Agosto—Buwan ng Isang Makasaysayang Gawain!
Isang Bagong Tract ang Ipamamahagi sa Buong Daigdig
1. Anong espesyal na kampanya ang gagawin sa buong daigdig habang papalapit ang ika-100 anibersaryo ng Kaharian?
1 Habang papalapit ang ika-100 anibersaryo ng pagsilang ng Kaharian ng Diyos, angkop lang na parangalan natin si Jehova sa pamamagitan ng isang espesyal na kampanya! Sa Agosto, ipamamahagi natin sa buong daigdig ang isang bagong tract na may pamagat na Saan Makikita ang Sagot sa Mahahalagang Tanong sa Buhay? Sa tract na ito, pinasisigla ang mga mambabasa na hanapin sa Bibliya ang sagot at ipinaliliwanag kung paano sila matutulungan ng jw.org.
2. Paano tayo makababahagi sa “malakas na sigaw bilang pagpuri kay Jehova” sa buwan ng Agosto?
2 Malakas na Sigaw ng Papuri: Para matulungan ang mga mamamahayag na mapalawak ang kanilang ministeryo, may espesyal na probisyon para sa mga gustong mag-auxiliary pioneer sa Agosto. Sa buwang iyon, ang bautisadong mga mamamahayag ay puwedeng mag-auxiliary pioneer at umabot ng 30 oras na kahilingan. Dahil lima ang Biyernes, Sabado, at Linggo sa Agosto, maraming mamamahayag na nagtatrabaho o nag-aaral ang makapag-o-auxiliary pioneer. Kung may estudyante ka sa Bibliya o anak na masulong at gustong maging mamamahayag, makipag-usap agad sa koordineytor ng lupon ng matatanda. Tiyak na mapatitibay sila na maglingkod kasama natin bilang mga mamamahayag sa makasaysayang buwang ito! Maraming regular pioneer ang nagbabakasyon kung Agosto matapos nilang maabot ang taunang kahilingang oras, pero baka puwede nilang i-adjust ang kanilang iskedyul para lubusan silang makabahagi sa espesyal na kampanyang ito. Ngayon na ang panahon para pag-usapan ng mga pamilya kung paano sila makikibahagi sa “malakas na sigaw bilang pagpuri kay Jehova” sa buwan ng Agosto.—Ezra 3:11; Kaw. 15:22.
3. Ano ang inaasahan sa espesyal na kampanyang ito?
3 Nagkaroon na tayo noon ng mga kampanya ng pamamahagi, pero umaasa tayo na magiging makasaysayan ito. Puwede ba tayong umabot ng mga bagong peak sa bilang ng oras, mamamahayag, at auxiliary pioneer sa Agosto? Sa pagtatapos ng 2014 taon ng paglilingkod, pagpalain nawa ni Jehova ang pagsisikap ng bayan niya sa buong daigdig para ang Agosto ay maging ang pinakamakasaysayang buwan ng pagpapatotoo!—Mat. 24:14.