Pag-aaral sa Aklat na Sambahin ang Diyos
Ang Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos ay dinisenyo upang pag-aralan kasama ng mga baguhan kapag natapos na sila sa pag-aaral ng aklat na Kaalaman. Ang pagtalakay natin sa publikasyong ito sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay maghahanda sa atin na gamitin ang kasangkapang ito sa ministeryo at tutulong sa atin na palalimin ang ating pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Paano tayo lubusang makikinabang mula sa ating pag-aaral ng aklat na Sambahin ang Diyos?
Pangangasiwa sa Pag-aaral: Yamang tatalakayin natin ang isang buong kabanata bawat linggo, kakailanganin ng mga tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat na matalinong hati-hatiin ang oras. Nanaisin nilang huwag pahabain ang pagtalakay sa panimulang mga parapo upang magkaroon ng higit na panahon sa mas mahahalagang materyal, na karaniwan nang nasa kasunod pang mga parapo. Ang maikling pagtalakay sa kahon para sa repaso sa katapusan ng bawat pag-aaral ay tutulong sa mga dumalo na matandaan ang susing mga punto.
Ang hiwalay na mga tanong na nasa parapo para sa pagbubulay-bulay at pagtalakay ay lumilitaw sa halos kalahati ng mga kabanata sa aklat na Sambahin ang Diyos. Ang isang halimbawa ay makikita sa pahina 48-9. Hindi na kailangang basahin ang mga tanong na ito kasama ng mga parapo. Kapag tinatalakay ang mga ito kasama ng grupo, dapat ipabasa ng tagapangasiwa ang binanggit na mga kasulatan at talakayin ang mga ito kung ipinahihintulot ng panahon.
Patiunang Paghahanda: Ang paghahandang mabuti para sa pag-aaral ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa pagsalungguhit lamang ng mga sagot. Ang may-pananalanging pagbubulay-bulay sa binanggit na mga kasulatan ay tutulong sa atin na maihanda hindi lamang ang ating mga komento kundi, higit sa lahat, ang ating puso. (Ezra 7:10) Tayong lahat ay makatutulong sa pagpapalitan ng pampatibay-loob sa pamamagitan ng malaya at katamtamang pagkokomento.—Roma 1:11, 12.
Ang pag-aaral natin sa aklat na Sambahin ang Diyos ay tutulong sa atin na maging malapít kay Jehova at magsasangkap sa atin na tulungan ang mga tapat-puso na sumama sa atin sa pagsamba sa kaniya. (Awit 95:6; Sant. 4:8) Tayong lahat nawa ay makinabang nang lubusan mula sa mainam na espirituwal na paglalaang ito.