Kung Paano Makakapag-adjust sa Bagong Kongregasyon
LUMIPAT ka ba ng kongregasyon? Siguradong sasang-ayon ka sa sinabi ni Jean-Charles: “Ang hirap mag-adjust kapag lumipat ng kongregasyon. Hindi lang iyan. Hamon din na panatilihin ang espirituwalidad ng bawat miyembro ng pamilya.” Kapag lumipat ka, baka kailangan mong maghanap ng bagong trabaho, matitirhan, at baka nga ng bagong eskuwelahan para sa mga anak mo. Kailangan mo ring mag-adjust sa klima, sa ibang kultura, at sa bagong teritoryong papangaralan mo.
Iba naman ang naging hamon kina Nicolas at Céline. Inatasan sila ng sangay sa France na lumipat sa isang kongregasyon. Sinabi nila: “Noong una, excited na excited kami. Pero bigla naming na-miss ang mga kaibigan namin, at hindi pa kami ganoon ka-close sa mga bago naming kakongregasyon.”a Talagang may hamon kapag lumipat ng kongregasyon. Kaya ano ang makakatulong sa iyo na maging masaya pa rin at patuloy na makapaglingkod? Paano makakatulong ang iba? At anong mga pampatibay ang puwede mong ibigay at matanggap sa bago mong kongregasyon?
APAT NA BAGAY NA MAKAKATULONG SA IYO
Umasa kay Jehova
1. Umasa kay Jehova. (Awit 37:5) Dalawampung taon nang nakaugnay sa isang kongregasyon si Kazumi, na taga-Japan. Kinailangan niyang lumipat ng kongregasyon dahil sa trabaho ng asawa niya. Paano siya umasa kay Jehova? Sinabi niya: “Sinasabi ko kay Jehova lahat ng nararamdaman ko. At sa tuwing ginagawa ko iyon, binibigyan niya ako ng lakas na kailangan ko.”
Paano mo papatibayin ang tiwala mo kay Jehova? Kailangan ng mga halaman ang tubig at sustansiyang galing sa lupa para lumaki. Ganiyan din sa pananampalataya natin. May kailangan tayong gawin para lumaki ito. Nakatulong kay Nicolas, na binanggit kanina, ang pagbubulay-bulay sa halimbawa ni Abraham, ni Jesus, at ni Pablo. Marami silang isinakripisyo para gawin ang kalooban ng Diyos. Nang pag-isipang mabuti ni Nicolas ang mga halimbawa nila, tumibay ang pagtitiwala niya kay Jehova. Makakatulong ang regular na pag-aaral ng Bibliya para makayanan mo ang mga pagbabago sa buhay mo. Magagamit mo rin ang mga natutuhan mo para patibayin ang iba sa bago mong kongregasyon.
Iwasang magkumpara
2. Iwasang magkumpara. (Ecles. 7:10) Kailangang mag-adjust ni Jules sa malaking pagkakaiba ng kultura nang lumipat siya mula Benin papuntang United States. Sinabi niya, “Pakiramdam ko, kailangan kong ikuwento ang buong buhay ko sa bawat taong nakakausap ko.” Dahil ibang-iba ito sa nakasanayan niya, umiwas siya sa mga kapatid. Pero nang mas makilala niya ang mga kapatid, nagbago ang pananaw niya. Sinabi niya: “Na-realize ko na saan ka man magpunta, pare-pareho lang ang mga tao. Magkakaiba lang tayo ng personalidad. Mahalagang tanggapin natin ang mga tao anuman ang personalidad nila.” Ipinapakita nito na dapat nating iwasang ikumpara ang dati nating kongregasyon sa bago nating kongregasyon. Ganito ang sinabi ng isang payunir na sister na si Anne-Lise, “Lumipat ako para matuto ng mga bagong bagay, hindi para hanapin ang mga nakasanayan ko.”
Dapat ding iwasan ng mga elder na magkumpara. Minsan, iba ang paraan ng bago mong kongregasyon. Pero hindi ibig sabihin nito na mali sila. Makakabuti kung aalamin mo muna ang kalagayan sa bago mong kongregasyon bago ka magbigay ng mungkahi. (Ecles. 3:1, 7b) Makakabuti rin kung magpapakita ka ng magandang halimbawa imbes na ipilit ang ideya mo.—2 Cor. 1:24.
Sumama sa mga gawain ng kongregasyon
3. Sumama sa mga gawain ng kongregasyon. (Fil. 1:27) Totoo, nakakapagod maglipat at baka marami ka pang kailangang gawin. Pero napakahalagang dumalo agad sa mga pulong nang in person kung posible. Kasi paano ka tutulungan ng bago mong kongregasyon kung bihira ka lang nilang makita o baka hindi pa nga? Lumipat si Lucinda sa isang malaking lunsod sa South Africa kasama ang dalawang anak niya. Ikinuwento niya: “May nagpayo sa akin na makipagkaibigan agad sa bago kong kongregasyon, sumama agad sa pangangaral, at magkomento sa mga pulong. Sinabi rin namin sa mga kapatid na puwedeng gawing tagpuan ang bahay namin sa paglabas sa larangan.”
