Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Marso p. 26-31
  • Hindi Maikli ang Kamay ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hindi Maikli ang Kamay ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MATUTO KAY MOISES AT SA MGA ISRAELITA
  • KAPAG MAY PROBLEMA SA PINANSIYAL
  • KAPAG NAGHAHANDA PARA SA KINABUKASAN
  • Matuto Mula sa mga Huling Habilin ng Tapat na mga Lalaki
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Tandaan na si Jehova ang “Diyos na Buháy”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Marso p. 26-31

ARALING ARTIKULO 13

AWIT BLG. 4 “Si Jehova ang Aking Pastol”

Hindi Maikli ang Kamay ni Jehova

“Napakaikli ba ng kamay ni Jehova?”—BIL. 11:23.

MATUTUTUHAN

Mas magtiwala na kayang ibigay ni Jehova ang mga kailangan natin.

1. Paano ipinakita ni Moises na nagtitiwala siya kay Jehova nang akayin niya palabas ng Ehipto ang mga Israelita?

SA AKLAT ng Mga Hebreo, marami tayong mababasang nagpakita ng pananampalataya kay Jehova. Isa na diyan si Moises. (Heb. 3:2-5; 11:23-25) Naipakita niya iyon nang akayin niya palabas ng Ehipto ang mga Israelita. Hindi siya natakot sa Paraon at sa hukbo nito. Buo ang tiwala niya kay Jehova habang tumatawid sila sa Dagat na Pula. (Heb. 11:27-29) Noong nasa ilang na sila, maraming Israelita ang nagduda kung kaya bang ibigay ni Jehova ang mga pangangailangan nila. Pero patuloy pa ring nagtiwala si Moises sa Diyos. At hindi siya binigo ni Jehova! Makahimalang nagbigay ang Diyos ng pagkain at tubig para mabuhay ang mga Israelita sa ilang.a—Ex. 15:22-25; Awit 78:23-25.

2. Bakit itinanong ng Diyos kay Moises: “Napakaikli ba ng kamay ni Jehova”? (Bilang 11:21-23)

2 Matibay naman talaga ang pananampalataya ni Moises. Pero mga isang taon mula nang makalaya ang mga Israelita, nagduda siya sa kakayahan ni Jehova na magbigay ng karne sa bayan Niya. Hindi maisip ni Moises kung paano iyon gagawin ni Jehova, kasi milyon-milyon sila sa ilang. Kaya sinabi ni Jehova sa kaniya: “Napakaikli ba ng kamay ni Jehova?” (Basahin ang Bilang 11:21-23.) Sa tekstong ito, tumutukoy ang “kamay ni Jehova” sa banal na espiritu, o kapangyarihan niya. Kaya parang sinasabi ni Jehova, ‘Sa tingin mo ba, hindi ko magagawa ang sinabi ko?’

3. Bakit dapat nating pag-isipan ang nangyari kay Moises at sa mga Israelita noon?

3 Naisip mo na ba kung kaya ba talagang ibigay ni Jehova ang mga pangangailangan mo at ng pamilya mo? Nagduda rin si Moises at ang mga Israelita sa kakayahan ni Jehova na maglaan sa kanila, at makakatulong kung pag-aaralan natin ang pangyayaring iyon. Titingnan din natin ang ilang teksto na makakatulong sa atin na mas magtiwalang kaya tayong tulungan ni Jehova.

MATUTO KAY MOISES AT SA MGA ISRAELITA

4. Bakit nagduda ang maraming Israelita sa kakayahan ni Jehova na maglaan para sa kanila?

4 Balikan natin ang nangyari. Mga isang taon nang naglalakbay papunta sa Lupang Pangako ang bansang Israel. Kasama nila ang “malaking grupo ng mga banyaga” sa ilang. (Ex. 12:38; Deut. 8:15) Nagsasawa na sa manna ang mga banyaga, at nagreklamo na rin ang mga Israelita. (Bil. 11:4-6) Hinahanap-hanap nila ang pagkain na mayroon sila noon sa Ehipto. At dahil kay Moises nagrereklamo ang mga tao, pakiramdam niya, siya ang dapat magbigay nito sa kanila.—Bil. 11:13, 14.

