Kingdom News Blg. 38—Ipamamahagi sa Enero!
1. Ano ang mga tanong ng mga tao tungkol sa patay, at paano sasagutin ang mga ito sa Enero?
1 Ang kamatayan ay kaaway ng lahat ng tao, anuman ang kanilang paniniwala. (1 Cor. 15:26) Marami ang nagtatanong kung nasaan ang mga patay at kung makikita pa ba silang muli. Kaya naman, ang mga kongregasyon sa buong mundo ay mamamahagi sa loob ng isang buwan ng Kingdom News Blg. 38 na pinamagatang Puwede Pa Bang Mabuhay ang mga Patay? Dito sa Pilipinas, ang espesyal na kampanyang ito ay magsisimula sa Enero 1, 2014. Pagkatapos nito, ang Kingdom News Blg. 38 ay gagamitin na bilang tract.
2. Paano dinisenyo ang Kingdom News Blg. 38?
2 Kung Paano Ito Dinisenyo: Ang Kingdom News Blg. 38 ay dinisenyo para itupi nang pahaba para makita ang nakatatawag-pansing pamagat at ang tanong na “Ang sagot mo ba ay . . . oo? hindi? siguro?” Kapag binuksan ng mambabasa ang Kingdom News, malalaman niya ang sagot ng Bibliya sa patanong na pamagat at kung ano ang kahulugan ng pangako ng Bibliya para sa kaniya. Makikita rin niya ang mga dahilan kung bakit siya makapagtitiwala sa Bibliya. Ang likod ng Kingdom News ay nagbabangon ng isang tanong na puwede niyang pag-isipan at nag-aanyaya sa kaniya na matuto pa nang higit.
3. Paano ipamamahagi ang Kingdom News Blg. 38?
3 Kung Paano Ito Ipamamahagi: Ang kampanyang ito ay katulad ng sa pamamahagi ng mga imbitasyon para sa Memoryal at pandistritong kombensiyon. Ang mga elder ay magbibigay ng tagubilin kung paano kukubrehan ang teritoryo, kasuwato ng liham na may petsang Abril 1, 2013. Ang mga kongregasyon na maliliit ang teritoryo ay maaaring tumulong sa kalapít na mga kongregasyon na malalaki ang teritoryo. Kapag kumukuha ng inyong suplay ng Kingdom News Blg. 38, kumuha lang muna ng kakailanganin ninyo para sa isang linggo. Sa panahon ng kampanya, mamamahagi lang ng ekstrang kopya sa pampublikong pagpapatotoo kapag nakubrehan na ang lahat ng teritoryo. Kung ubos na ang suplay bago matapos ang buwan, gamitin ang alok na literatura para sa buwang iyon. Sa unang Sabado, magpopokus tayo sa espesyal na kampanya sa halip na sa pagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Tuwing Sabado at Linggo, dapat pa rin tayong mag-alok ng mga magasin kung angkop sa kalagayan. May mga plano ka na ba para lubusang makabahagi sa espesyal na kampanyang ito?