Kung sasamahan natin sa paglilingkod ang mga kapatid sa bago nating kongregasyon, mapapatibay sila pati na rin tayo. Pinasigla ng mga elder si Anne-Lise, na binanggit kanina, na sikaping makapartner ang lahat ng kapatid sa pangangaral. Ano ang resulta? Sinabi niya, “Nakatulong iyon para maramdaman kong bahagi na ako ng kongregasyon.” Mararamdaman din ng mga kapatid sa bago mong kongregasyon na gusto mo silang kasama kung tutulong ka na sa paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall. At kung lagi kang kasama sa mga gawain ng kongregasyon, magiging mas komportable sa iyo ang mga kapatid at mas mararamdaman mong parte ka na ng bago mong pamilya.
Makipagkaibigan
4. Makipagkaibigan. (2 Cor. 6:11-13) Kung magbibigay ka ng panahon bago at pagkatapos ng pulong para lapitan ang mga kapatid at kilalanin sila, mas madali mo silang magiging kaibigan. Tandaan din ang mga pangalan nila. Kung magiging friendly tayo at tatandaan ang pangalan ng mga kapatid, magugustuhan nila tayo at malamang na maging malapít tayo sa kanila.
Huwag magpanggap para lang matanggap ka ng mga kapatid. Hayaan mong makilala ka nila. Gawin ang sinabi ni Lucinda: “Nag-imbita agad kami sa bahay namin. Kaya ngayon, may malalapit na kaming kaibigan.”
‘MALUGOD NA TANGGAPIN ANG ISA’T ISA’
Para sa ilan, baka mahirap dumalo sa Kingdom Hall kapag wala pa silang kakilala. Kaya paano natin sila matutulungan? Sinabi ni apostol Pablo na “malugod [nating] tanggapin ang isa’t isa gaya ng pagtanggap sa [atin] ng Kristo.” (Roma 15:7) Kung tutularan ng mga elder ang Kristo, maipaparamdam nila sa mga bagong lipat na welcome ang mga ito. (Tingnan ang kahong “Ang Makakatulong sa mga Bagong Lipat.”) Pero may magagawa ang lahat ng nasa kongregasyon, pati na ang mga bata, para maging komportable ang mga bagong lipat.
Maipaparamdam natin sa kanila na welcome sila kung iimbitahan natin sila sa bahay natin. Pero baka may praktikal pang tulong silang kailangan. Halimbawa, inilibot ng isang sister ang isa pang sister na bagong lipat para maging pamilyar ito sa lugar nila at sa mga sakayan doon. Talagang napahalagahan iyon ng bagong-lipat na sister, at nakatulong iyon sa kaniya na makapag-adjust.
PAGKAKATAON PARA MAS SUMULONG
Bago makalipad ang isang locust, o balang, kailangan nitong ilang beses na mag-alis ng balat. Ganiyan din kapag lumipat ka ng kongregasyon. Kailangan mong alisin ang mga pumipigil sa iyo na malayang makapaglingkod kay Jehova. “Ang dami naming natutuhan nang lumipat kami,” ang sabi nina Nicolas at Céline. “Dahil kailangan naming makibagay sa bago naming lugar at sa mga taong nandoon, natutuhan namin ang mga katangiang kailangan para magawa iyon.” Ganito naman ang sinabi ni Jean-Charles, na binanggit kanina: “Mas sumulong ang mga anak namin sa bago naming kongregasyon. Mga ilang buwan lang, nagkabahagi na sa midweek ang anak naming babae at naging unbaptized publisher naman ang anak naming lalaki.”
Paano kung halimbawa, gusto mong lumipat sa lugar na malaki ang pangangailangan pero hindi posible sa kalagayan mo? May magagawa ka pa rin. Kahit matagal ka na sa kongregasyon mo, puwede mo pa ring subukan ang mga mungkahing nasa artikulong ito. Patuloy na umasa kay Jehova, at sikaping makasama sa mga gawain ng kongregasyon. Puwede kang sumama sa iba’t ibang kapatid sa ministeryo, magkaroon ng mga bagong kaibigan, o maging mas malapít pa sa mga dati mo nang kaibigan. Baka may magagawa ka rin para tulungan ang mga bago o nangangailangan sa kongregasyon ninyo. Pag-ibig ang pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano. (Juan 13:35) Kaya kung magpapakita ka ng pag-ibig sa mga kapatid, tutulong iyan para mas sumulong ka sa espirituwal. At makakasigurado kang “nalulugod ang Diyos sa gayong mga handog.”—Heb. 13:16.
Maraming kapatid ang naging masaya at nakapag-adjust sa bago nilang kongregasyon kahit may mga hamong napaharap sa kanila. Magagawa mo rin iyan! Ganito ang sinabi ni Anne-Lise, “Nagawa kong magpalawak noong lumipat ako ng kongregasyon.” Sinabi naman ni Kazumi, “Mararanasan mo ang kakaibang tulong ni Jehova sa ganitong sitwasyon.” Sinabi din ni Jules: “Noong nagkaroon na ako ng mga kaibigan, naging komportable na ako. Ngayon, pakiramdam ko, ito na talaga ang kongregasyon ko. At mahihirapan na akong umalis dito.”
a Makakatulong sa mga naho-homesick ang artikulong “Pakikipagpunyagi sa Pananabik na Umuwi Kapag Naglilingkod sa Diyos” na nasa Bantayan, isyu ng Mayo 15, 1994.