Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Abril p. 14-19
  • Nakakabuti sa Atin ang Paglapit sa Isa’t Isa!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakakabuti sa Atin ang Paglapit sa Isa’t Isa!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KUNG BAKIT DAPAT TAYONG MAGING MAS MALAPÍT SA ISA’T ISA
  • MAGPAKITA NG PAGGALANG SA ISA’T ISA
  • ‘HUWAG KAYONG MAGKABAHA-BAHAGI’
  • IBIGIN ANG IBA SA “GAWA AT KATOTOHANAN”
  • Mahal na Mahal Ka ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • “Nakakabuti ang Paglapit sa Diyos”!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Talagang Mas Masaya ang Nagbibigay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Abril p. 14-19

ARALING ARTIKULO 16

AWIT BLG. 87 Halikayo at Guminhawa!

Nakakabuti sa Atin ang Paglapit sa Isa’t Isa!

“Napakabuti at napakaganda na ang magkakapatid ay magkakasama at nagkakaisa!”—AWIT 133:1.

MATUTUTUHAN

Mga paraan para maging mas malapít tayo sa mga kapatid at ang mga pagpapala kapag ginawa natin iyon.

1-2. Ano ang isang bagay na mahalaga kay Jehova, at ano ang gusto niyang gawin natin?

NAPAKAHALAGA kay Jehova kung paano natin pinapakitunguhan ang iba. Itinuro ni Jesus na dapat nating mahalin ang kapuwa natin gaya ng sarili natin. (Mat. 22:37-39) Kaya sinisikap nating maging mabait sa lahat, pati na sa mga hindi natin kapareho ng paniniwala. Kapag ginagawa natin iyan, tinutularan natin si Jehova, na “pinasisikat . . . ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti at nagpapaulan . . . sa mga taong matuwid at di-matuwid.”—Mat. 5:45.

2 Mahal ni Jehova ang lahat ng tao, pero mas mahal niya ang mga gumagawa ng tama. (Juan 14:21) At gusto niyang tularan natin siya. Pinapayuhan niya tayo na magkaroon ng“masidhing pag-ibig” sa mga kapatid at “maging magiliw” sa kanila. (1 Ped. 4:8; Roma 12:10) Ganiyan ang pag-ibig na nararamdaman natin para sa isang kapamilya o malapít nating kaibigan.

3. Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa pag-ibig?

3 Parang halaman ang pag-ibig. Kailangan itong alagaan para patuloy na lumago. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Patuloy nawa ninyong ibigin ang isa’t isa bilang magkakapatid.” (Heb. 13:1) Gusto ni Jehova na palalimin natin ang pag-ibig natin sa iba. At makakatulong sa atin ang artikulong ito. Pag-aaralan natin kung bakit dapat tayong maging mas malapít sa mga kapatid at kung paano natin patuloy na gagawin iyan.

KUNG BAKIT DAPAT TAYONG MAGING MAS MALAPÍT SA ISA’T ISA

4. Gaya ng sinasabi sa Awit 133:1, paano natin mapapanatili ang pagpapahalaga natin sa pagkakaisa nating mga Kristiyano? (Tingnan din ang mga larawan.)

4 Basahin ang Awit 133:1. Alam nating totoo ang sinabi ng salmista na “napakabuti at napakaganda” ng pakikipagkaibigan sa mga nagmamahal kay Jehova. Pero baka mawala ang pagpapahalaga natin sa pagkakaisa nating mga Kristiyano. Pag-isipan ito: Kapag araw-araw na nakikita ng isang tao ang isang napakagandang puno, baka unti-unting mawala ang pagpapahalaga niya dito. Puwede ring mangyari iyan sa atin dahil ilang beses nating nakikita ang mga kapatid sa bawat linggo. Kaya paano natin mapapanatili ang pagpapahalaga natin sa kanila? Pag-isipan nating mabuti kung gaano kahalaga sa atin at sa kongregasyon ang bawat kapatid. Kung gagawin natin iyan, mas lalalim ang pag-ibig natin sa kanila.

Collage: 1. Isang sister na humahanga sa isang magandang puno. 2. Ang sister ding iyon na yumayakap sa isa pang sister sa isang kombensiyon. Masayang nagkukuwentuhan ang iba pang kapatid.

