TALAMBUHAY
Tumanggap Ako ng Pagpapala Dahil Natuto Ako sa Iba
NOONG bata pa ako, hiráp ako sa ministeryo. At habang tumatanda ako, nakatanggap ako ng mga atas na parang hindi ko kayang gampanan. Pero nadaig ko ang takot, at tumanggap ako ng maraming pagpapala sa loob ng 58 taon ng buong-panahong paglilingkod. Ikukuwento ko sa inyo kung paano nakatulong sa akin ang magagandang halimbawa ng iba.
Ipinanganak ako sa Quebec City, na nasa probinsiya ng Quebec sa Canada, kung saan French ang ginagamit na wika. Pinalaki ako ng mabait at mapagmahal na mga magulang, sina Louis at Zélia. Tahimik lang si Tatay, at palabasa siya. Mahilig naman akong magsulat, at pangarap kong maging journalist.
Noong mga 12 anyos ako, nagpunta si Rodolphe Soucy at ang isang kaibigan niya sa bahay namin. Katrabaho siya ni Tatay, at mga Saksi ni Jehova sila. Wala akong gaanong alam tungkol sa mga Saksi, at hindi ako interesado sa relihiyon nila. Pero humanga ako sa paraan nila ng pagsagot sa mga tanong gamit ang Bibliya. Humanga rin ang mga magulang ko, kaya nagpa-Bible study kami.
Sa isang Catholic school ako nag-aaral noon. Nagkakausap kami kung minsan ng mga kaklase ko tungkol sa mga natututuhan ko sa Bibliya. Nalaman iyon ng mga guro namin na pari. Imbes na gamitin ang Kasulatan para patunayang mali ang sinasabi ko, pinagbintangan akong rebelde ng isa sa kanila sa harap ng buong klase! Nakaka-stress iyon, pero nakatulong iyon sa akin. Dahil doon, nakita kong hindi kaayon ng Bibliya ang itinuturo ng paaralan namin. Naisip kong dapat na akong umalis doon. Kaya sinabi ko iyon sa mga magulang ko, at nang pumayag sila, lumipat ako ng paaralan.
NATUTUHAN KONG MAHALIN ANG MINISTERYO
Tuloy-tuloy ang pagba-Bible study ko, pero mabagal ang pagsulong ko kasi takót akong magbahay-bahay. Malakas ang impluwensiya ng Simbahang Katoliko sa lugar namin, at talagang salansang sila sa pangangaral namin. Kaalyado ng simbahan si Maurice Duplessis, ang punong ministro ng Quebec. Suportado niya ang mga mang-uumog na nang-uusig at nananakit pa nga sa mga Saksi. Kailangan talaga ng lakas ng loob para makapangaral noon.
Ang brother na nakatulong sa akin na madaig ang takot ay si John Rae. Nagtapos siya sa ikasiyam na klase ng Gilead. Makaranasan si John, pero mahinahon siya, mapagpakumbaba, at madaling lapitan. Bihira niya akong payuhan pero marami akong natutuhan sa halimbawa niya. Hindi masyadong marunong mag-French si John kaya madalas ko siyang samahan sa ministeryo at tinuturuan ko siyang magsalita ng French. Nakatulong ito sa akin na makapanindigan sa katotohanan. Nabautismuhan ako, 10 taon mula nang una kong makausap ang mga Saksi, noong Mayo 26, 1951.
Ang mabuting halimbawa ni John Rae (A) ay nakatulong sa akin (B) na madaig ang takot sa pagbabahay-bahay
Payunir ang karamihan ng kapatid sa maliit na kongregasyon namin sa Quebec City. Dahil sa mabuting halimbawa nila, napasigla akong magpayunir. Noon, Bibliya lang ang ginagamit namin sa bahay-bahay. Dahil hindi kami gumagamit ng literatura, kailangan naming maging mas mahusay sa paggamit ng Kasulatan. Kaya sinikap kong maging pamilyar sa mga tekstong magagamit ko para ipagtanggol ang katotohanan. Pero marami ang tumangging magbasa ng anumang bersiyon ng Bibliya na hindi aprobado ng Simbahang Katoliko.
Noong 1952, pinakasalan ko ang isang tapat na sister sa lugar namin, si Simone Patry. Lumipat kami sa Montreal, at wala pang isang taon, nagkaroon kami ng anak na babae, si Lise. Huminto na ako sa pagpapayunir bago kami ikasal ni Simone, pero sinikap naming mamuhay nang simple para marami kaming magawa sa kongregasyon.
