ARALING ARTIKULO 12
AWIT BLG. 119 Dapat Magkaroon ng Pananampalataya
Patuloy na Lumakad Ayon sa Pananampalataya
“Lumalakad tayo ayon sa pananampalataya, at hindi ayon sa nakikita natin.”—2 COR. 5:7.
MATUTUTUHAN
Kung paano natin maipapakitang may pananampalataya tayo kapag nagdedesisyon.
1. Bakit masaya si apostol Pablo sa naging buhay niya?
ALAM noon ni apostol Pablo na malapit na siyang mamatay. Pero dahil kontento siya sa naging buhay niya, masaya pa rin siya. Sinabi niya: “Natapos ko na ang takbuhan, nanatili akong matatag sa pananampalataya.” (2 Tim. 4:6-8) Nakagawa siya ng magagandang desisyon para paglingkuran si Jehova, at alam niyang napasaya niya ang Diyos. Gusto rin nating gumawa ng magagandang desisyon at mapasaya si Jehova. Paano?
2. Ano ang ibig sabihin ng paglakad ayon sa pananampalataya?
2 Sinabi ni Pablo tungkol sa sarili niya at sa iba pang tapat na Kristiyano: ‘Lumalakad kami ayon sa pananampalataya, at hindi ayon sa nakikita namin.’ (2 Cor. 5:7) Ano ang ibig sabihin ni Pablo? Sa Bibliya, ang “paglakad” ay tumutukoy kung minsan sa piniling paraan ng pamumuhay ng isang tao. Kapag ang isang tao ay lumalakad ayon lang sa nakikita niya, nagdedesisyon siya base lang sa nakikita, naririnig, at nararamdaman niya. Pero kapag ang isang tao ay lumalakad ayon sa pananampalataya, pinag-iisipan muna niya ang gusto ni Jehova bago magdesisyon. Kitang-kita sa pamumuhay niya na kumbinsido siyang pagpapalain siya ni Jehova at na mapapabuti siya kapag sinunod niya ang mga payo sa Bibliya.—Awit 119:66; Heb. 11:6.
3. Ano ang magagandang resulta ng paglakad ayon sa pananampalataya? (2 Corinto 4:18)
3 Normal lang na magdesisyon tayo base sa nakikita, naririnig, at nararamdaman natin. Pero kung ang mga iyan lang ang pagbabasehan natin sa paggawa ng mahahalagang desisyon, malamang na magkaproblema tayo. Bakit? Kasi hindi natin laging maaasahan ang nakikita, naririnig, o nararamdaman natin. At kahit tama ang mga iyan, posible pa rin nating magawa ang isang bagay na ayaw ni Jehova kung ang mga iyan lang ang magiging basehan natin. (Ecles. 11:9; Mat. 24:37-39) Pero kung lumalakad tayo ayon sa pananampalataya, malamang na mas makagawa tayo ng mga desisyong “kalugod-lugod sa Panginoon.” (Efe. 5:10) Magiging panatag at masaya tayo kung susundin natin ang payo ng Diyos. (Awit 16:8, 9; Isa. 48:17, 18) At puwede rin tayong mabuhay nang walang hanggan kung gagawin natin iyan.—Basahin ang 2 Corinto 4:18.
4. Paano mo malalaman kung lumalakad ka ayon sa pananampalataya o ayon sa nakikita mo?
4 Paano mo malalaman kung lumalakad ka ayon sa pananampalataya o ayon sa nakikita mo? Pag-isipan ang mga ito: Ang basehan mo lang ba kapag nagdedesisyon ay ang mga nakikita mo? O nagtitiwala ka ba at nagpapagabay sa mga payo ni Jehova? Tingnan natin kung paano tayo makakalakad ayon sa pananampalataya sa tatlong mahahalagang bahagi ng buhay natin: kapag pumipili ng trabaho, kapag pumipili ng mapapangasawa, at kapag nakatanggap tayo ng tagubilin. Tatalakayin natin ang mga dapat pag-isipan para makagawa ng magandang desisyon sa mga bagay na ito.