5-6. Puwede bang mangyari sa atin ang nangyari sa mga Israelita? Ipaliwanag.

5 Hindi naging mapagpasalamat ang mga banyaga, at lumilitaw na naimpluwensiyahan ang mga Israelita. Puwede ring mangyari sa atin iyan. Kapag hindi mapagpasalamat ang mga nakakasama natin, baka hindi tayo makontento sa mga ibinibigay ni Jehova sa atin. Puwede ring mangyari iyan kung iniisip-isip natin ang mga mayroon tayo noon o kung ano’ng mayroon ang iba. Pero mas magiging masaya tayo kung kontento tayo anuman ang mayroon tayo.

6 Inisip sana ng mga Israelita ang pangako ni Jehova sa kanila noon. Nangako siya na magiging sagana sila kapag nasa Lupang Pangako na sila, at hindi habang nasa ilang. Dapat din nating tandaan ang mga pangako ni Jehova sa atin sa bagong sanlibutan. Huwag tayong magpokus sa mga bagay na wala tayo ngayon. Makakatulong din kung pag-iisipan natin ang mga tekstong magpapatibay sa pagtitiwala natin kay Jehova.

7. Bakit tayo makakapagtiwalang hindi maikli ang kamay ni Jehova?

7 Baka nagtataka ka kung bakit itinanong ni Jehova kay Moises: “Napakaikli ba ng kamay ni Jehova?” Posibleng gustong ituro ni Jehova kay Moises na kayang abutin ng kapangyarihan Niya kahit ang malalayong lugar, at hindi lang napakalakas nito. Kaya ng Diyos na magbigay ng napakaraming karne sa mga Israelita kahit nasa gitna sila ng ilang. “Sa pamamagitan ng malakas na kamay at unat na bisig,” ipinakita ng Diyos ang kapangyarihan niya. (Awit 136:11, 12, tlb.) Kaya kapag may pagsubok, tandaan na kaya tayong tulungan ni Jehova nasaan man tayo.—Awit 138:6, 7. 

8. Paano natin maiiwasan ang pagkakamaling nagawa ng mga Israelita sa ilang? (Tingnan din ang larawan.)

8 Nagbigay si Jehova ng karne—napakaraming pugo. Pero imbes na magpasalamat, inisip lang ng mga Israelita ang sarili nila. Sa loob ng isa’t kalahating araw, sobra-sobra sa kailangan nila ang kinuha nilang pugo. Galit na galit si Jehova sa “mga taong naghangad nang may kasakiman,” at pinarusahan niya sila. (Bil. 11:31-34) May matututuhan tayo diyan. Dapat tayong mag-ingat para hindi tayo maging sakim. Mayaman man tayo o mahirap, dapat nating gawing priyoridad ang kaugnayan natin kay Jehova at kay Jesus para makapag-ipon ng “mga kayamanan sa langit.” (Mat. 6:19, 20; Luc. 16:9) Kapag ginawa natin iyan, makakasigurado tayong ibibigay ni Jehova ang mga kailangan natin.

Mga Israelita sa ilang na kumukuha ng napakaraming pugo habang gabi.

Ano ang ginawa ng marami nang bigyan sila ni Jehova ng pugo sa ilang, at ano ang matututuhan natin dito? (Tingnan ang parapo 8)


9. Ano ang siguradong gagawin ni Jehova para sa atin?

9 Kahit tinutulungan ni Jehova ang bayan niya ngayon, hindi ibig sabihin na hindi na tayo maghihirap o magugutom.b Pero kahit mangyari iyan, hinding-hindi tayo papabayaan ni Jehova. Ibibigay niya ang kailangan natin para maharap ang anumang pagsubok. Paano natin maipapakitang nagtitiwala tayo diyan? Magagawa natin iyan sa dalawang sitwasyon: (1) kapag may problema tayo sa pinansiyal at (2) kapag naghahanda tayo para sa kinabukasan.

