Bagong mga Tract, Bagong Format!
1. Anong mga tract ang may napakagandang bagong format?
1 Limang bagong tract ang inilabas sa “Ang Salita ng Diyos ay Katotohanan!” na Pandistritong Kombensiyon noong 2013. Bukod diyan, ang Kingdom News Blg. 38, na may pamagat na “Puwede Pa Bang Mabuhay ang mga Patay?” ay napadagdag sa serye ng mga tract. May bagong format ang anim na tract na ito. Bakit bago ang format ng mga ito? Paano natin mabisang magagamit ang bagong format kapag ibinibigay natin ang mga tract na ito sa bahay-bahay?
2. Paano makakatulong ang bagong format ng mga tract?
2 Bakit Bago ang Format?: Ang mabisang presentasyon sa bahay-bahay ay karaniwan nang may apat na hakbang: (1) Tanungin ang opinyon ng may-bahay para masimulan ang pag-uusap. (2) Magbahagi ng isang punto mula sa Bibliya. (3) Bigyan ang may-bahay ng literatura. (4) Mag-iwan ng isang tanong na sasagutin sa susunod, at gumawa ng kaayusan sa pagdalaw-muli. Makakatulong ang bagong format ng tract para madali nating masunod ang apat na hakbang.
3. Paano natin gagamitin ang bagong mga tract sa ministeryo?
3 Kung Paano Gagamitin: (1) Pagkatapos batiin ang may-bahay, ipakita sa kaniya ang nakapupukaw-interes na tanong na may mapagpipiliang mga sagot sa harap ng tract, at tanungin ang kaniyang opinyon. (2) Buksan ang tract at talakayin ang bahaging “Ang Sabi ng Bibliya.” Kung posible, basahin ang teksto mula sa Bibliya mismo. Kung may panahon ang may-bahay, talakayin ang “Ano ang Maitutulong Nito sa Iyo?” (3) Ialok ang tract, at himukin siyang basahin ang iba pang bahagi nito sa ibang pagkakataon. (4) Bago umalis, ipakita sa kaniya ang tanong sa likod ng tract sa ilalim ng paksang “Pag-isipan Ito,” at pag-usapan kung kailan ninyo puwedeng talakayin ang sagot ng Bibliya.
4. Ano ang puwedeng sabihin kapag dinadalaw-muli ang mga interesado?
4 Madali rin ang pagdalaw-muli. Gamitin lang ang binanggit na mga teksto sa likod ng tract para sagutin ang tanong na iniwan mo. Bago ka umalis, ituro sa may-bahay ang larawan ng brosyur na Magandang Balita, ipakita ang mismong brosyur at ang aralin na nagbibigay ng higit pang impormasyon sa paksa, at ialok ito. Kapag tinanggap niya ito, pag-usapan kung kailan ninyo puwedeng talakayin ang brosyur. Nakapagpasimula ka na ng pag-aaral sa Bibliya! O sa halip na ialok ang brosyur, puwede kang magbigay ng ibang tract at pag-usapan kung kailan ninyo ito puwedeng talakayin.
5. Gaano kahalaga ang mga tract sa ating ministeryo?
5 Mahigit 130 taon na tayong gumagamit ng mga tract sa ating ministeryo. Nagkaroon ng mga pagbabago sa laki at format ng mga ito, pero napakabisa pa rin itong pantulong sa pagpapatotoo. Gamitin sana nating mabuti ang mga tract na may bagong format para patuloy na maihayag sa buong mundo ang kaalaman sa Bibliya.—Kaw. 15:7a.