating pangangaral na mahal natin ang ating kapuwa?
3 Mahal Natin ang Ating Kapuwa: Tuwing nagpapatotoo tayo sa iba, naipakikita nating mahal natin sila. Kailangang-kailangang marinig ng mga tao ang mabuting balita sa mahirap na panahong ito. Marami ang tulad ng mga Ninevita noong panahon ni Jonas na “hindi man lamang nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa.” (Jon. 4:11) Sa ating ministeryo, natuturuan ang mga tao kung paano magkaroon ng maligaya at makabuluhang buhay. (Isa. 48:17-19) Nabibigyan din sila ng pag-asa. (Roma 15:4) Kung makikinig sila at isasabuhay ang kanilang natututuhan, sila ay “maliligtas.”—Roma 10:13, 14.
4. Ano ang hinding-hindi kalilimutan ni Jehova?
4 Ang mabubuting anak ay walang pinipiling oras sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanilang mga magulang. Sinisikap nilang maging maibigin sa lahat ng panahon. Sa katulad na paraan, ang malalim na pag-ibig sa Diyos at sa ating kapuwa ay mag-uudyok sa atin na laging maghanap ng pagkakataong makapagpatotoo, hindi lang kapag iskedyul ng bahay-bahay. Mangangaral tayo nang walang humpay. (Gawa 5:42) Ang gayong pag-ibig ay hinding-hindi kalilimutan ni Jehova.—Heb. 6:10.