Isang Espesyal na Imbitasyon
1. Kailan magsisimula ang pag-iimbita para sa kombensiyon?
1 Kung may pinaplano kang espesyal na salusalo para sa mga kapamilya mo o kaibigan, na paghahandaan at gagastusan mo, malamang na magiging excited kang ipag-imbita iyon. Marami ring ginawa para maihanda ang espirituwal na piging na ihaharap sa ating darating na kombensiyon. Tatlong linggo bago ang kombensiyon natin, binigyan tayo ni Jehova ng pribilehiyong imbitahan ang mga tao. Ano ang makatutulong sa atin na mag-imbita nang may sigla?
2. Ano ang magpapakilos sa atin na lubusang makibahagi sa pag-iimbita?
2 Mapakikilos tayong makibahagi nang lubusan sa pag-iimbita kung bubulay-bulayin natin kung gaano tayo personal na nakikinabang sa nakarerepreskong tagubilin na inilalaan ni Jehova sa mga kombensiyon natin. (Isa. 65:13, 14) Dapat din nating tandaan na may resulta ang ginagawa nating pag-iimbita taon-taon. (Tingnan ang kahong “Magagandang Resulta.”) Ang ilan sa mga maiimbitahan natin ay dadalo, ang iba naman ay hindi. Pero marami man o ilan lang ang tumugon, ang mga pagsisikap natin ay magdudulot ng papuri kay Jehova at magpapakita ng kaniyang pagkabukas-palad.—Awit 145:3, 7; Apoc. 22:17.
3. Paano ipamamahagi ang imbitasyon?
3 Dapat tiyakin ng lupon ng matatanda kung paano maipamamahagi ang imbitasyon sa pinakamaraming tao hangga’t maaari, at kung mag-iiwan ba ng imbitasyon sa mga bahay na walang tao o iaalok ito sa pampublikong pagpapatotoo sa teritoryo. Sa mga dulo ng sanlinggo, dapat ding mag-alok ng mga magasin kung angkop. Pagkatapos ng panahon ng pag-iimbita, tiyak na magiging masaya tayo dahil alam natin na masigla tayong nakibahagi rito at naimbitahan natin ang pinakamaraming tao na maiimbitahan nating dumalo sa espirituwal na piging na inilalaan ni Jehova!