Huwag nating hayaang mawala ang pagpapahalaga natin sa pagkakaisa nating mga Kristiyano (Tingnan ang parapo 4)


5. Ano ang puwedeng mangyari kapag nakita ng iba ang pagmamahal nating mga Kristiyano sa isa’t isa?

5 May mga unang beses pa lang dumalo sa mga pulong natin na talagang humanga sa nakita nila. Napapansin kasi nila ang pagmamahal natin sa isa’t isa, at posibleng makumbinsi sila nito na tayo ang mga tunay na Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” (Juan 13:35) Tingnan ang karanasan ni Chaithra. Estudyante siya sa unibersidad nang makipag-aral siya sa mga Saksi ni Jehova. Tinanggap niya ang imbitasyong dumalo sa panrehiyong kombensiyon. Pagkatapos niyang dumalo sa unang araw ng kombensiyon, nasabi niya sa nagba-Bible study sa kaniya: “Kahit kailan, ’di pa ako nayakap ng mga magulang ko. Pero isang araw pa lang sa kombensiyon n’yo, 52 beses na akong nayakap! Ramdam ko talaga ang pagmamahal ni Jehova dahil sa inyo. Kaya gusto kong maging bahagi ng pamilyang ito.” Sumulong si Chaithra at nagpabautismo noong 2024. Patunay ito na kapag nakikita ng iba ang mabubuti nating gawa, kasama na ang pagmamahal natin sa isa’t isa, puwede silang mapakilos na paglingkuran si Jehova.—Mat. 5:16.

6. Kapag malapít tayo sa mga kapatid, paano ito nagiging proteksiyon sa atin?

6 Kapag malapít tayo sa mga kapatid, nagiging proteksiyon ito sa atin. Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano noon: “Patuloy ninyong patibayin ang isa’t isa araw-araw . . . para walang sinuman sa inyo ang maging mapagmatigas dahil sa mapandayang kapangyarihan ng kasalanan.” (Heb. 3:13) Kapag nanghihina tayo at nahihirapang gawin ang tama, posible itong mapansin ng isang kapatid at pakilusin siya ni Jehova na tulungan tayo. (Awit 73:2, 17, 23) Siguradong makakatulong sa atin ang mga pampatibay na matatanggap natin.

7. Ano ang kaugnayan ng pag-ibig at pagkakaisa? (Colosas 3:13, 14)

7 Bahagi tayo ng isang grupo na talagang nagsisikap magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa, at pinagpapala tayo dahil doon. (1 Juan 4:11) Halimbawa, dahil sa pag-ibig, ‘patuloy nating napagtitiisan ang isa’t isa,’ kaya napapanatili ang pagkakaisa natin. (Basahin ang Colosas 3:13, 14; Efe. 4:2-6) Hindi ba, ramdam natin iyan sa mga pulong? Wala nang ibang grupo ang nakakaranas ng ganiyang pagkakaisa.

MAGPAKITA NG PAGGALANG SA ISA’T ISA

8. Paano tayo tinutulungan ni Jehova na magkaisa?

8 Hindi tayo perpekto, pero nagkakaisa pa rin tayo. Nangyayari iyan dahil kay Jehova. (1 Cor. 12:25) Sinasabi ng Bibliya na ‘tinuruan na tayo ng Diyos na mahalin ang isa’t isa.’ (1 Tes. 4:9) Ginagamit niya ang Salita niya para malaman natin ang mga dapat nating gawin para maging mas malapít sa isa’t isa. At masasabing natuturuan tayo ng Diyos kapag pinag-aaralan nating mabuti ang mga turo niya at sinusunod ang mga ito. (Heb. 4:12; Sant. 1:25) Iyan ang sinisikap gawin ng mga Saksi ni Jehova.

