Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w24 Hunyo p. 14-18
  • Laging Pinapakinggan ni Jehova ang mga Panalangin Ko

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Laging Pinapakinggan ni Jehova ang mga Panalangin Ko
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MGA PAYUNIR NA BUMAGO SA BUHAY NAMIN
  • NAGSIMULA ANG DIGMAAN
  • NOONG SUMUSULONG NA AKO
  • BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD
  • IPINAGTATANGGOL ANG MGA KARAPATAN NG BAYAN NI JEHOVA
  • NAGLUWAG SA CUBA
  • PAGTULONG SA MGA KAPATID SA RWANDA
  • DETERMINADONG MANATILING TAPAT
  • “Ang Iyong Maibiging-Kabaitan ay Lalong Mabuti Kaysa sa Buhay”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Nagbunga ng Habambuhay na mga Pagpapala ang Tamang mga Pasiya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Ang Buhay Ko sa Inaakay-ng-Espiritung Organisasyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Masaya Akong Matuto at Magturo Tungkol kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
w24 Hunyo p. 14-18
Si Marcel Gillet habang nasa opisina niya sa sangay sa Belgium.

TALAMBUHAY

Laging Pinapakinggan ni Jehova ang mga Panalangin Ko

IKINUWENTO NI MARCEL GILLET

NOONG 10 taóng gulang ako, tumingala ako sa langit at tiningnan ang nagniningning na mga bituin. Lumuhod ako at nanalangin. Noon ko lang nakilala si Jehova, pero sinabi ko na sa kaniya ang lahat ng inaalala ko. Diyan nagsimula ang pakikipagkaibigan ko sa Diyos na Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Ikukuwento ko sa inyo ngayon kung bakit ako nanalangin noon sa Diyos.

MGA PAYUNIR NA BUMAGO SA BUHAY NAMIN

Ipinanganak ako noong Disyembre 22, 1929 sa Noville, isang maliit na nayon na may siyam na farm. Malapit ito sa Bastogne, na nasa Ardennes ng Belgium. Masaya ang buhay ko noon sa farm kasama ng mga magulang ko. Noong maliit pa kami ng mas bata kong kapatid na si Raymond, mano-mano naming ginagatasan araw-araw ang mga baka namin at tumutulong din kami sa pag-aani. Magkakaibigan ang lahat sa nayon namin, at nagtutulungan kami.

Kasama ang pamilya ko sa farm

Debotong Katoliko ang mga magulang ko na sina Emile at Alice. Nagsisimba sila tuwing Linggo. Pero noong mga 1939, may dumating sa nayon namin na mga payunir galing sa England. Inalok nila si Tatay ng subscription ng magasing Consolation (tinatawag ngayong Gumising!). Nakita agad ni Tatay na ito ang katotohanan, kaya sinimulan niyang basahin ang Bibliya. Dahil huminto na siya sa pagsisimba, inaway siya ng mga kapitbahay namin na mabait naman dati. Madalas silang nakikipagtalo sa kaniya kasi pinipilit nila siyang manatiling Katoliko.

Awang-awa ako noon kay Tatay. Iyan ang dahilan kaya ako humingi ng tulong sa Diyos, gaya ng ikinuwento ko sa simula. Tuwang-tuwa ako nang tigilan na siya ng mga kapitbahay namin. Napatunayan nito sa akin na talagang si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.”

NAGSIMULA ANG DIGMAAN

Sinakop ng Nazi Germany ang Belgium noong Mayo 10, 1940, kaya marami ang umalis ng bansa. Pumunta ang pamilya namin sa timog ng France. Habang tumatakas kami, ilang beses kaming naipit sa bakbakan ng Germany at France.

Nang makabalik kami sa farm, halos wala na kaming natirang gamit. Ninakawan kasi kami. Buti na lang, nandoon pa ang aso naming si Bobbie, na sumalubong sa amin. Dahil sa lahat ng pinagdaanan namin, napaisip ako, ‘Bakit ba may digmaan at paghihirap?’

Si Marcel noong teenager siya.

