Kung Paano Aabutin ang Puso ng mga Tinuturuan Natin
1. Ano ang naging epekto ng pagtuturo ni Jesus sa puso ng kaniyang mga tagapakinig?
1 Naabot ni Jesu-Kristo ang puso ng kaniyang mga tagapakinig. Sa isang pagkakataon, ang puso ng kaniyang mga alagad ay ‘nagningas’ matapos niyang malinaw na ipaliwanag sa mga ito ang Kasulatan. (Luc. 24:32) Ang pagkamasunurin sa Diyos ay dapat magmula sa puso, kaya kailangan nating antigin ang damdamin ng mga tinuturuan natin para mapakilos silang gumawa ng pagbabago sa kanilang buhay. Paano?—Roma 6:17.
2. Bakit dapat tayong gumamit ng taktika at kaunawaan sa pag-abot sa puso ng isang tao?
2 Gumamit ng Taktika at Kaunawaan: Para sa marami, ang basta pagsasabi sa kanila ng kung ano ang tama at kung ano ang mali ay hindi magpapakilos sa kanila. Sa katunayan, kung pauulanan natin sila ng mga tekstong laban sa kanilang mga paniniwala, baka hindi pa nga nila tayo pakinggan. Para mapakilos ang isang tao, dapat muna nating maunawaan kung bakit ganoon ang kaniyang paniniwala at pagkilos. Ang mataktika, at pinag-isipang mga tanong ay mag-uudyok sa kaniya na sabihin ang nasa kalooban niya. (Kaw. 20:5) At saka lang tayo makapipili ng impormasyon sa Salita ng Diyos na maaaring makaantig sa kaniyang puso. Kung gayon, dapat tayong magpakita ng personal na interes at pagkamatiisin. (Kaw. 25:15) Tandaan na iba’t iba ang bilis ng espirituwal na pagsulong ng bawat tao. Bigyan ng panahon ang espiritu ni Jehova na impluwensiyahan ang kanilang pag-iisip at mga pagkilos.—Mar. 4:26-29.
3. Paano natin matutulungang maglinang ng magagandang katangian ang mga tinuturuan natin?
3 Tulungan Silang Maglinang ng Magagandang Katangian: Ang mga ulat sa Bibliya na naglalarawan sa kabutihan at pag-ibig ni Jehova ay tutulong sa mga tinuturuan natin na maglinang ng magagandang katangian. Puwede nating gamitin ang mga tekstong gaya ng Awit 139:1-4 o Lucas 12:6, 7 para ipakita kung gaano kalaki ang interes ng Diyos sa bawat isa sa atin. Kapag taos sa puso ang pagpapahalaga ng mga indibiduwal sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, sisidhi ang kanilang pag-ibig at makadiyos na debosyon. (Roma 5:6-8; 1 Juan 4:19) At kapag nalaman nilang apektado si Jehova sa kanilang paggawi, baka maudyukan silang kumilos sa paraang magpapalugod at magpaparangal sa kaniya.—Awit 78:40, 41; Kaw. 23:15.
4. Paano natin maipakikita ang paggalang sa kalayaang magpasiya ng isang tao kapag nagtuturo tayo sa ministeryo?
4 Hindi pinipilit ni Jehova ang sinuman na sumunod sa kaniyang mga utos. Sa halip, nananawagan siya sa mga indibiduwal, anupat ipinakikita sa kanila ang kahalagahan ng pagsunod sa kaniyang patnubay. (Isa. 48:17, 18) Natutularan natin si Jehova kapag nagtuturo tayo sa paraang tutulong sa mga tao na makagawa ng sarili nilang mga konklusyon. Kapag kumbinsido ang mga indibiduwal na kailangan nilang gumawa ng mga pagbabago, ang resulta ay panghabambuhay. (Roma 12:2) At mas mapapalapít sila sa “tagasuri ng mga puso,” si Jehova.—Kaw. 17:3.