Kunin Bilang Parisan ang mga Propeta—Habakuk
1. Bakit natin nauunawaan ang nadama ni propeta Habakuk?
1 Habang pasamâ nang pasamâ ang daigdig na ito, malamang na nadarama rin natin ang nadama ni Habakuk. Tinanong niya si Jehova: “Bakit mo ipinakikita sa akin yaong nakasasakit, at patuloy kang tumitingin sa kabagabagan?” (Hab. 1:3; 2 Tim. 3:1, 13) Ang pagbubulay-bulay sa mensahe at tapat na halimbawa ni Habakuk ay magpapatibay sa atin habang hinihintay natin ang araw ng paghuhukom ni Jehova.—2 Ped. 3:7.
2. Paano natin maipakikitang namumuhay tayo ngayon nang may pananampalataya?
2 Mamuhay Nang May Pananampalataya: Sa halip na panghinaan ng loob, nanatiling mapagbantay si Habakuk at aktibo sa kaniyang atas. (Hab. 2:1) Tiniyak ni Jehova sa propeta na matutupad ang salita Niya sa tamang panahon at na “ang matuwid ay mabubuhay dahil sa pananampalataya.” (Galacia 3:11; Hab. 2:2-4) Ano ang ibig sabihin nito para sa mga Kristiyanong nabubuhay sa dulo ng panahon ng kawakasan? Sa halip na alamin kung kailan darating ang wakas, mahalaga na maging kumbinsidong darating nga ito. Inuudyukan tayo ng pananampalataya na manatiling mapagbantay at gawing priyoridad ang ministeryo.—Heb. 10:38, 39.
3. Bakit dapat nating panatilihin ang ating kagalakan sa paglilingkod kay Jehova?
3 Magbunyi kay Jehova: Kapag sumalakay na si Gog ng Magog sa bayan ni Jehova, masusubok ang ating pananampalataya. (Ezek. 38:2, 10-12) Magdudulot iyan ng mahihirap na kalagayan kahit sa mga makaliligtas. Maaaring kapusin ang pagkain, mawala ang mga ari-arian, at humirap ang buhay. Kapag nangyari ito, ano ang magiging reaksiyon natin? Inasahan na ni Habakuk na daranas siya ng mahihirap na kalagayan, kaya sinikap niyang panatilihin ang kagalakan niya sa paglilingkod kay Jehova. (Hab. 3:16-19) “Ang kagalakan kay Jehova” ay tutulong din sa atin na makayanan ang mga pagsubok sa hinaharap.—Neh. 8:10; Heb. 12:2.
4. Bakit may dahilan tayo na magalak ngayon at sa hinaharap?
4 Ang mga ililigtas ni Jehova sa kaniyang dumarating na araw ng paghuhukom ay patuloy na tuturuan sa daan ng Diyos. (Hab. 2:14) Ang mga bubuhaying muli ay tuturuan din tungkol kay Jehova. Kaya naman, samantalahin na natin ngayon ang bawat pagkakataon para ipakipag-usap ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga kamangha-manghang gawa!—Awit 34:1; 71:17.