Mas Maraming Pagkakataon Para Dakilain si Jehova
1. Anong bagong kaayusan ang tutulong sa atin na ‘lubhang dakilain si Jehova’?
1 Nitong nakaraang Marso, isang bagong kaayusan ang sinimulan. Tuwing Marso, Abril, at buwan ng regular na dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, ang mga mamamahayag ay puwede nang mag-auxiliary pioneer nang 30 oras lang ang kailangang abutin. Kung ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito ay sasaklaw sa dalawang buwan, puwedeng pumili ng isang buwan ang mga mamamahayag na gustong umabót ng kahilingang 30 oras. Lahat ng auxiliary pioneer ay maaaring dumalo sa buong pulong ng tagapangasiwa ng sirkito para sa mga regular at special pioneer. Nangangahulugan ito na kung hindi natin kayang abutin ang 50 oras, puwede pa rin nating ‘lubhang dakilain si Jehova’ bilang auxiliary pioneer nang hanggang apat na beses sa isang taon dahil sa kahilingan na 30 oras!—Awit 109:30; 119:171.
2. Anong mga pagpapala ang puwedeng tamasahin ng mga mag-o-auxiliary pioneer sa dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito?
2 Sa Dalaw ng Tagapangasiwa ng Sirkito: Ngayon, mas marami na ang makapag-o-auxiliary pioneer sa panahon ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito at mapatitibay sa paggawang kasama niya sa ministeryo. (Roma 1:11, 12) Malamang na maraming auxiliary pioneer ang magli-leave nang isang araw para makasama sa paglilingkod ang tagapangasiwa ng sirkito. Ang mga may trabaho mula Lunes hanggang Biyernes ay puwedeng humiling sa tagapangasiwa ng sirkito na samahan sila sa paglilingkod sa Sabado o Linggo. Isa pa, mapatitibay rin ang mga auxiliary pioneer sa pagdalo sa pulong para sa mga regular at special pioneer!
3. Bakit napakagandang pagkakataon ang panahon ng Memoryal para mag-auxiliary pioneer?
3 Sa Marso at Abril: Kung dati ka nang nag-o-auxiliary pioneer na umaabót ng kahilingang 30 oras sa buwan ng Memoryal, puwede mo na ngayong doblehin ang iyong “hain ng papuri”! (Heb. 13:15) Napakagandang buwan ng Marso at Abril para mapalawak ang ating ministeryo bilang mga auxiliary pioneer. Tuwing sasapit ang mga buwang ito, nakikibahagi tayo sa kasiya-siyang kampanya para anyayahan ang mga tao na dumalo sa Memoryal. At dahil marami ang nagpapalawak ng ministeryo sa panahon ng Memoryal, iba’t ibang mamamahayag ang puwede nating makasama sa paglilingkod. Pagkatapos ng Memoryal, binabalikan natin ang mga dumalong nagpakita ng interes at inaanyayahan uli sila para sa espesyal na pahayag pangmadla. Pakikilusin ka ba ng iyong puso na samantalahin ang mga pagkakataong ito para mag-auxiliary pioneer?—Luc. 6:45.