Pagtulong sa mga Hindi Pa Handa sa Aklat na Itinuturo ng Bibliya
1. Magiging interesado ba agad ang lahat sa aklat na Itinuturo ng Bibliya? Ipaliwanag.
1 Para maging mananamba ni Jehova, kailangang matutuhan ng isa ang mga itinuturo ng Bibliya. Pero may ilan na hindi Kristiyano at hindi naniniwalang Salita ng Diyos ang Bibliya. Ang iba naman ay hindi talaga naniniwala sa Diyos at sa Bibliya. Anong mga pantulong ang puwede nating gamitin para sa mga hindi pa handa sa aklat na Itinuturo ng Bibliya? Ang sumusunod na mga mungkahi ay mula sa komento ng mga mamamahayag mula sa 20 bansa.
2. Kung may magsasabing hindi siya naniniwala sa Diyos, ano ang dapat nating alamin? Bakit?
2 Mga Hindi Naniniwala sa Diyos: Kung may magsasabing hindi siya naniniwala sa Diyos, mahalagang malaman kung bakit. Naniniwala ba siya sa ebolusyon? Wala ba siyang pananampalataya sa Diyos dahil sa kawalang-katarungan sa mundo o pagpapaimbabaw ng relihiyon? Nagmula ba siya sa isang lupaing hindi nagtataguyod ng paniniwala sa Diyos? Marahil ay hindi naman niya tahasang sinasabi na walang Diyos, pero hindi niya nakikita na mahalagang maniwala sa Kaniya. Nasubukan ng maraming mamamahayag na kapag nagtanong sila, “Dati ka na bang hindi naniniwala sa Diyos?” nagpapaliwanag ang kausap nila. Makinig at huwag sumabad. Kapag nalaman natin kung bakit hindi siya naniniwala sa Diyos, malalaman din natin kung paano sasagot at kung anong publikasyon ang iaalok.—Kaw. 18:13.
3. Paano natin maipakikitang iginagalang natin ang ating kausap at ang kaniyang paniniwala?
3 Kapag nagpapaliwanag, iwasang maipadama sa kausap na pinipintasan mo ang kaniyang paniniwala. Ang mungkahing ito ay mula sa Estados Unidos: “Napakahalagang igalang ang kalayaan ng isa na piliin kung ano ang gusto niyang paniwalaan. Sa halip na makipagtalo, makabubuting magbangon ng mga tanong na tutulong sa kausap na mag-isip at gumawa ng sariling konklusyon.” Pagkatapos marinig ang opinyon ng may-bahay, kadalasan nang isinusunod ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ang tanong na “Sa tingin mo, posible rin kaya ito?”
4. Paano natin maaaring tulungan ang mga Budista?
4 Hindi pamilyar ang maraming Budista sa konsepto tungkol sa Diyos. Ang ilang mamamahayag sa Britanya ay gumagamit ng brosyur na Lasting Peace and Happiness—How to Find Them kapag nagpapatotoo sa mga ito. Pagkatapos talakayin ang introduksyon, tinatalakay nila ang seksiyong “Is There Really a Most High Creator?” at isinusunod ang seksiyong “A Guidebook for the Blessing of All Mankind.” Pagkatapos, baka maaari na nilang ialok ang aklat na Itinuturo ng Bibliya at sabihing “Kahit na hindi ka naniniwala sa Diyos, makikinabang ka sa pag-aaral ng Bibliya dahil naglalaman ito ng praktikal na mga patnubay sa buhay.” Sinabi ng isang payunir sa Estados Unidos na gumagawa sa teritoryong maraming Tsino: “Marami sa teritoryo namin ang palabasa. Kaya kadalasan nang tapós na nilang basahin ang publikasyong iniwan namin bago pa kami bumalik. Pero baka hindi nila magustuhan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Kaya iniaalok ko muna sa unang pagdalaw ang brosyur na Magandang Balita kasi madali itong makapagbukas ng pag-uusap.” Sinabi ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa Estados Unidos na naglilingkod sa isang sirkitong Tsino ang wika na posible namang ialok agad sa unang pagdalaw ang aklat na Itinuturo ng Bibliya. Pero mas magandang simulan ang pag-aaral sa kabanata 2 na tungkol sa Bibliya kaysa sa kabanata 1 na tungkol sa Diyos.