KAPAG MAY PROBLEMA SA PINANSIYAL

10. Anong problema sa pinansiyal ang puwede nating maranasan?

10 Habang lumalapit ang wakas, mas hihirap ang buhay. Dahil sa kaguluhan sa politika, digmaan, sakuna, o bagong pandemic, baka magkaroon tayo ng di-inaasahang gastusin o mawalan tayo ng trabaho, pag-aari, o bahay. Baka kailanganin nating maghanap ng bagong trabaho sa lugar natin. O baka kailangan ng pamilya natin na lumipat ng lugar dahil sa trabaho natin o kalagayan sa pinansiyal. Kaya paano natin maipapakita sa mga desisyon natin na nagtitiwala tayo kay Jehova?

11. Ano ang puwede mong gawin kapag may problema ka sa pinansiyal? (Lucas 12:29-31)

11 Napakahalagang sabihin kay Jehova ang mga alalahanin mo. At siguradong makakatulong iyan sa iyo. (Kaw. 16:3) Humiling ng karunungan para makagawa ng tamang desisyon. Hilingin ding maging kalmado ka para hindi ka “masyadong mag-alala.” (Basahin ang Lucas 12:29-31.) Ipanalangin din na tulungan ka niyang maging kontento. (1 Tim. 6:7, 8) Mag-research sa mga publikasyon natin ng mga puwede mong gawin kapag may problema ka sa pinansiyal. May mga artikulo at video tungkol sa paksang iyan sa jw.org, at marami ang natulungan ng mga ito.

12. Anong mga tanong ang puwedeng pag-isipan ng isang Kristiyano bago magdesisyon para sa pamilya niya?

12 Pinili ng ilan na tanggapin ang trabahong maglalayo sa kanila sa pamilya nila. Pero bandang huli, nakita ng ilan sa kanila na hindi maganda ang desisyong iyon. Bago tanggapin ang isang trabaho, pag-isipan hindi lang ang laki ng kikitain mo, kundi pati na ang laki ng magiging epekto nito sa espirituwalidad mo at ng pamilya mo. (Luc. 14:28) Pag-isipan ito: ‘Kung magkalayo kaming mag-asawa, ano kaya ang magiging epekto nito sa pagsasama namin? Makakalabas, makakadalo, at makakasama ko pa kaya ang mga kapatid?’ Kung may mga anak ka, pag-isipan din ito: ‘Paano ko papalakihin ang mga anak ko “ayon sa disiplina at patnubay ni Jehova” kung hindi ko sila kasama?’ (Efe. 6:4) Makinig sa payo ni Jehova, hindi sa mga kapamilya at kaibigan na hindi sumusunod sa mga prinsipyo sa Bibliya.c Si Tony, na nakatira sa western Asia, ay inalukan ng magagandang trabaho sa ibang bansa. Pero nang ipanalangin niya ito kay Jehova at pag-usapan nila itong mag-asawa, wala siyang tinanggap sa mga iyon. Pinag-isipan din nila kung paano nila mababawasan ang gastusin nila. Sinabi ni Tony: “Dahil sa desisyong iyon, natulungan ko ang ilan na makilala si Jehova. Gustong-gusto rin ng mga anak namin na paglingkuran siya. Nakita namin na kapag sinusunod namin ang Mateo 6:33, paglalaanan niya kami.”

KAPAG NAGHAHANDA PARA SA KINABUKASAN

13. Ano ang mga puwede nating gawin ngayon para mapaghandaan ang mga pangangailangan natin kapag tumanda na tayo?

13 Makikita rin ang laki ng pagtitiwala natin kay Jehova sa mga plano natin para sa kinabukasan. Pinapayuhan tayo ng Bibliya na maging masipag para makapag-ipon tayo para sa hinaharap, kung posible. (Kaw. 6:6-11) Makakatulong iyan, kasi nagbibigay ng proteksiyon ang pera. (Ecles. 7:12) Pero hindi dapat maging pinakamahalaga sa buhay natin ang pag-iipon ng pera.