Lumipas pa ang 10 taon bago ko maisip ulit na magpayunir. Noong 1962, isang buwan akong nasa Bethel sa Canada para sa Kingdom Ministry School ng mga elder. Naging roommate ko ang brother na si Camille Ouellette. Hangang-hanga ako sa sigasig niya sa ministeryo kahit may pamilya na siya. Noon kasi, kaunti lang ang mga magulang sa Quebec na nagpapayunir habang nagpapalaki ng anak. Pero iyan ang sinisikap na gawin ni Camille. Pinatibay niya akong pag-isipan ang sitwasyon ko. Pagkatapos lang ng ilang buwan, nakita kong puwede na ulit akong magpayunir. Kinuwestiyon ng iba ang desisyon ko, pero nagpayunir pa rin ako at nagtiwalang tutulungan ako ni Jehova sa paglilingkod ko.
BUMALIK SA QUEBEC CITY BILANG MGA SPECIAL PIONEER
Noong 1964, kami ni Simone ay naatasan bilang mga special pioneer sa bayan namin, sa Quebec City. Doon kami naglingkod nang sumunod na mga taon. Bumuti na ang sitwasyon, pero may ilan pa ring sumasalansang sa pangangaral namin.
Isang Sabado ng hapon, inaresto ako sa Sainte-Marie, isang maliit na bayan na malapit sa Quebec City. Dinala ako sa istasyon ng pulis at ikinulong dahil nagbabahay-bahay ako nang walang permit. Di-nagtagal, dinala ako kay Baillargeon, isang matapang na hukom. Tinanong niya ako kung sino ang magiging abogado ko. Nang banggitin ko ang pangalang Glen How,a isang abogadong Saksi, kinabahan siya at nasabi niya: “Naku! Bakit siya?” Kilalá kasi si Glen How bilang mahusay na abogado ng mga Saksi noon. Di-nagtagal, ipinaalám sa akin ng korte na hindi na itutuloy ang kaso laban sa akin.
Dahil sa pagsalansang sa gawain sa Quebec, mahirap ding humanap ng angkop na lugar para sa pagsamba. Ang nahanap lang namin ay isang lumang garahe na walang heater. Kaya kapag taglamig, gumagamit ang mga kapatid ng isang oil heater. Nagtitipon kami sa paligid nito mga ilang oras bago ang pulong at nagkukuwentuhan ng nakakapagpatibay na mga karanasan.
Nakakatuwang makita kung paano lumago ang gawaing pangangaral sa paglipas ng mga taon. Noong dekada ’60, may ilang maliliit na kongregasyon lang sa Quebec City, Côte-Nord, at Gaspé Peninsula. Ngayon, mahigit dalawa na ang sirkito sa mga lugar na ito, at may magagandang Kingdom Hall na ang mga kapatid.
INATASAN SA GAWAING PAGLALAKBAY
Noong 1977, dumalo ako sa miting para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa sa Toronto, Canada
Noong 1970, kami ni Simone ay inatasan sa gawaing pansirkito. Pagkatapos, naatasan naman kami sa gawaing pandistrito noong 1973. Noong mga taóng iyon, marami akong natutuhan sa mahuhusay na brother gaya nina Laurier Saumurb at David Splane,c na parehong nasa gawaing paglalakbay. Pagkatapos ng bawat asamblea, nagbibigayan kami ni David ng mungkahi para sumulong pa ang pagtuturo namin. Naalala ko na sinabi niya: “Gusto ko y’ong huling pahayag mo, Léonce. Maganda, pero tatlong pahayag na ang magagawa ko sa impormasyong ginamit mo!” Napakarami ng impormasyong isinasama ko sa mga pahayag. Dapat kong gawing mas simple ang mga iyon.
Naglingkod ako sa iba’t ibang lunsod sa silangang bahagi ng Canada
Ang atas ng mga tagapangasiwa ng distrito ay patibayin ang mga tagapangasiwa ng sirkito. Pero marami akong kakilalang kapatid sa Quebec. Kaya kadalasan, gusto nila akong makasama sa paglilingkod kapag binibisita ko ang sirkito nila. Masaya akong maglingkod kasama nila, pero hindi ko masyadong nakakasama ang tagapangasiwa ng sirkito. May tagapangasiwa ng sirkito tuloy na nagsabi sa akin: “Buti at nakakasama mo ang mga kapatid. Pero huwag mo naman akong kalimutan. Kailangan ko rin ng pampatibay!” Nakatulong sa akin ang mabait na paalalang iyon para maging mas balanse.
Noong 1976, isang malungkot at di-inaasahang bagay ang nangyari. Ang mahal kong asawa ay nagkaroon ng malubhang sakit at namatay. Mapagsakripisyo si Simone at mahal niya si Jehova, kaya naging mahusay siyang katuwang. Nakatulong sa akin ang pagiging abalá sa ministeryo para makayanan ang pagkawala niya, at nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa kaniyang pag-ibig at suporta sa akin sa mahirap na panahong iyon. Nang maglaon, pinakasalan ko si Carolyn Elliott, isang masigasig na payunir na nagsasalita ng Ingles. Nagpunta siya sa Quebec para maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan. Madali siyang lapitan at talagang mapagmalasakit sa iba, lalo na sa mga mahiyain o mapag-isa. Malaking tulong siya sa akin sa gawaing paglalakbay.