5. Bakit mahalaga ang pagtitiyaga?
5 Kailangan ng panahon bago magkaroon ng pananampalataya sa Diyos ang isa, kaya mahalaga ang pagtitiyaga. Sa unang mga pag-uusap, baka hindi agad sumang-ayon ang kausap natin na may isang Maylalang. Pero baka sa paglipas ng panahon, maisip din niyang posible ito, o baka maintindihan na niya kung bakit may mga naniniwala sa Maylalang.
6. Bakit walang interes sa Bibliya ang ilan?
6 Mga Walang Interes o Tiwala sa Bibliya: Pero ang isang naniniwala na posibleng may Diyos ay kadalasan nang hindi interesado sa itinuturo ng Bibliya dahil hindi siya naniniwalang Salita ito ng Diyos. Marahil ay nakatira siya sa isang di-Kristiyanong lupain at iniuugnay niya ang Bibliya sa Sangkakristiyanuhan. O baka nakatira siya sa isang Kristiyanong lupain na sobrang moderno at hindi niya naiisip na kapaki-pakinabang sa kaniya ang Bibliya. Paano natin sila matutulungan na maging interesado sa Bibliya para tumanggap din sila ng pag-aaral gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya?
7. Ano ang kadalasang epektibong paraan para tulungan ang iba na maging interesado sa Bibliya?
7 Isinulat ng tanggapang pansangay ng Gresya: “Ang pinakamainam na paraan para tulungan ang mga walang interes sa Bibliya ay buksan ang Bibliya at ipakita sa kanila ang nilalaman nito. Napansin ng maraming mamamahayag na mas tumatagos sa puso ng mga tao ang mensahe ng Bibliya kaysa sa anumang sasabihin nila. (Heb. 4:12) Marami ang natulungang maging interesado sa Bibliya nang mabasa nila sa Bibliya ang pangalan ng Diyos.” Isinulat ng tanggapang pansangay ng India: “Gustung-gustong pag-usapan ng mga Hindu ang katotohanan tungkol sa buhay at kamatayan—gayon din ang pangako sa Bibliya na isang daigdig na wala nang diskriminasyon dahil sa caste system.” Gamit ang karaniwang mga problema sa kanilang lugar, kadalasan nang nagkakaroon ng pagkakataon ang mga mamamahayag na ipakita sa kanilang kausap kung ano ang sinasabi ng Bibliya na gagawin ng Kaharian ng Diyos para ituwid ang mga bagay-bagay.
8. Ano ang puwede nating sabihin sa isang tao na negatibo ang pangmalas sa Bibliya dahil sa Sangkakristiyanuhan?
8 Kung negatibo ang pangmalas ng isa sa Bibliya dahil sa Sangkakristiyanuhan, sabihin sa kaniya na mali ang pagpapakilala ng Sangkakristiyanuhan sa Bibliya at sa mga turo nito. Isinulat ng tanggapang pansangay ng India: “Kung minsan, kailangan naming tulungan ang mga tao na makitang hindi mga simbahan ang tagapag-ingat ng Bibliya.” Inireport nila na kadalasan nang nagugustuhan ng mga Hindu ang seksiyon 4 ng brosyur na Ano ang Layunin ng Buhay? Paano Mo Masusumpungan? na nagpapaliwanag kung paano sinikap ng mga simbahan na haluan ng maling mga turo ang Salita ng Diyos. Sinasabi ng isang payunir sa Brazil sa kaniyang mga nakakausap: “Bakit hindi mo alamin nang higit ang nilalaman ng Bibliya? Maraming tao ang gumagawa nito nang bukás ang isip at walang inaanibang anumang relihiyon. Baka magulat ka sa dami ng matututuhan mo.”
9. Bakit hindi tayo dapat sumuko kapag ang isa ay hindi interesado sa itinuturo ng Bibliya?
9 Tinitingnan ni Jehova ang puso ng bawat tao. (1 Sam. 16:7; Kaw. 21:2) Inilalapit niya sa tunay na pagsamba ang mga may matuwid na puso. (Juan 6:44) Marami sa kanila ang hindi pa natuturuan tungkol sa Diyos o walang gaanong alam sa Bibliya. Sa tulong ng ating ministeryo, may pagkakataon silang “maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Kaya kung sa simula, ang isa ay hindi interesado sa itinuturo ng Bibliya, huwag sumuko! Gamitin ang isa sa mga pantulong na publikasyon para pukawin ang kanilang interes. Unti-unti, maililipat mo rin ang pag-uusap ninyo sa ating pangunahing pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
[Kahon sa pahina 4]
Subukan ito kapag hindi naniniwala sa Bibliya ang may-bahay:
• Talakayin ang kabanata 17 at 18 ng aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?
