Makinabang sa Pag-aaral ng Maging Malapít kay Jehova
1 Sa “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon, tuwang-tuwa tayong tumanggap ng aklat na Maging Malapít kay Jehova. Binasa agad ng marami ang aklat. Tiyak na marami pa ang napakilos na gawin ito dahil sa taunang teksto para sa 2003: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Sant. 4:8.
2 Sa Marso, sisimulan nating talakayin ang Maging Malapít kay Jehova sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Paano tayo lubos na makikinabang sa ating pag-aaral? Mahalaga ang paghahanda. Dalawang linggo ang itatalaga sa bawat kabanata, na may kakaunting parapong nakaiskedyul para sa pag-aaral sa bawat linggo. Magbibigay ito ng sapat na panahon para sa iyong taos-pusong mga komento salig sa iyong pag-aaral at pagbubulay-bulay sa materyal. Isa pa, mas kaunting parapo ang tatalakayin sa mga linggo kung kailan rerepasuhin ang patapos na bahagi ng isang kabanata, upang magkaroon ng panahon na magamit ang isang pantanging bahagi ng aklat.
3 Mula sa kabanata 2, isang kahon na pinamagatang “Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay” ang lumilitaw malapit sa dulo ng bawat kabanata. Pagkatapos isaalang-alang ang huling parapo sa kabanata, ang kahon ay tatalakayin ng tagapangasiwa sa pag-aaral ng aklat sa grupo. Pasisiglahin niya ang mga miyembro ng grupo na ipahayag ang kanilang kaisipan, na hinahanap ang maiinam na resulta ng kanilang pagbubulay-bulay sa Kasulatan. (Kaw. 20:5) Bukod sa mga tanong na inilaan sa kahon, kung minsan ay maaari siyang magbangon ng mga tanong na gaya ng sumusunod: “Ano ang sinasabi ng impormasyong ito tungkol kay Jehova? Paano nito naaapektuhan ang iyong buhay? Paano mo ito magagamit sa pagtulong sa iba?” Tunguhin niyang ipahayag natin ang ating taos-pusong mga komento, hindi subukin ang grupo may kinalaman sa maliliit na detalye.
4 Ang Maging Malapít kay Jehova ay naiiba. Bagaman ang lahat ng mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin” ay lumuluwalhati kay Jehova, ang aklat na ito ay lubusang itinalaga upang talakayin ang mga katangian ni Jehova. (Mat. 24:45-47) Anong kapana-panabik na pagkakataon ang naghihintay sa atin! Lubusan tayong makikinabang sa malalim na pag-aaral ng personalidad ni Jehova. Tulungan nawa tayo ng pag-aaral na ito na maging mas malapít sa ating makalangit na Ama, at maging mas mabisa nawa tayo sa pagtulong sa iba na gawin din ang gayon.