ISANG NAPAKAIMPORTANTENG TAON
Noong Enero 1978, naatasan akong magturo sa unang klase ng Pioneer Service School sa Quebec. Kabadong-kabado ako kasi gaya ng mga tuturuan ko, bago lang din sa akin ang kurikulum. Buti na lang, maraming makaranasang payunir sa unang klaseng iyon. Ako ang instruktor, pero marami akong natutuhan sa mga estudyante!
Nang taon ding iyon, ginanap ang “Victorious Faith” na Internasyonal na Kombensiyon sa Olympic Stadium sa Montreal. Iyon ang pinakamalaking kombensiyon sa kasaysayan ng Quebec. Mahigit 80,000 ang dumalo. Naatasan akong maglingkod sa News Service Department ng kombensiyon. Marami akong nakausap na journalist, at tuwang-tuwa ako sa magagandang ulat nila tungkol sa atin. Mahigit 20 oras na mga interbyu natin ang napanood sa telebisyon at napakinggan sa radyo. Daan-daang artikulo rin ang inilathala. Isang malaking patotoo iyon!
ISANG BAGONG ATAS
Isang malaking pagbabago ang nangyari sa akin noong 1996. Mula nang mabautismuhan ako, sa teritoryong French sa Quebec na ako naglilingkod. Pero ngayon, naatasan ako sa Toronto, sa isang teritoryo na Ingles ang wika. Pakiramdam ko hindi ko iyon kaya, at takot na takot akong magpahayag kasi hindi ako mahusay mag-Ingles. Mas dumalas ang pananalangin ko, at lalo akong nagtiwala kay Jehova.
Ninerbiyos ako nang malaman kong maglilingkod ako sa distritong iyon, pero ngayon, talagang masasabi ko na naging masaya ako sa dalawang-taóng paglilingkod namin sa Toronto. Matiyaga akong tinulungan ni Carolyn para magkaroon ako ng kumpiyansang mag-Ingles. Sinuportahan at pinatibay rin ako ng mga kapatid. Marami kaming naging bagong kaibigan.
Bukod sa iba pang gawain at paghahanda para sa asamblea sa dulong sanlinggo, madalas na mga isang oras akong nagbabahay-bahay tuwing Biyernes ng gabi. Baka maisip ng iba, ‘May asamblea na sa weekend, bakit lumalabas pa siya?’ Gumagaan kasi ang pakiramdam ko kapag lumalabas ako sa larangan. At hanggang ngayon, nagpapasaya pa rin sa akin ang pangangaral.
Noong 1998, kami ni Carolyn ay nabigyan ng bagong atas bilang mga special pioneer sa Montreal. Sa loob ng maraming taon, kasama sa atas ko ang pag-oorganisa ng espesyal na kampanya ng pagpapatotoo sa publiko at pakikipag-usap sa media para itama ang maling akala ng mga tao sa mga Saksi ni Jehova. Ngayon, masaya kaming nangangaral ni Carolyn sa mga dayuhan na kalilipat lang sa Canada at interesadong matuto sa Bibliya.
Kasama ang asawa kong si Carolyn
Habang binabalikan ko ang 68-taóng paglilingkod ko bilang bautisadong lingkod ni Jehova, nararamdaman kong talagang pinagpala ako. Masayang-masaya ako dahil natutuhan kong mahalin ang ministeryo at marami akong natulungang malaman ang katotohanan. Naglingkod bilang payunir ang anak kong si Lise at ang asawa niya matapos nilang magpamilya. Masaya akong makita na masigasig pa rin siya sa ministeryo. Ipinagpapasalamat ko rin ang mga kapatid na naging magandang halimbawa sa akin at nagbigay ng mabubuting payo. Natulungan nila akong sumulong sa espirituwal at magampanan ang iba’t ibang teokratikong atas. Natutuhan kong magagampanan lang natin ang isang atas kapag umasa tayo sa banal na espiritu ni Jehova. (Awit 51:11) Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil binigyan niya ako ng napakagandang pribilehiyo na purihin ang pangalan niya!—Awit 54:6.
a Tingnan ang talambuhay ni W. Glen How, “Ang Pagbabaka ay Hindi sa Inyo, Kundi sa Diyos,” sa Gumising!, Abril 22, 2000.
b Tingnan ang talambuhay ni Laurier Saumur, “I Found Something Worth Fighting For,” sa Nobyembre 15, 1976 na isyu ng The Watchtower.
c Si David Splane ay miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.