• Para sa mga Hindu, gamitin ang brosyur na Why Should We Worship God in Love and Truth?
• Para sa mga Judio, gamitin ang pahina 3-11 ng brosyur na Will There Ever Be a World Without War?
• Talakayin ang mga pakinabang ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya. Mga publikasyong magagamit mo para ipakita ang pagiging praktikal ng Bibliya:
Ang serye sa Gumising! na “Tulong Para sa Pamilya”
Ang video na The Bible—Its Power in Your Life
Ang mga brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos! aralin 9 at 11; Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, pahina 22-26; at Isang Kasiya-siyang Buhay—Kung Paano Ito Matatamo, seksiyon 2
Para sa mga Budista, gamitin ang pahina 3-7 ng brosyur na The Pathway to Peace and Happiness.
Para sa mga Muslim, gamitin ang seksiyon 3 ng brosyur na Tunay na Pananampalataya—Ang Susi Mo sa Maligayang Buhay.
Kung nangangaral ka sa lugar na marami ang may maling pangmalas sa Bibliya, makabubuti kung hindi mo muna sasabihin kung saan nagmumula ang ibinabahagi mo kaniya hanggang sa madalaw mo siya nang ilang ulit.
• Ipaliwanag kung paano natupad ang mga hula sa Bibliya. Mga publikasyong puwede mong gamitin:
Ang video na The Bible—Accurate History, Reliable Prophecy
Ang brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, pahina 27-29
• Kapag nagtanong siya kung ano ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa anumang paksa, gamitin agad ang aklat na Itinuturo ng Bibliya.
[Kahon sa pahina 5]
Kung sasabihin ng may-bahay: “Hindi ako naniniwala sa Diyos,” puwede mong sabihin:
• “Puwede ko bang ipaliwanag sa maikli kung ano ang nakakumbinsi sa akin na maniwala sa Maylalang?” Saka ibahagi ang mga punto sa aklat na Nangangatuwiran, pahina 291-292, o sabihing dadalhan mo siya ng publikasyong nakatulong sa iyo sa paksang iyan.
• “Kung sakaling may Diyos, ano ang gusto mong maging katangian niya?” Karamihan ng may-bahay ay magsasabing gusto nila ng Diyos na maibigin, makatarungan, maawain, at di-nagtatangi. Ipakita sa kaniya mula sa Bibliya na may ganiyang mga katangian ang Diyos. (Baka posible pa ngang gamitin ang kabanata 1 ng aklat na Itinuturo ng Bibliya, simula sa parapo 6.)
Kung sasabihin ng may-bahay: “Hindi ako naniniwala sa Bibliya,” puwede mong sabihin:
• “Ganiyan din ang sabi ng marami. Iniisip nila na ang Bibliya ay hindi praktikal o hindi kaayon ng siyensiya. Nasubukan mo na bang basahin ang Bibliya? [Hayaang sumagot. Saka ipakita ang introduksyon sa pahina 3 ng brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, at ialok ang brosyur.] Marami ang walang tiwala sa Bibliya dahil mali ang pagpapakilala ng relihiyon sa mga turo nito. Sa susunod, gusto ko sanang talakayin sa iyo ang isang halimbawa sa pahina 4 at 5.”
• “Ganiyan din ang iniisip ng marami. Gusto ko sanang ipabasa sa iyo ang isang teksto kung bakit humahanga ako sa Bibliya. [Basahin ang Job 26:7 o Isaias 40:22, na nagpapakitang tumpak ang Bibliya pagdating sa siyensiya.] Ang Bibliya ay naglalaman din ng mga simulaing nakatutulong sa mga pamilya. Sa susunod, gusto ko sanang pag-usapan natin ang isang halimbawa.”
• “Salamat sa pagiging tapat mo. Kung may isinulat na aklat ang Diyos para sa mga tao, ano kaya ang nilalaman nito?” Pagkatapos, ipabasa sa may-bahay ang isang teksto na kaugnay ng kaniyang komento.