Pag-aaralan ang Maging Malapít kay Jehova Simula sa Linggo ng Enero 6
1. Simula sa linggo ng Enero 6, anong mga pagkakataon ang bukás para maging mas malapít tayo kay Jehova?
1 Gusto ni Jehova na maging malapít tayo sa kaniya. (Sant. 4:8) Kaya simula sa linggo ng Enero 6, pag-aaralan natin ang aklat na Maging Malapít kay Jehova sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya. Tungkol sa layunin ng aklat, sinasabi sa pambungad na pahina nito: “Ang pagbubulay-bulay sa paraan ng pagpapakita ni Jehova ng bawat isa sa kaniyang mga katangian, ang pagkakita kung paano ipinamalas ni Jesu-Kristo sa sakdal na paraan ang mga ito, at ang pagkaunawa kung paanong tayo rin ay makapaglilinang ng mga ito ay lalong magpápalapít sa atin sa Diyos.” Noong 2004 at 2005, pinag-aralan na ang aklat na ito. Pero karamihan sa halos dalawang milyong napasakatotohanan mula noon, ito ang unang pagkakataon na mapag-aaralan nila nang detalyado ang magagandang katangian ni Jehova. Para naman sa mga nakapag-aral na nito, tutulong ito para lalo nilang mapahalagahan ang mga katangian ni Jehova.—Awit 119:14.
2. Paano pag-aaralan ang Maging Malapít kay Jehova?
2 Kung Paano Ito Pag-aaralan: Magsisimula ang konduktor sa maikling introduksyon, marahil isa o dalawang pangungusap. Walang binabanggit sa aklat kung aling mga teksto ang dapat basahin, kaya ang konduktor ang pipili ng ipapabasang susing mga teksto. Bilang repaso, maaaring magbangon ng isa o dalawang tanong sa pagtatapos ng bawat pag-aaral. Kung may kahong “Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay,” ito ang gagamitin bilang repaso. Kung may panahon pa, ipapabasa ng konduktor ang ilan sa binanggit na mga teksto sa kahon at saka magbabangon ng karagdagang mga tanong para sa tagapakinig.
3. Habang pinag-aaralan ang aklat, ano ang dapat nating gawin at bakit?
3 Lubusang Makinabang: Patiunang maghanda kahit dati mo nang napag-aralan ang aklat. Sikaping magkomento dahil ito ay magbibigay-kapurihan kay Jehova, tutulong sa iyo na matandaan ang impormasyon, at kapaki-pakinabang sa ibang dumalo. (Awit 35:18; Heb. 10:24, 25) Habang binubulay-bulay mo ang di-matutumbasang mga katangian ni Jehova, magiging mas malapít ka sa kaniya. (Awit 77:11-13) Dahil diyan, magiging mas determinado kang sundin ang kaniyang mga utos at sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya.—Awit 150:1-6.