Kung Paano Tutulungan ang mga Di-gaanong Marunong Magbasa
1. Ano ang hamon sa pagtuturo ng Bibliya sa mga di-gaanong marunong magbasa?
1 Ang ilang may-bahay na di-gaanong marunong magbasa ay baka interesado sa espirituwal na mga bagay, pero nahihiya kapag nakakita na ng Bibliya at ibang pang aklat. Baka sa pasimula ay hindi epektibong alukan sila ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Paano natin sila matutulungan sa espirituwal? Tinanong namin ang makaranasang mga mamamahayag sa mahigit 20 bansa kung ano ang ginagawa nila. Narito ang mga mungkahi nila.
2. Anong mga pantulong ang epektibo para sa mga di-gaanong marunong magbasa?
2 Kung hírap o di-marunong magbasa ang estudyante, puwedeng brosyur muna ang gamitin mo, alinman sa Listen to God o ang Makinig sa Diyos at Mabuhay Magpakailanman. Ipinakita ng isang payunir sa Estados Unidos ang mga brosyur na ito sa isang lalaki at itinanong kung alin ang mas gusto niya. Iniulat ng tanggapang pansangay sa Kenya na napakaepektibo roon ng mga pantulong na ito; ang mga tao kasi sa Aprika ay karaniwan nang tinuturuan sa pamamagitan ng pagkukuwento sa halip na tanong-sagot na talakayan. Baka magustuhan agad ng isa na nakapag-aral ang pagbabasa at tanong-sagot na talakayan, pero baka maasiwa rito ang isa na di-gaanong nakapag-aral. Kung medyo marunong magbasa ang estudyante, maraming mamamahayag ang nagsisimula sa brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos! o Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos!, o sa aklat na Mga Kuwento sa Bibliya.
3. Ano ang dapat nating maunawaan tungkol sa mga di-marunong magbasa para epektibo natin silang maturuan?
3 Magbigay ng Komendasyon: Maaaring nahihiya ang mga di-marunong magbasa at marami sa kanila ang mababa ang tingin sa sarili. Baka kailangan muna silang tulungan na maging palagay ang loob bago maturuan ng katotohanan. Karamihan sa di-marunong magbasa ay matalino at may kakayahang matuto. Igalang sila at bigyang-dangal. (1 Ped. 3:15) Gaganahan silang patuloy na mag-aral kung madarama nilang sulit ang pagsisikap nila at sumusulong sila sa espirituwal. Kaya lagi silang bigyan ng komendasyon.
4. Paano natin mapasisigla ang mga di-gaanong marunong magbasa na maghanda para sa pag-aaral?
4 Kahit di-gaanong marunong magbasa ang estudyante, pasiglahin siyang maghanda para sa pag-aaral. Hinihimok ng ilang mamamahayag sa South Africa ang mga estudyante nila na magpatulong sa kapamilya o kaibigan na mahusay magbasa. Pinasisigla naman ng isang mamamahayag sa Britain ang mga estudyante niya na maghanda sa pag-aaral. Habang tinatalakay ang ilang parapo, ipinagagamit niya muna sa kanila ang libro niya para makita nilang mas madaling mahanap ang sagot kapag may guhit na ang mga ito. Sa India, hinihimok ng isang brother ang mga estudyante niya na patiunang tingnan at pag-isipan ang mga larawan sa leksiyon para sa kasunod na linggo.
5. Paano tayo magpapakita ng tiyaga kapag nagdaraos ng pag-aaral?
5 Maging Matiyaga: Anumang publikasyon ang gamit mo, magpokus sa pangunahing mga punto, at tulungan ang iyong estudyante na maintindihan itong mabuti. Sa pasimula, baka makabubuti ang talakayan na 10 hanggang 15 minuto. Huwag sumaklaw ng napakaraming materyal. Baka sapat na ang ilang parapo bawat sesyon. Maging matiyaga kung mabagal magbasa ang estudyante. Malamang na mapakikilos siyang pasulungin pa ang kaniyang pagbabasa habang unti-unti siyang nagkakaroon ng pagpapahalaga kay Jehova. Para matulungan siyang gawin ito, imbitahan agad siya sa pulong.
6. Paano natin matutulungan ang mga indibiduwal na matutong magbasa?
6 Kapag natutong magbasa ang mga estudyante, mabilis silang susulong sa espirituwal. (Awit 1:1-3) Natulungan ng marami ang mga estudyante nila sa pamamagitan ng paggamit ng publikasyong Apply Yourself to Reading and Writing sa loob ng ilang minuto pagkatapos ng bawat pag-aaral. Kung panghinaan ng loob ang estudyante, baka mapasigla mo siya kapag ipinaalaala mo sa kaniya ang ilang bagay na natutuhan niyang gawin. Tiyakin sa kaniya na pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap niya, at himukin siyang manalangin para humingi ng tulong. (Kaw. 16:3; 1 Juan 5:14, 15) Pinasigla ng ilang mamamahayag sa Britain ang mga estudyante nila na magtakda ng makatuwiran at progresibong mga tunguhin—halimbawa ay pagkabisado muna sa alpabeto, pagkatapos, paghahanap at pagbabasa ng ilang teksto, at pagbabasa ng mga pinasimpleng publikasyon sa Bibliya. Kadalasan, para matulungan ang isa na matutong magbasa, hindi sapat na basta ituro sa kaniya kung paano ito gagawin, kailangang matulungan din siyang magkaroon ng pagnanais na gawin ito.
7. Bakit hindi natin dapat ipagkait ang katotohanan sa mga hírap o di-marunong magbasa?
7 Hindi minamaliit ni Jehova ang mga di-gaanong nakapag-aral. (Job 34:19) Puso ng tao ang tinitingnan Niya. (1 Cro. 28:9) Kaya huwag ipagkait ang katotohanan sa mga hírap o di-marunong magbasa. Maraming mahuhusay na pantulong para masimulan mo ang pag-aaral. Sa kalaunan, maililipat mo sa aklat na Itinuturo ng Bibliya ang pag-aaral at matutulungan ang estudyante na mas lumalim ang unawa sa Kasulatan.
Maaaring nahihiya ang mga di-marunong magbasa at marami sa kanila ang mababa ang tingin sa sarili. Baka kailangan muna silang tulungan na maging palagay ang loob bago maturuan ng katotohanan