KAPAG PUMIPILI NG TRABAHO
5. Ano ang mga dapat nating pag-isipan kapag pumipili ng trabaho?
5 Gusto nating lahat na maibigay ang pangangailangan ng pamilya natin. (Ecles. 7:12; 1 Tim. 5:8) May ilang trabaho na malaki ang suweldo, kaya bukod sa pang-araw-araw na panggastos, may matitira pa na puwedeng isama sa ipon. Pero sa ilang trabaho naman, sakto lang ang suweldo para sa pang-araw-araw na gastos ng pamilya. Kaya normal lang na pag-isipan kung gaano kalaki ang suweldo kapag naghahanap ng trabaho. Pero kung iyan lang ang basehan ng isang tao, baka lumalakad siya ayon sa nakikita niya.
6. Kapag pumipili ng trabaho, paano natin maipapakitang lumalakad tayo ayon sa pananampalataya? (Hebreo 13:5)
6 Para maipakitang lumalakad tayo ayon sa pananampalataya, pag-iisipan din natin kung paano makakaapekto sa kaugnayan natin kay Jehova ang pipiliin nating trabaho. Pag-isipan ang mga ito: ‘Sa trabahong ito, may magagawa ba akong bagay na ayaw ni Jehova?’ (Kaw. 6:16-19) ‘Maaapektuhan ba nito ang pagsamba ko kay Jehova? Madalas ba akong mapapalayo nang matagal sa pamilya ko dahil dito?’ (Fil. 1:10) Kung oo ang sagot mo, mas mabuting hindi tanggapin ang trabaho kahit mahirap makahanap nito. Kung makikita sa mga desisyon natin na nagtitiwala tayong ibibigay ni Jehova ang mga kailangan natin, lumalakad tayo ayon sa pananampalataya.—Mat. 6:33; basahin ang Hebreo 13:5.
7-8. Paano ipinakita ng isang brother sa South America na lumalakad siya ayon sa pananampalataya? (Tingnan din ang larawan.)
7 Tingnan kung paano lumakad ayon sa pananampalataya si Javier,a isang brother sa South America. Sinabi niya: “Nag-apply ako sa isang mas mataas na posisyon. Magiging doble ang sahod ko, at alam kong mag-e-enjoy ako doon.” Pero gustong-gusto rin ni Javier na magpayunir. Sinabi pa niya: “May schedule na ako ng interview sa national manager ng kompanya. Pero bago n’on, nanalangin muna ako kay Jehova kasi alam kong alam niya ang makakabuti sa akin. Gusto kong magkaroon ng mas magandang trabaho. Pero hindi ako tatanggap ng trabahong makakaapekto sa mga goal ko.”
8 Ikinuwento ni Javier: “Noong ini-interview ako, sinabi ng manager na madalas akong mag-o-overtime. Ipinaliwanag ko sa kaniya na hindi ko magagawa iyon dahil sa schedule ko sa pangangaral.” Kaya tinanggihan ni Javier ang posisyong iyon. Pagkaraan ng dalawang linggo, nagpayunir siya. At nang taon ding iyon, nakahanap siya ng part-time job. Sinabi niya: “Sinagot ni Jehova ang panalangin ko! Meron na akong trabaho na makakasuporta sa pagpapayunir ko. Masayang-masaya ako sa trabaho ko kasi marami akong panahon kay Jehova at sa mga kapatid.”
Kung alukan ka ng promotion sa trabaho, maipapakita mo ba na nagtitiwala kang alam ni Jehova ang pinakamabuti para sa iyo? (Tingnan ang parapo 7-8)
9. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Trésor?
9 Paano kung nakita nating nahihirapan tayong lumakad ayon sa pananampalataya dahil sa trabaho natin? Tingnan ang karanasan ni Trésor, na taga-Congo. Sinabi niya: “Pinapangarap ng marami ang trabaho ko. Triple ng dati kong sahod ang suweldo ko, at nirerespeto rin ako ng mga tao.” Pero madalas na hindi nakakadalo si Trésor dahil sa overtime. Pinipilit din siyang pagtakpan ang pandaraya sa trabaho niya. Gusto nang mag-resign ni Trésor, pero natatakot siya na baka wala na siyang mahanap na trabaho. Ano ang nakatulong sa kaniya? Sinabi niya: “Binasa ko ang Habakuk 3:17-19. Natulungan ako nito na makitang maglalaan si Jehova kahit mawalan ako ng trabaho. Kaya nag-resign ako.” Sinabi niya: “Iniisip ng mga employer na isasakripisyo ng mga tao ang lahat para sa magandang trabaho, kasama na ang pamilya at relihiyon nila. Masaya ako na pinili ko ang kaugnayan ko kay Jehova. Pagkalipas ng isang taon, tinulungan ako ni Jehova na makahanap ng trabahong makakasuporta sa pangangailangan ko. Mas marami na rin akong panahon para kay Jehova. Kapag inuuna natin si Jehova, minsan baka maghirap tayo. Pero siguradong tutulungan niya tayo!” Kung magtitiwala tayo sa mga payo at pangako ni Jehova, pagpapalain niya tayo kasi patuloy tayong lumalakad ayon sa pananampalataya.