14. Kapag nagpaplano para sa hinaharap, bakit dapat nating pag-isipan ang Hebreo 13:5?

14 Sa isang ilustrasyon, ipinakita ni Jesus kung bakit hindi katalinuhang mag-ipon ng pera nang “hindi mayaman sa Diyos.” (Luc. 12:16-21) Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. (Kaw. 23:4, 5; Sant. 4:13-15) Sinabi rin ni Jesus na bilang mga tagasunod niya, dapat handa nating ‘iwan ang lahat ng pag-aari natin.’ (Luc. 14:33) Nang mangyari iyan noon sa mga Kristiyano sa Judea, masaya pa rin sila. (Heb. 10:34) Sa panahon natin, maraming kapatid ang nawalan ng trabaho at mga pag-aari dahil wala silang sinuportahan na partido sa politika. (Apoc. 13:16, 17) Ano ang nakatulong sa kanila? Talagang nagtiwala sila sa pangako ni Jehova: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.” (Basahin ang Hebreo 13:5.) Pinagpaplanuhan natin ang hinaharap. Pero kung may mangyaring hindi natin inaasahan, nagtitiwala tayong tutulungan tayo ni Jehova.

15. Ano ang dapat tandaan ng mga Kristiyanong magulang habang pinapalaki ang mga anak nila? (Tingnan din ang larawan.)

15 Sa ilang kultura, marami ang gustong magpamilya kasi iniisip nilang ang mga anak nila ang maglalaan para sa kanila kapag matanda na sila. Sinasabi ng Bibliya na dapat paglaanan ng mga magulang ang mga anak nila. (2 Cor. 12:14) At habang tumatanda ang mga magulang, baka kailanganin nila ng tulong, at masayang ginagawa iyan ng maraming anak. (1 Tim. 5:4) Pero dapat tandaan ng mga Kristiyanong magulang na magiging mas masaya sila kung papalakihin nila ang mga anak nila na maging lingkod ni Jehova kaysa kung papalakihin nila ang mga ito para lang suportahan sila kapag tumanda na sila.—3 Juan 4.

Isang mag-asawang ka-video call ang anak nila at ang mister nito. Nakapang-construction ang anak nila at ang mister nito.

Pinag-iisipan ng mga mag-asawang nagtitiwala kay Jehova ang mga prinsipyo sa Bibliya kapag nagpaplano para sa hinaharap (Tingnan ang parapo 15)d


16. Paano matutulungan ng mga magulang ang anak nila na suportahan ang sarili niya? (Efeso 4:28)

16 Habang tinuturuan ang anak ninyo na suportahan ang sarili niya, ipakita ninyong nagtitiwala kayo kay Jehova. Kahit bata pa siya, ituro din sa kaniya kung bakit mahalagang maging masipag. (Kaw. 29:21; basahin ang Efeso 4:28.) At habang lumalaki siya, tulungan siyang magsikap sa pag-aaral. Puwedeng i-research ng mga Kristiyanong magulang ang mga prinsipyo sa Bibliya na magagamit ng anak nila sa pagdedesisyon tungkol sa edukasyon. Tulungan siyang maintindihan na pansuporta ito sa sarili niya at sa mga goal niya sa espirituwal.

17. Sa ano tayo makakapagtiwala?

17 Makakapagtiwala ang bayan ng Diyos sa kakayahan at kagustuhan ni Jehova na ibigay ang mga kailangan nila. At habang papalapit ang wakas, mas lalo tayong dapat magtiwala sa kaniya. Anuman ang mangyari, huwag na huwag tayong magduda na gagamitin ni Jehova ang kapangyarihan niya para paglaanan tayo. Makakaasa tayong hindi maikli ang kamay niya at na maaabot tayo ng unat na bisig niya.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Ano ang matututuhan natin sa nangyari kay Moises at sa mga Israelita?

  • Paano natin maipapakitang nagtitiwala tayo kay Jehova kapag may problema tayo sa pinansiyal?

  • Ano ang dapat nating pag-isipan kapag nagpaplano tayo para sa hinaharap?

AWIT BLG. 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas

a Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, isyu ng Oktubre 2023.

b Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, isyu ng Setyembre 15, 2014.

c Tingnan ang artikulong “Walang Sinumang Makapaglilingkod sa Dalawang Panginoon” sa Bantayan, isyu ng Abril 15, 2014.

d LARAWAN: Tinatawagan ng mag-asawa ang anak nila, na nagboboluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall kasama ang mister nito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share