Nang mag-teenager ako, naging mas malapít ako kay Jehova

Nang mga panahong iyon, lagi kaming dinadalaw ni Brother Emile Schrantz,a isang elder na payunir. Talagang napatibay niya kami. Ipinaliwanag niya mula sa Bibliya kung bakit tayo naghihirap. Sinagot niya rin ang iba ko pang mga tanong sa buhay. Dahil diyan, naging mas malapít ako kay Jehova at nakilala ko siya bilang Diyos ng pag-ibig.

Kahit may digmaan pa noon, madalas nang nakakasama ng pamilya namin ang mga kapatid. Noong Agosto 1943, nagpahayag sa farm namin si Brother José-Nicolas Minet. Nagtanong siya, “Sino ang gustong magpabautismo?” Nagtaas ng kamay ang tatay ko, kaya nagtaas na rin ako. Sabay kaming nabautismuhan sa isang maliit na ilog na malapit sa farm namin.

Noong Disyembre 1944, inatake ng hukbo ng Germany sa huling pagkakataon ang kanlurang Europe. Nakilala ang labanang ito bilang Battle of the Bulge. Malapit lang sa amin ang lugar ng labanan, kaya mga isang buwan kaming tumira sa basement ng bahay namin. Minsan, nang lumabas ako para pakainin ang mga alaga naming hayop, tinamaan ng bomba ang farm. Kaya nagkawasak-wasak ang bubong ng kulungan ng mga hayop namin. Sumigaw ang isang Amerikanong sundalo na nasa malapit, “Dapa!” Tumakbo ako sa tabi niya at dumapa, at inilagay niya ang helmet niya sa ulo ko para maprotektahan ako.

NOONG SUMUSULONG NA AKO

Noong araw ng kasal namin

Pagkatapos ng digmaan, regular na naming nakakausap ang mga kapatid sa isang kongregasyon sa Liège, mga 90 kilometro sa hilaga namin. Pagkalipas ng ilang panahon, nakabuo kami ng isang grupo sa Bastogne. Nakapagtrabaho din ako noon, at may kinalaman iyon sa pangongolekta ng buwis. Nakapag-aral din ako ng law. Pagkatapos, lumipat ako ng trabaho sa isang ahensiya ng gobyerno. Noong 1951, nag-organisa kami ng isang maliit na pansirkitong asamblea sa Bastogne. Mga 100 ang dumalo, kasama na ang isang napakasipag na payunir, si Elly Reuter. Nagbisikleta siya ng 50 kilometro para lang makadalo. Nagustuhan namin ang isa’t isa hanggang sa nagplano na kaming magpakasal. Nakatanggap si Elly ng imbitasyon na mag-aral sa Gilead sa America. Kaya sumulat siya sa punong-tanggapan at nagpaliwanag kung bakit hindi niya matatanggap ang imbitasyon. Sumagot si Brother Knorr, na nangunguna noon sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Mabait niyang sinabi na baka makapag-aral din si Elly sa susunod at kasama na ang magiging asawa niya. Nagpakasal kami noong Pebrero 1953.

Si Elly at ang anak naming si Serge

Nang taon ding iyon, dumalo kami ni Elly sa New World Society Assembly na ginanap sa Yankee Stadium, New York. May nakilala ako doon na brother na nag-alok sa akin ng magandang trabaho. Niyaya niya rin kaming tumira sa America. Ipinanalangin namin iyon ni Elly, at nagdesisyon kami na huwag tanggapin iyon. Bumalik kami sa Belgium para suportahan ang maliit na grupo sa Bastogne na mga 10 lang ang mamamahayag. Nang sumunod na taon, nagkaroon kami ng anak na lalaki, si Serge. Pero pagkalipas ng pitong buwan, nagkasakit ang anak namin at namatay. Lungkot na lungkot kami habang kinakausap namin si Jehova sa panalangin. Pero napalakas kami ng pag-asa natin na pagkabuhay-muli.

BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD

Noong Oktubre 1961, nakakuha ako ng part-time na trabaho kaya puwede akong makapagpayunir. Pero nang araw ding iyon, tinawagan ako ng lingkod ng sangay sa Belgium. Tinanong niya kung puwede akong maging lingkod ng sirkito (tinatawag ngayong tagapangasiwa ng sirkito). Ang sabi ko, “Hindi po ba puwedeng magpayunir muna kami?” Pinayagan naman kami. Walong buwan kaming nakapagpayunir, at nagsimula kami sa gawaing pansirkito noong Setyembre 1962.

