Kunin Bilang Parisan ang mga Propeta—Si Zefanias
1. Ano ang sitwasyon sa Juda noong naglilingkod si Zefanias bilang propeta? Bakit mabuting halimbawa siya sa atin?
1 Noong kalagitnaan ng ikapitong siglo B.C.E., lantaran ang pagsamba kay Baal sa Juda. Pinatay ang masamang hari na si Amon, at pinalitan siya ng kabataang si Josias bilang hari. (2 Cro. 33:21–34:1) Nang panahong iyon, isinugo ni Jehova si Zefanias para ihayag ang Kaniyang paghatol. Malamang na kabilang si Zefanias sa maharlikang sambahayan ng Juda, pero hindi niya pinagaan ang mensahe ng paghatol ni Jehova sa mga lider ng Juda. (Zef. 1:1; 3:1-4) Sa ngayon, sinisikap nating tularan ang lakas ng loob ni Zefanias at hindi natin hinahayaang makahadlang sa pagsamba natin kay Jehova ang ating mga kamag-anak. (Mat. 10:34-37) Anong mensahe ang inihayag ni Zefanias, at ano ang resulta?
2. Ano ang dapat nating gawin para makubli sa araw ng galit ni Jehova?
2 Hanapin si Jehova: Si Jehova lang ang makapagliligtas sa mga tao sa araw ng kaniyang galit. Kaya hinimok ni Zefanias ang mga mamamayan ng Juda na hanapin si Jehova, hanapin ang katuwiran, at hanapin ang kaamuan habang may panahon pa. (Zef. 2:2, 3) Ganiyan din sa ngayon. Gaya ni Zefanias, hinihimok natin ang mga tao na hanapin si Jehova. Pero tayo mismo ay dapat na maging determinadong huwag ‘lumayo sa pagsunod kay Jehova.’ (Zef. 1:6) Hinahanap natin si Jehova sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti sa kaniyang Salita at pananalangin para sa kaniyang patnubay. Hinahanap natin ang katuwiran sa pamamagitan ng pananatiling malinis sa moral. Hinahanap natin ang kaamuan sa pamamagitan ng pagiging mapagpasakop at handang sumunod sa mga tagubilin mula sa organisasyon ni Jehova.
3. Bakit dapat tayong manatiling positibo sa ating ministeryo?
3 Magagandang Resulta: May ilan sa Juda na nakinig sa mensahe ng paghatol na inihayag ni Zefanias. Kasali roon ang kabataang si Josias, na nagsimulang humanap kay Jehova habang bata pa. Di-nagtagal, puspusang nilinis ni Josias ang lupain mula sa idolatriya. (2 Cro. 34:2-5) Sa ngayon, bagaman ang ilan sa mga binhi ng Kaharian ay naihasik sa tabi ng daan, sa mga dakong mabato, o sa gitna ng mga tinik, may mga binhi ring naihasik sa mainam na lupa at nagbunga. (Mat. 13:18-23) Nakatitiyak tayo na patuloy na pagpapalain ni Jehova ang pananatili nating abala sa paghahasik ng mga binhi ng Kaharian.—Awit 126:6.
4. Bakit kailangan nating ‘patuloy na hintayin si Jehova’?
4 Inakala ng ilan sa Juda na hindi kikilos si Jehova. Pero tiniyak ni Jehova sa lahat na malapit na ang kaniyang dakilang araw. (Zef. 1:12, 14) Ang mga nanganganlong lamang sa kaniya ang makaliligtas. (Zef. 3:12, 17) Habang ‘patuloy nating hinihintay si Jehova,’ maging maligaya nawa tayo sa paglilingkod kaisa ng iba pang mananamba ng ating dakilang Diyos!—Zef. 3:8, 9.