Mga Tanong Mula Sa Mga Mambabasa
Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan”?
Kapayapaan ang mensahe ni Jesus. Pero sa isang pagkakataon, sinabi niya sa mga apostol niya: “Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa; dumating ako para magdala, hindi ng kapayapaan, kundi ng espada. Dahil dumating ako para maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi, ng anak na lalaki at ng kaniyang ama, at ng anak na babae at ng kaniyang ina, at ng manugang na babae at ng kaniyang biyenang babae.” (Mat. 10:34, 35) Ano ang ibig sabihin ni Jesus?
Hindi gusto ni Jesus na magkawatak-watak ang magkakapamilya, pero alam niya na puwede silang magkabaha-bahagi dahil sa mga turo niya. Kaya kung gusto ng isa na maging alagad ni Kristo at magpabautismo, kailangan niyang maintindihan na kung minsan, posibleng hindi magustuhan ng mga kapamilya niya ang desisyon niya. Kung salansangin siya ng asawa niya o ng ibang miyembro ng pamilya, baka mahirapan siyang manatiling tapat sa mga turo ni Kristo.
Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano na “makipagpayapaan . . . sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Pero para sa ilang pamilya, ang mga turo ni Jesus ay puwedeng maging parang “espada.” Nangyayari iyan kapag tinanggap ng isang miyembro ng pamilya ang mga turo ni Jesus pero kontra naman dito ang mga kapamilya niya. Sa ganiyang sitwasyon, nagiging “kaaway” ng isang nag-aaral ng Bibliya ang mga kapamilya niya.—Mat. 10:36.
Kapag iba ang relihiyon ng mga kapamilya ng isang tagasunod ni Kristo, puwedeng masubok ang pagmamahal niya kay Jehova at kay Jesus. Halimbawa, baka pilitin siya ng mga kamag-anak niya na ipagdiwang ang isang relihiyosong kapistahan. Kapag nangyari iyan, kailangan niyang magpasiya kung sino ang susundin niya. Sinabi ni Jesus: “Kung mas mahal ng isa ang kaniyang ama o ina kaysa sa akin, hindi siya karapat-dapat sa akin.” (Mat. 10:37) Siyempre, hindi naman sinasabi ni Jesus na hindi na gaanong mamahalin ng mga tao ang mga magulang nila para maging tagasunod niya sila. Itinuturo lang ni Jesus na dapat na alam natin kung ano ang pinakamahalaga sa buhay natin. Kapag sinasalansang ng mga di-sumasampalatayang kapamilya ang pagsisikap nating sambahin si Jehova, mahal pa rin natin sila, pero dapat na mas mahalaga sa atin ang pagmamahal sa Diyos.
Mahirap talaga kapag sinasalansang ng pamilya. Pero dapat tandaan ng mga alagad ni Jesus ang sinabi niya: “Sinumang ayaw pumasan sa kaniyang pahirapang tulos at ayaw sumunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” (Mat. 10:38) Ibig sabihin, itinuturing ng mga Kristiyano na ang pagsalansang ng mga kapamilya ay kasama sa mga dapat tiisin ng mga alagad ni Kristo. Pero umaasa sila na magbabago rin ang isip ng mga di-Saksing kapamilya nila at tatanggapin ang mensahe ng Bibliya dahil sa magandang paggawi nila.—1 Ped. 3:1, 2.