Gamitin ang Ating Website sa Ministeryo—“Sagot sa mga Tanong sa Bibliya”
Sa ilalim ng seksiyong “Turo ng Bibliya” sa jw.org/tl, makikita ang “Sagot sa mga Tanong sa Bibliya.” Kung pamilyar tayo sa karaniwang mga tanong na ito, puwede nating akayin sa ating website ang mga nagtatanong para sa makakasulatang sagot. Magagamit din ang mga tanong na ito para magpasimula ng pag-uusap sa ministeryo. Puwede tayong pumili ng isang tanong kung saan interesado ang mga tao sa ating teritoryo, hingin ang opinyon ng may-bahay, at saka sabihin sa kaniya ang sinasabi ng Bibliya gamit ang pangangatuwiran mula sa ating website. Pagkatapos, puwede nating sabihin o ipakita kung saan natin nakuha ang impormasyong iyon. O kaya naman, maaari nating ipabasa sa kaniya ang sagot mula mismo sa website. Nakita ng asawa ng isang naglalakbay na tagapangasiwa na epektibo ang pagsasabi nito: “Maraming tao ang nag-iisip, ‘Ang Diyos ba ang dapat sisihin sa ating pagdurusa?’ Gusto mo bang malaman ang sagot sa loob lang ng 51 segundo?” Saka niya ipinaririnig mula sa kaniyang cellphone ang nai-download niyang audio version ng sagot sa Ingles. Bilang pagtatapos, ipinakikita niya ang kabanata 11 ng aklat na Itinuturo ng Bibliya.