Kung Paano Magkakaroon ng Kapayapaan Kahit May Digmaan at Kaguluhan
“Bago ako mag-aral ng Bibliya,” ang sabi ni Gary, na dating naglilingkod sa militar, “wala akong ideya kung bakit napakaraming kalupitan, kawalang-katarungan, at kaguluhan sa mundo. Pero payapa na ang isip ko ngayon. Alam ko kasi na gagawing payapa at ligtas ng Diyos na Jehova ang mundong ito.”
Gaya ni Gary, ganiyan din ang nararamdaman ng marami. Tingnan kung paano nakatulong ang Bibliya sa kanila.
ANG SABI NG BIBLIYA: “Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.”—Awit 86:5.
KUNG PAANO ITO NAKATULONG: “Nakatulong ito sa akin na makitang maawain si Jehova. Alam ko na papatawarin niya ang lahat ng ginawa ko noong nakikipaglaban ako sa digmaan.”—Wilmar, Colombia.
ANG SABI NG BIBLIYA: “Lumilikha ako ng bagong langit at bagong lupa; ang dating mga bagay ay hindi na maaalaala pa, at mawawala na ang mga ito sa puso.”—Isaias 65:17.
KUNG PAANO ITO NAKATULONG: “Nagkaroon ako ng trauma at depresyon dahil sa mga naranasan ko noong nasa militar ako. Pero ipinapaalala sa akin ng tekstong ito na tutulungan ako ni Jehova na makalimutan ang lahat ng masasamang alaala at bangungot na nararanasan ko. Talagang mawawala ito sa puso’t isip ko. Napakagandang regalo niyan!”—Zafirah, United States.
ANG SABI NG BIBLIYA: “Sa panahon niya, mamumukadkad ang matuwid, at mamamayani ang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan.”—Awit 72:7.
KUNG PAANO ITO NAKATULONG: “Lagi kong pinag-iisipan ang tekstong iyan. Darating ang panahon, mawawala na ang bangungot na dulot ng digmaan. Hindi na tayo mag-aalala para sa kaligtasan ng mga mahal natin sa buhay.”—Oleksandra, Ukraine.
ANG SABI NG BIBLIYA: “Ang iyong mga patay ay mabubuhay. . . . Gumising kayo at humiyaw sa kagalakan, kayong mga nakatira sa alabok!”—Isaias 26:19.
KUNG PAANO ITO NAKATULONG: “Halos lahat ng kapamilya ko, namatay noong salakayin ng isang tribo ang tribo naming mga Tutsi. Pero tinitiyak ng tekstong ito na makikita ko silang muli. Gustong-gusto ko nang marinig ang masasayang boses nila kapag binuhay na silang muli.”—Marie, Rwanda.
ANG SABI NG BIBLIYA: “Kaunting panahon na lang at ang masasama ay mawawala na . . . Pero ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan dahil sa lubos na kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
KUNG PAANO ITO NAKATULONG: “Kahit tapos na ang digmaan, may kawalang-katarungan pa rin at masasamang tao. Kaya napakalaking tulong sa akin ng tekstong ito. Nakikita ni Jehova ang lahat at naiintindihan niya ang sitwasyon ko. Ipinapangako niya na malapit nang magwakas ang lahat ng pagdurusa at hindi na ito maaalala pa.”—Daler, Tajikistan.
Kabilang sa milyon-milyong Saksi ni Jehova ang mga indibidwal na binanggit sa magasing ito. Natulungan sila ng Bibliya na mahanap ang kapayapaan. Natutuhan nilang alisin ang galit nila sa sarili, sa ibang tao, at sa ibang lahi o tribo. (Efeso 4:31, 32) Neutral sa politika ang mga Saksi ni Jehova at ayaw nilang makibahagi sa karahasan.—Juan 18:36.
Nagtutulungan din ang mga Saksi ni Jehova gaya ng isang pamilya na may pagmamahal sa isa’t isa. (Juan 13:35) Tingnan ang halimbawa ni Oleksandra, na binanggit kanina. Lumikas siya sa ibang bansa kasama ng kapatid niya dahil sa digmaan. Sinabi niya: “Pagtawid namin sa border, nakita namin kaagad ang mga kapatid doon na naghihintay sa amin. Dahil sa tulong nila, madali kaming nakapag-adjust sa bansa nila bilang mga refugee.”
Iniimbitahan ka naming dumalo sa mga pulong namin. Dito, matututuhan mo ang mensahe ng Bibliya at kung paano mo ito maisasabuhay. Magpunta sa jw.org para makahanap ng lokasyon na malapit sa iyo o humiling ng isang libreng pag-aaral sa Bibliya kasama ng isang Saksi ni Jehova, gamit ang publikasyong Masayang Buhay Magpakailanman.