KAPAG PUMIPILI NG MAPAPANGASAWA
10. Kapag pumipili ng mapapangasawa, paano posibleng lumakad ayon sa nakikita ang isang tao?
10 Regalo ni Jehova ang pag-aasawa, at normal lang na maramdaman ng isang tao na gusto niyang mag-asawa. Kapag pumipili ng mapapangasawa, baka tingnan ng isa ang mga katangian, hitsura, reputasyon, at kakayahan sa pinansiyal ng taong inoobserbahan niya, pati na kung may responsibilidad ito sa pamilya at kung napapasaya siya nito. Mahalaga naman ang mga bagay na iyan. Pero kung ang mga iyan lang ang basehan niya, baka lumalakad na siya ayon sa nakikita niya.
11. Kapag pumipili ng mapapangasawa, paano natin maipapakitang lumalakad tayo ayon sa pananampalataya? (1 Corinto 7:39)
11 Masayang-masaya si Jehova kapag sinusunod ng mga lingkod niya ang payo niya pagdating sa pag-aasawa. Halimbawa, hinihintay nilang lumampas muna ang “kasibulan ng kabataan” bago manligaw o magpaligaw. (1 Cor. 7:36) Tinitiyak nilang ang mapipili nilang mapapangasawa ay may mga katangiang gusto ni Jehova para sa isang asawa. (Kaw. 31:10-13, 26-28; Efe. 5:33; 1 Tim. 5:8) Kapag may gusto sa kanila ang isang di-Saksi, sinusunod nila ang payo na mag-asawa lang ng ‘tagasunod ng Panginoon,’ gaya ng sinasabi sa 1 Corinto 7:39. (Basahin.) Patuloy silang lumalakad ayon sa pananampalataya, at nagtitiwala silang naiintindihan ni Jehova ang nararamdaman nila at na ibibigay niya ang kailangan nila.—Awit 55:22.
12. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Rosa?
12 Tingnan ang karanasan ni Rosa, isang payunir sa Colombia. Sa trabaho niya, madalas niyang nakakausap ang isang lalaking di-Saksi na may gusto sa kaniya. Gusto rin ni Rosa ang lalaki. Sinabi niya: “Tingin ko, mabuti siyang tao. Tumutulong siya sa lugar nila, at wala siyang bisyo. Mabait siya sa akin. Lahat ng hinahanap ko sa isang asawa, nasa kaniya. ’Yon nga lang, hindi siya Saksi.” Ikinuwento pa niya: “Ang hirap humindi sa kaniya kasi gusto ko siya. Nalulungkot kasi ako no’n at gusto ko nang mag-asawa, kaso wala akong mahanap na brother.” Pero hindi nagpokus si Rosa sa nakikita niya. Pinag-isipan niya kung paano makakaapekto sa kaugnayan niya kay Jehova ang magiging desisyon niya. Kaya iniwasan niya ang lalaki at naging busy sa paglilingkod kay Jehova. Di-nagtagal, naimbitahan siya sa School for Kingdom Evangelizers. Isa na siyang special pioneer ngayon. Sinabi ni Rosa: “Napakasaya ko kasi napakaraming pagpapala ni Jehova sa akin.” Hindi laging madaling sumunod kay Jehova lalo na kung iba ang sinasabi ng puso natin. Pero hindi tayo magsisisi kung gagawin natin ang gusto niya.
KAPAG NAKATANGGAP NG TAGUBILIN
13. Kapag nakatanggap ng tagubilin, paano tayo posibleng lumakad ayon sa nakikita natin?
13 Madalas tayong makatanggap ng mga tagubilin mula sa mga elder, tagapangasiwa ng sirkito, tanggapang pansangay, at Lupong Tagapamahala. Pero paano kung hindi natin maintindihan kung bakit ibinigay ang isang tagubilin? Baka magduda tayo kung talaga bang makakabuti sa atin ang pagsunod doon. At baka nga magpokus pa tayo sa mga kahinaan ng mga brother na nagbigay ng tagubilin.