9. Ano ang matututuhan natin sa Roma 12:9-13 tungkol sa pagpapakita ng paggalang sa isa’t isa?

9 Paano tayo tinutulungan ng Bibliya na maging mas malapít sa isa’t isa? Tingnan ang sinabi ni Pablo sa Roma 12:9-13. (Basahin.) Pansinin na sinabi niyang “mauna kayo sa pagpapakita ng paggalang sa iba.” Ibig sabihin, tayo ang unang kikilos para magpakita ng magiliw na pag-ibig sa iba. Magagawa natin iyan sa maraming paraan, gaya ng pagpapatawad sa iba, pagiging mapagpatuloy, at pagiging mapagbigay. (Efe. 4:32) Hindi mo na kailangang hintayin ang mga kapatid na gumawa ng paraan para mapalapít sa iyo—unahan mo na sila. Tandaan na sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.

10. Paano tayo magiging masipag pagdating sa “pagpapakita ng paggalang sa iba”? (Tingnan din ang larawan.)

10 Pansinin na pagkatapos sabihin ni Pablo na mauna tayo sa pagpapakita ng paggalang sa iba, pinayuhan niya tayo na ‘maging masipag, hindi tamad.’ Kapag may kailangang gawin ang isang taong masipag, gagawin niya iyon agad. Sinasabi sa atin ng Kawikaan 3:27, 28: “Huwag mong ipagkait ang mabuti sa mga nangangailangan ng tulong kung kaya mo namang gawin ito.” Kaya kapag may nakita tayong nangangailangan ng tulong, gagawin natin ang magagawa natin. Hindi na natin iyon ipagpapaliban. At hindi rin tayo maghihintay na may ibang gagawa ng bagay na iyon.—1 Juan 3:17, 18.

Isang brother na nasa ladder at inaalis ang mga dahon sa gutter ng bahay ng isang may-edad nang brother.

Kapag may nakita tayong kapatid na nangangailangan, tayo na ang tutulong sa kaniya (Tingnan ang parapo 10)


11. Ano ang makakatulong sa atin na maging mas malapít sa isa’t isa?

11 Paano pa natin maipapakita ang paggalang sa iba? Patawarin natin agad ang mga nakasakit sa atin. Sinasabi sa Efeso 4:26: “Huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo.” Bakit? Kasi kapag galit pa rin tayo, sinasabi sa talata 27 na ‘nabibigyan natin ng pagkakataon ang Diyablo.’ Paulit-ulit tayong sinasabihan ni Jehova na patawarin natin ang isa’t isa. Halimbawa, pinapayuhan tayo sa Colosas 3:13 na patuloy nating “lubusang patawarin ang isa’t isa.” Isa iyan sa pinakamagandang paraan para mapalapít sa iba. At kapag ginawa natin iyan, ‘napapanatili natin ang kapayapaan para maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.’ (Efe. 4:3) Kaya kapag nagpapatawad tayo, nakakatulong tayo na magkaisa at maging payapa ang bayan ng Diyos.

12. Paano tayo tinutulungan ni Jehova na maging mapagpatawad?

12 Totoo, baka mahirapan tayong patawarin ang mga nakasakit sa atin. Pero magagawa natin iyan sa tulong ng banal na espiritu. Pagkatapos ipayo sa atin ni Pablo na “maging magiliw sa isa’t isa” at “maging masipag,” sinabi rin niya: “Maging masigasig kayo dahil sa banal na espiritu.” Ibig sabihin, puwede tayong mag-umapaw sa sigasig o sigla dahil sa impluwensiya ng banal na espiritu. (Tingnan ang study note sa Roma 12:11.) Kaya matutulungan tayo ng espiritu ng Diyos na maging magiliw sa isa’t isa at magpatawad nang lubusan. At ibibigay niya iyon sa atin kung mananalangin tayo sa kaniya at aasa sa tulong niya.—Luc. 11:13.

‘HUWAG KAYONG MAGKABAHA-BAHAGI’

13. Bakit posible tayong magkabaha-bahagi?

13 Iba’t iba ang pinagmulan at kultura ng mga kapatid sa kongregasyon. (1 Tim. 2:3, 4) Dahil dito, magkakaiba tayo ng desisyon. Halimbawa, baka iba-iba ang pinipili nating mga libangan, paraan ng pananamit at pag-aayos, at paraan ng paggamot at pag-aalaga sa kalusugan. At kung hindi tayo mag-iingat, baka magkabaha-bahagi tayo dahil sa mga ito. (Roma 14:4; 1 Cor. 1:10) Dahil tinuruan na tayo ng Diyos na mahalin ang isa’t isa, hindi natin gustong ipilit sa iba ang desisyon natin at palabasing mas maganda ito.—Fil. 2:3.

