Bagong Aklat na Gagamitin sa Pag-aaral ng Kongregasyon
1 Pasimula sa linggo ng Hulyo 7-13, gagamitin natin ang aklat na United in Worship of the Only True God sa ating mga Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Patiuna na naming ipinababatid ito sa inyo upang makakuha kayo ng inyong suplay sa tamang panahon.
2 Sa aklat na ito’y masusumpungan ninyo na bukod pa sa karaniwang mga katanungan sa ibaba ng pahina, mayroong karagdagang mga katanungan sa maliliit na letra sa katapusan ng ilang parapo. Ang mga ito ay sasagutin sa tulong ng mga binanggit na mga kasulatan. Inirerekomenda na ang isa na babasa ng mga parapo ay basahin din ang mga katanungang ito. Magbibigay ito ng pagkakataon para sa mga dumadalo na isaalang-alang kung papaano nila sasagutin ang mga iyon. Pagkatapos, kasuwato ng tagubilin sa ibaba ng pahina, isa-isang itatanong iyon ng konduktor, na inaanyayahang magkomento ang grupo. Ang ilang may mabilis na isipan o may mahabang karanasan sa katotohanan ay maaaring magboluntaryo kaagad sa pagkokomento sa mga puntong ito. Subali’t mas mainam na bagay kung magbibigay din ang konduktor ng maibiging pampasigla sa iba pa na makibahagi.
3 May napakabuting pagbanggit sa Kasulatan na inilakip sa pinag-aaralang materyal. Huwag lalaktawan ang mga ito. Lahat ng ito’y ipabasa at mag-anyaya ng komento kung papaano ikakapit ang materyal na pinag-uusapan. Gaya ng ipinakita sa unang kabanata ng aklat, ang pagkatutong mangatuwiran sa mga katanungan nang mabisa sa liwanag ng mga Kasulatan ay makakaabuloy sa pagsulong ng kakayahang mag-isip at umunawa ng isa.—Kaw. 5:1, 2; FiL 1:9-11.
KAILANGAN ANG LUBUSANG PAGHAHANDA
4 Upang ang lahat ay lubusang makinabang mula sa aklat, hindi kami nag-eeskedyul ng maraming pahina para sa bawa’t pag-aaral. Ito’y mangangahulugang kailangang maghandang mabuti sa ganang sarili ang konduktor sa pag-aaral upang mapalabas niya ang lahat ng mahahalagang punto sa iniatas na materyal. Ang pambukas na mga parapo ng isang kabanata ay karaniwang hindi nangangailangan ng malaking panahon di tulad ng sa bandang hull, na doon ang karamihan sa “karne” ay masusumpungan. Ang mga pahina na doon ang mga katanungan para sa pag-uusap ay naroroon sa katapusan ng isang parapo ay mangangailangan ng higit na panahon kaysa iba. Kaya iminumungkahi na gawing maikli ang komento sa payak na mga parapo upang hindi kayo magmadali sa pagtalakay sa mga bahagi na nangangailangan ng higit na pag-iisip.
5 Sa katapusan ng bawa’t kabanata ay may mga tanong sa repaso. Ang mga ito ay dapat na tumulong sa mga konduktor ng pag-aaral. Subali’t pag-ingatang huwag maging mababaw lamang ang mga komento. Himukin ang mga nakikibahagi na ilagay sa sariling mga salita ang mga espisipikong puntong natutuhan.
6 Hinihimok namin ang lahat na maghandang patiuna para sa pag-aaral ng aklat, na gumagamit ng panahon upang tingnan ang mga kasulatan. Ang atin nawang pagtalakay salig sa aklat na ito, na may pagdiriin sa mga puntong kuha mismo sa Bibliya, ay maglapit sa atin nang higit pa sa nagkakaisang pagsamba.