PAMUMUHAY BILANG KRISTIYANO
“Nagpasalamat si Pablo sa Diyos at Nagkaroon ng Lakas ng Loob”
Nang mabalitaan ng kongregasyon sa Roma na darating si Pablo, may mga kapatid na naglakbay nang mga 64 na kilometro para salubungin siya. Ano ang epekto ng mapagsakripisyong pag-ibig nila kay Pablo? “Nang makita sila, si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at nagkaroon ng lakas ng loob.” (Gaw 28:15) Kahit kilalá si Pablo na nagpapatibay ng mga kongregasyong dinadalaw niya, siya naman ang nakatanggap ng pampatibay-loob ngayong isa siyang bilanggo.—2Co 13:10.
Sa ngayon, ang mga tagapangasiwa ng sirkito ay dumadalaw sa mga kongregasyon para patibayin ang mga kapatid. Gaya ng iba pang lingkod ng Diyos, sila rin ay napapagod, nag-aalala, at pinanghihinaan ng loob. Sa susunod na dalaw ng inyong tagapangasiwa ng sirkito at ng kaniyang asawa, ano ang magagawa mo para mapalakas ang loob nila at magkaroon kayo ng “pagpapalitan ng pampatibay-loob”?—Ro 1:11, 12.
Daluhan ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Napapatibay ang mga tagapangasiwa ng sirkito kapag nakikita nilang nagsasakripisyo ang mga kapatid para lubusang makinabang sa linggo ng dalaw. (1Te 1:2, 3; 2:20) Bakit hindi ka mag-auxiliary pioneer sa buwan ng pagdalaw nila? Puwede mo ba silang samahan sa paglabas o isama siya, o ang misis niya, sa iyong Bible study? Natutuwa silang makasama ang iba’t ibang mamamahayag, kasama na ang mga baguhan o ang mga may pasusulungin pa sa ministeryo.
Maging mapagpatuloy. Puwede ka bang mag-alok ng matutuluyan o anyayahan silang kumain? Sa paggawa nito, maipapakita mong mahal mo sila. Hindi naman sila umaasa ng higit sa kaya mo.—Luc 10:38-42.
Makinig at sumunod sa kaniyang tagubilin at payo. Mahal tayo ng ating tagapangasiwa ng sirkito at gusto niya tayong tulungang sumulong sa paglilingkod natin kay Jehova. Kung minsan, baka kailangan niyang magbigay ng matinding payo. (1Co 5:1-5) Masaya siya kapag masunurin at mapagpasakop tayo.—Heb 13:17.
Magpasalamat. Sabihin sa tagapangasiwa ng sirkito at sa kaniyang asawa kung paano ka nila natulungan. Puwede mo itong gawin nang personal o sa pamamagitan ng isang note o card.—Col 3:15.