14. Ano ang dapat nating pagsikapang gawin, at bakit?

14 Kung lagi nating sisikapin na pasiglahin at patibayin ang isa’t isa, maiiwasan natin ang pagkakabaha-bahagi. (1 Tes. 5:11) Nitong nakaraan, maraming inactive o inalis sa kongregasyon ang bumalik. At masaya natin silang tinanggap! (2 Cor. 2:8) Isang sister na 10 taon nang inactive ang dumalo ulit sa Kingdom Hall. Sinabi niya, “Nakangiti ang mga kapatid at kinamayan nila ako.” (Gawa 3:19) Simple lang ang ginawa nila, pero ano ang epekto nito sa kaniya? Sinabi niya, “Ramdam kong si Jehova ’yon. Gusto niyang maging masaya ulit ako.” Kapag sinisikap nating maging nakakapagpatibay sa lahat, puwede tayong gamitin ni Kristo para tulungan ang mga “pagod at nabibigatan.”—Mat. 11:28, 29.

15. Ano pa ang puwede nating gawin para mapanatili ang pagkakaisa? (Tingnan din ang larawan.)

15 Mapapanatili din natin ang pagkakaisa kung pag-iisipan nating mabuti ang mga sasabihin natin. Sinasabi sa Job 12:11: “Hindi ba sinusubok ng tainga ang mga salita kung paanong nilalasahan ng dila ang pagkain?” Kapag nagluluto ka, malamang na hindi mo iyon ihahain agad sa iba nang hindi tinitikman. Gusto mo kasing siguraduhin na masarap iyon. Ganiyan din pagdating sa mga sinasabi natin. Hindi tayo agad magsasalita nang hindi iyon pinag-iisipan. (Awit 141:3) Gusto natin na laging nakakapagpatibay ang mga sinasabi natin para “makinabang ang mga nakikinig.”—Efe. 4:29.

Isang brother na tinitikman ang niluto niya bago ito ihain sa mga bisita.

Pag-isipan muna ang sasabihin mo (Tingnan ang parapo 15)


16. Sino ang lalo nang dapat nakakapagpatibay sa mga sinasabi nila?

16 Ang mga asawang lalaki at magulang ang lalo nang dapat nakakapagpatibay sa mga sinasabi nila. (Col. 3:19, 21; Tito 2:4) Kasama rin diyan ang mga elder. Dapat din silang maging nakakapagpatibay dahil mga pastol sila ng kawan ni Jehova. (Isa. 32:1, 2; Gal. 6:1) Maganda ang paalala sa atin ng Bibliya: “Ang salitang sinabi sa tamang panahon—napakabuti nito!”—Kaw. 15:23.

IBIGIN ANG IBA SA “GAWA AT KATOTOHANAN”

17. Paano natin masisiguradong mahal talaga natin ang mga kapatid?

17 Ipinayo ni apostol Juan: “Umibig tayo, hindi sa salita o sa pamamagitan ng dila, kundi sa pamamagitan ng gawa at katotohanan.” (1 Juan 3:18) Gusto natin na totoo ang pagmamahal natin sa mga kapatid. Paano natin magagawa iyan? Kapag mas madalas nating kasama ang mga kapatid, mas magiging malapít tayo sa isa’t isa at mas lalalim ang pagmamahal natin sa kanila. Kaya humanap ng mga paraan para makasama sila sa mga pulong at ministeryo. Puwede mo rin silang bisitahin. Kapag ginawa natin iyan, maipapakita nating ‘tinuruan na tayo ng Diyos na mahalin ang isa’t isa.’ (1 Tes. 4:9) Mararanasan natin mismo ang sinabi ng salmista: “Napakabuti at napakaganda na ang magkakapatid ay magkakasama at nagkakaisa!”—Awit 133:1.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit dapat tayong maging malapít sa isa’t isa?

  • Paano tayo mauuna sa pagpapakita ng paggalang sa iba?

  • Paano natin mapapanatili ang pagkakaisa?

AWIT BLG. 90 Patibayin ang Isa’t Isa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share