Noong dalawang taon na kami sa gawaing pansirkito, naglingkod naman kami sa Bethel sa Brussels noong Oktubre 1964. Napakarami naming tinanggap na pagpapala dito. Pagkatapos dumalaw ni Brother Knorr sa Bethel sa Brussels noong 1965, naatasan akong maging lingkod ng sangay. Hindi ko iyon inaasahan. Naimbitahan din kaming mag-aral ni Elly sa ika-41 klase ng Gilead. Nagkatotoo ang sinabi ni Brother Knorr 13 taon na ang nakakalipas! Bumalik kami sa Bethel sa Belgium pagka-graduate namin.

IPINAGTATANGGOL ANG MGA KARAPATAN NG BAYAN NI JEHOVA

Nagamit ko ang pinag-aralan ko sa law para maipagtanggol ang kalayaang sumamba ng mga Saksi ni Jehova sa Europe at sa iba pang lugar. (Fil. 1:7) Sa atas na ito, kinailangan kong kausapin ang mga opisyal sa mahigit 55 bansa kung saan may paghihigpit o pagbabawal sa gawain natin. Kapag nagpapakilala ako, imbes na sabihin ko ang background ko sa law, sinasabi ko, “Lingkod ako ng Diyos.” Lagi akong nananalangin sa Diyos, kasi alam ko na “ang puso ng hari [o ng hukom] ay gaya ng dumadaloy na tubig sa kamay ni Jehova. Ibinabaling Niya iyon saanman Niya gustuhin.”​—Kaw. 21:1.

Isa sa mga karanasang hindi ko makalimutan ay nang makipag-usap ako sa isang miyembro ng European Parliament. Ilang beses akong nagpa-schedule na makausap siya bago siya pumayag. Nang mag-uusap na kami, sinabi niya: “Sige, may limang minuto ka. Iyan lang ang kaya kong ibigay sa iyo.” Kaya yumuko ako at nanalangin. Kinabahan siya. Tinanong niya kung ano ang ginagawa ko. Pagkatapos kong manalangin, sinabi ko sa kaniya, “Pinasalamatan ko ang Diyos kasi lingkod ka niya.” Ang sabi niya, “Ano’ng ibig mong sabihin?” Ipinakita ko sa kaniya ang Roma 13:4. Nagkainteres siya sa teksto kasi Protestante siya. Dahil diyan, maganda ang naging pag-uusap namin at umabot pa kami nang kalahating oras. Sinabi pa nga niya na mataas ang tingin niya sa ginagawa ng mga Saksi ni Jehova.

Maraming ipinakipaglabang kaso sa korte ang mga Saksi ni Jehova sa Europe. Kasama na diyan ang tungkol sa Kristiyanong neutralidad, kustodiya ng bata, at pagbubuwis. Isang malaking karangalan para sa akin na makita ko mismo sa maraming pagkakataon kung paano tayo pinagtagumpay ni Jehova. Mahigit 140 kaso na ang naipanalo ng mga Saksi ni Jehova sa European Court of Human Rights!

NAGLUWAG SA CUBA

Noong 1990’s, nakatrabaho ko si Brother Philip Brumley, mula sa punong-tanggapan, at si Brother Valter Farneti, mula sa Italy. Tinulungan namin ang mga kapatid sa Cuba na makasamba nang mas malaya kasi may paghihigpit sa gawain natin doon. Sumulat ako sa embassy ng Cuba sa Belgium, at may opisyal na nakipag-usap sa akin. Hindi naging gaanong matagumpay ang unang mga pag-uusap namin.

Kasama sina Philip Brumley at Valter Farneti sa isa sa mga pagdalaw namin sa Cuba noong 1990’s

Pagkatapos hingin ang patnubay ni Jehova, humingi kami ng permiso na makapagpasok ng 5,000 Bibliya sa Cuba. At pinayagan kami. Naipamahagi namin sa mga kapatid ang Bibliya, kaya naramdaman namin na talagang pinagpapala ni Jehova ang pagsisikap namin. Pagkatapos, humingi kami ng permiso na makapagpasok pa ng 27,500 Bibliya. Pinayagan ulit kami. Napakasaya kong matulungan ang mahal nating mga kapatid sa Cuba na magkaroon ng sariling kopya nila ng Bibliya.