14. Kapag nakakatanggap ng tagubilin, paano natin maipapakitang lumalakad tayo ayon sa pananampalataya? (Hebreo 13:17)
14 Kapag lumalakad tayo ayon sa pananampalataya, nagtitiwala tayong si Jehova ang talagang gumagabay sa organisasyon niya at na alam niya ang pinakamabuti para sa atin. Kaya sinusunod natin agad ang mga tagubilin, at positibo tayo sa pagsunod sa mga ito. (Basahin ang Hebreo 13:17.) Alam nating makakatulong sa pagkakaisa ng kongregasyon ang pagsunod. (Efe. 4:2, 3) Kahit hindi perpekto ang mga nangunguna, nagtitiwala tayong pagpapalain ni Jehova ang pagsunod natin. (1 Sam. 15:22) At kung may kailangan ngang baguhin, gagawin iyon ni Jehova sa tamang panahon.—Mik. 7:7.
15-16. Ano ang nakatulong sa isang brother na lumakad ayon sa pananampalataya kahit na may pagdududa siya sa tagubilin? (Tingnan din ang larawan.)
15 May mga pagpapala sa paglakad ayon sa pananampalataya. Tingnan ang isang karanasan sa Peru. Spanish ang pangunahing wika sa bansa, pero marami pang ibang wikang ginagamit doon. Isa na diyan ang Quechua. Maraming taon nang naghahanap ang mga kapatid na nakaugnay sa kongregasyong Quechua ng mga taong nagsasalita ng wikang iyon sa teritoryo nila. Pero para masunod ang mga batas ng gobyerno, binago ang nakasanayang paraan nila ng paghahanap. (Roma 13:1) Dahil doon, nagduda ang ilan kung magiging epektibo ito. Pero nang sumunod ang mga kapatid sa pagbabago, nakita nila na pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap nila.
16 Isang elder sa kongregasyong Quechua si Kevin, at nagduda rin siya noong umpisa. Ikinuwento niya: “Naisip ko no’n, ‘Paano na namin mahahanap ang mga nagsasalita ng Quechua?’” Ano ang ginawa niya? Sinabi niya: “Pinag-isipan ko ang Kawikaan 3:5. Naalala ko rin si Moises. Nang makalabas na ang mga Israelita sa Ehipto, inutusan siyang dalhin sila sa lugar na parang hindi na sila makakatakas mula sa mga Ehipsiyo. Pero sumunod pa rin siya, at pinagpala sila ni Jehova sa paraang hindi nila inaasahan.” (Ex. 14:1, 2, 9-11, 21, 22) Handang sumunod si Kevin sa pagbabago. Ano ang naging resulta? Sinabi niya: “Namangha ako kasi pinagpala kami ni Jehova. Dati puro lakad lang kami sa teritoryo, at isa o dalawang tao lang na nagsasalita ng Quechua ang nahahanap namin. Pero ngayong nagpopokus kami sa mga teritoryong marami ang nagsasalita ng Quechua, mas marami na kaming nakakausap, nagiging RV, at naba-Bible study. Mas marami na ring dumadalo sa mga pulong namin.” Talagang pagpapalain tayo ni Jehova kapag lumalakad tayo ayon sa pananampalataya.
Sinasabi ng mga tao sa mga kapatid kung saan nakatira ang mga nagsasalita ng Quechua (Tingnan ang parapo 15-16)
17. Ano ang natutuhan mo sa artikulong ito?
17 Natalakay natin kung paano tayo makakalakad ayon sa pananampalataya sa tatlong mahahalagang bahagi ng buhay natin. Pero kailangan nating gawin iyan sa lahat ng bahagi ng buhay natin. Kasama na diyan ang pagpili natin ng entertainment o libangan, pati na ang pagdedesisyon tungkol sa edukasyon o pagpapalaki ng mga anak. Anumang desisyon ang kailangan nating gawin, huwag lang nating ibase iyon sa mga nakikita natin. Dapat din nating pag-isipan ang kaugnayan natin kay Jehova, ang payo niya, at ang pangako niyang hindi niya tayo papabayaan. Kung gagawin natin iyan, “lalakad [tayo] sa pangalan ni Jehova na ating Diyos magpakailanman.”—Mik. 4:5, tlb.
AWIT BLG. 156 Nananampalataya Ako
a Binago ang ilang pangalan.