Ialok ang Bagong Brosyur!
1. Ano ang iaalok sa Nobyembre? Ano ang layunin ng publikasyong ito?
1 Sa “Patuloy na Magbantay!” na Pandistritong Kombensiyon noong 2009, inilabas ang bagong brosyur na Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito? Sa Nobyembre, iaalok ito ng mga kongregasyon sa buong daigdig sa kauna-unahang pagkakataon. Paano makikinabang sa publikasyong ito ang mga tao sa ating teritoryo? Ang karamihan, lalo na ang mga di-Kristiyano, ay walang gaanong alam tungkol sa Bibliya. Kaya naman ipinaliliwanag ng brosyur sa pahina 3 na dinisenyo ito para magbigay ng “ideya sa nilalaman ng Bibliya.”
2. Paano natin maaaring ialok ang brosyur?
2 Kung Paano Ito Iaalok: Puwede nating sabihin: “Gusto naming kunin ang opinyon mo tungkol dito. [Basahin ang 2 Timoteo 3:16.] Marami sa mga nakausap namin ang sang-ayon sa binasa ko. Sabi naman ng iba, ang Bibliya daw ay isang magandang aklat lang. Ikaw, ano ang masasabi mo tungkol sa Bibliya? [Hayaang sumagot.] Anuman ang ating paniniwala, makabubuting suriin natin mismo ang Bibliya. [Basahin ang pambungad na parapo sa pahina 3.] Habang binabasa mo ang buod ng Bibliya sa brosyur na ito, matututuhan mo ang isang mahalagang punto: Ang Bibliya ay may iisang tema at mensahe.”
3. Ano ang isa pang presentasyon na puwedeng gamitin, lalo na sa teritoryo na marami ang di-Kristiyano?
3 Ito pa ang puwedeng sabihin kapag nangangaral sa mga di-Kristiyano: “Gusto naming malaman ang opinyon mo tungkol sa sinasabi ng Kasulatan (o ng banal na aklat na ito). [Basahin ang Awit 37:11.] Ano sa palagay mo ang mangyayari sa lupa kapag natupad na ang hulang ito? [Hayaang sumagot.] Isa lamang ito sa pag-asa at kaaliwang iniaalok ng Bibliya para sa mga tao anuman ang kanilang kultura at paniniwala.” Basahin ang pambungad na parapo sa pahina 3, at ialok ang brosyur.
4. Paano natin magagamit ang brosyur para makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya?
4 Magpasimula ng Pag-aaral sa Bibliya: Sa pagdalaw-muli, puwede nating ipaalaala sa may-bahay ang nakaraang pinag-usapan at saka talakayin ang isa o dalawang parapo na nauugnay sa paksang iyon, gamit ang mga tanong sa dulo ng seksiyong tatalakayin. O kung gusto nating gamitin ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, puwede nating basahin sa kaniya ang pabalat sa likod ng brosyur, iabot sa kaniya ang aklat, tanungin kung anong pamagat ng kabanata siya interesado, at talakayin ang isa o dalawang parapo ng kabanatang iyon. Lubusan nawa tayong makibahagi sa pag-aalok ng brosyur na ito sa Nobyembre!