Maraming beses akong pumunta sa Cuba para tulungan ang mga kapatid sa pagharap sa mga legal na usapin doon. Dahil diyan, nagkaroon ako ng magandang kaugnayan sa maraming opisyal ng gobyerno.

PAGTULONG SA MGA KAPATID SA RWANDA

Noong 1994, mahigit 1,000,000 ang namatay dahil sa paglipol sa tribo ng mga Tutsi sa Rwanda. Nakakalungkot, may mga kapatid din tayong namatay. Agad na inatasan ang isang grupo ng mga brother na magdala ng relief sa mga kapatid doon.

Nang dumating ang grupo namin sa Kigali, na kabisera ng bansa, nakita naming tadtad ng tama ng bala ang translation office at bodega ng mga literatura natin. Nakakakilabot marinig ang maraming kuwento tungkol sa mga kapatid nating pinatay sa taga o saksak. Pero marami rin kaming narinig na kuwento ng pagtutulungan ng mga kapatid. Halimbawa, may nakilala kaming isang brother na Tutsi na pinrotektahan ng isang pamilyang Hutu na mga Saksi rin. Itinago nila siya sa isang hukay sa loob ng 28 araw. Para mapatibay ang mga kapatid doon, nagdaos kami ng isang espesyal na pagtitipon sa Kigali, at mahigit 900 ang nakadalo.

Collage: 1. Isang sira-sirang aklat. 2. Si Marcel kasama ang dalawang brother. May relief supplies sa likuran nila.

Kaliwa: Isang aklat sa translation office na tinamaan ng bala

Kanan: Noong magdala kami ng relief

Pumunta naman kami ng Zaire (tinatawag ngayong Democratic Republic of the Congo) para hanapin ang malaking grupo ng mga kapatid natin mula sa Rwanda na tumakas papunta sa mga refugee camp malapit sa lunsod ng Goma. Hindi namin sila makita, kaya nanalangin kami para sa patnubay ni Jehova. Mayamaya, may nakita kaming papalapit sa amin, at tinanong namin siya kung may kilala siyang Saksi ni Jehova. Sinabi niya: “Saksi ako. Sasamahan ko kayo sa relief committee.” Pagkatapos ng pag-uusap namin ng relief committee, nagbigay kami ng pampatibay sa mga 1,600 refugee doon. Binasa rin namin sa kanila ang isang liham mula sa Lupong Tagapamahala. Talagang naantig ang mga kapatid nang marinig nila ang sinabi sa liham: “Lagi namin kayong ipinapanalangin. Alam naming hindi kayo papabayaan ni Jehova.” At hindi nga sila pinabayaan ni Jehova. Sa ngayon, mahigit 30,000 na ang Saksi sa Rwanda!

DETERMINADONG MANATILING TAPAT

Pagkatapos ng halos 58-taóng pagsasama namin ng mahal kong si Elly, namatay siya noong 2011. Nababawasan ang lungkot ko kapag nananalangin ako kay Jehova. Nakakatulong din sa akin ang pagbabahagi sa iba ng mabuting balita.

Mahigit 90 anyos na ako, pero nangangaral pa rin ako linggo-linggo. Masaya rin akong makatulong sa Legal Department dito sa sangay sa Belgium. Natutuwa rin akong maibahagi sa iba ang mga karanasan ko at mapatibay ang mga baguhan sa Bethel.

Mga 84 na taon na ang nakakaraan mula nang una akong manalangin kay Jehova. At iyan ang pasimula ng pakikipagkaibigan ko sa kaniya. Talagang nagpapasalamat ako na laging pinapakinggan ni Jehova ang mga panalangin ko!—Awit 66:19.b

a Ang talambuhay ni Brother Schrantz ay inilathala sa The Watchtower, isyu ng Setyembre 15, 1973, p. 570-574.

b Habang inihahanda ang artikulong ito, namatay si Brother Marcel Gillet noong Pebrero 4, 2023.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share