Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Abril p. 8-13
  • “Nakakabuti ang Paglapit sa Diyos”!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Nakakabuti ang Paglapit sa Diyos”!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MASAYA TAYO KAPAG ‘LUMAPIT TAYO SA DIYOS’
  • MAY LAYUNIN TAYO SA BUHAY AT PAG-ASA KAPAG ‘LUMAPIT TAYO SA DIYOS’
  • KUNG PAANO MAGIGING MAS MALAPÍT SA DIYOS
  • ‘LUMAPIT SA DIYOS’ KAHIT NAGKAMALI
  • ‘LUMAPIT SA DIYOS’ MAGPAKAILANMAN
  • Nakakabuti sa Atin ang Paglapit sa Isa’t Isa!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Tandaan na si Jehova ang “Diyos na Buháy”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Kung Paano Maaalis ang Pagdududa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Abril p. 8-13

ARALING ARTIKULO 15

AWIT BLG. 30 Aking Kaibigan, Diyos, at Ama

“Nakakabuti ang Paglapit sa Diyos”!

“Sa akin, nakakabuti ang paglapit sa Diyos.”—AWIT 73:28.

MATUTUTUHAN

Kung paano tayo magiging mas malapít kay Jehova at ang magagandang resulta nito.

1-2. (a) Ano ang mga kailangan nating gawin para maging kaibigan ang isang tao? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

ISIPIN ang isang kaibigan mo. Paano ka naging malapít sa kaniya? Malamang na madalas mo siyang kasama. Inalam mo ang kuwento ng buhay niya, pati na ang mga gusto at ayaw niya. Nakita mo rin ang magagandang katangian niya, at gusto mong gayahin ang mga iyon. Siguradong mahal mo ang kaibigan mo.

2 Kailangan ng panahon at pagsisikap para maging malapít ka sa kaibigan mo. Ganiyan din sa pakikipagkaibigan sa Diyos na Jehova. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano tayo magiging mas malapít kay Jehova. Pero pag-usapan muna natin ang magagandang resulta nito.

3. Bakit mahalagang pag-isipan ang magagandang resulta ng pagiging malapít kay Jehova? Ilarawan.

3 Napakahalagang pag-isipan kung bakit makakabuti sa atin ang pagiging malapít kay Jehova. (Awit 63:6-8) Bakit? Pag-isipan ito: Alam ng mga tao na makakabuti sa kanila na kumain ng masustansiyang pagkain, mag-exercise, matulog nang sapat, at uminom ng sapat na tubig araw-araw. Dahil hindi laging pinag-iisipan ng ilan ang magandang resulta ng mga ito, napapabayaan nila ang kalusugan nila. Pero may iba naman na laging pinag-iisipan iyan, kaya sinisikap nilang gawin ang mga ito. Alam din natin na makakabuti sa atin ang pagiging malapít kay Jehova. Pero kung pag-iisipan nating mabuti ang magagandang resulta nito, sisikapin nating maging mas malapít sa kaniya.—Awit 119:27-30.

4. Ano ang sinabi ng salmista sa Awit 73:28?

4 Basahin ang Awit 73:28. Isang Levita ang sumulat ng Awit 73, at tungkol sa musika ang atas niya sa templo ni Jehova. Malamang na matagal na siyang naglilingkod nang tapat kay Jehova. Pero alam niyang dapat niyang ipaalala sa sarili niya at sa iba na “nakakabuti ang paglapit sa Diyos.” Ano ang magagandang resulta ng paglapit kay Jehova?

MASAYA TAYO KAPAG ‘LUMAPIT TAYO SA DIYOS’

5. (a) Bakit magiging masaya tayo kapag mas malapít tayo kay Jehova? (b) Paano ka matutulungan at mapoprotektahan ng karunungan mula kay Jehova? (Kawikaan 2:6-16)

5 Kapag mas malapít tayo kay Jehova, magiging mas masaya tayo. (Awit 65:4) Bakit? Natutulungan tayo ng karunungan mula sa Bibliya kapag sinusunod natin ito. Naiiwasan natin ang mga bagay na nakakasama sa atin, pati na ang paggawa ng mali. (Basahin ang Kawikaan 2:6-16.) Kaya tama ang sinasabi ng Bibliya: “Maligaya ang nakatagpo sa karunungan at ang taong nagkaroon ng kaunawaan.”—Kaw. 3:13.

6. Bakit nawala ang kagalakan ng salmista?

6 Nalulungkot din at nawawalan ng kagalakan ang mga kaibigan ni Jehova. Ganiyan ang nangyari sa sumulat ng Awit 73 nang magpokus siya sa negatibong mga bagay. Pakiramdam niya, maganda ang buhay ng mga taong hindi sumusunod sa Diyos, kaya nainis siya at nainggit. Inakala rin niya na mas mayaman, hindi nagkakasakit, at hindi nagkakaproblema ang mararahas at mapagmataas. (Awit 73:3-7, 12) Talagang naapektuhan ang salmista kaya naisip niya kung sulit bang maglingkod kay Jehova. Sa sobrang lungkot niya, nasabi niya: “Talagang walang saysay na pinanatili kong malinis ang puso ko at hinugasan ko ang mga kamay ko para ipakitang wala akong kasalanan.”—Awit 73:13.

7. Kapag nalulungkot tayo, ano ang puwede nating gawin? (Tingnan din ang larawan.)

7 Hindi hinayaan ng salmista na manatili siyang malungkot. Kumilos siya. “Pumasok [siya] sa maringal na santuwaryo ng Diyos,” at doon itinuwid ni Jehova ang kaisipan niya. (Awit 73:17-19) Alam ng pinakamalapít nating Kaibigan na si Jehova kapag nalulungkot tayo. Kung mananalangin tayo sa kaniya para humingi ng gabay at tatanggapin ang tulong niya mula sa Bibliya at sa kongregasyon, malalabanan natin ang lungkot. Kahit sobra-sobra tayong nag-aalala, kaya ni Jehova na paginhawahin ang kalooban natin.—Awit 94:19.a

Isang Levita na nakatayo sa pagitan ng tansong altar at ng beranda ng templo.

Ang Levita na sumulat ng Awit 73, na nakatayo sa “maringal na santuwaryo ng Diyos” (Tingnan ang parapo 7)


MAY LAYUNIN TAYO SA BUHAY AT PAG-ASA KAPAG ‘LUMAPIT TAYO SA DIYOS’

8. Ano pa ang magagandang resulta ng paglapit sa Diyos?

8 May dalawa pang magandang resulta ang paglapit sa Diyos. Una, nagkakaroon ng layunin ang buhay natin. Ikalawa, nagkakaroon tayo ng tunay na pag-asa sa hinaharap. (Jer. 29:11) Pag-usapan pa natin ang mga iyan.

9. Paano nagkakaroon ng layunin ang buhay natin kapag malapít tayo kay Jehova?

9 Nagkakaroon ng layunin ang buhay natin kapag malapít tayo kay Jehova. Marami sa mga hindi naniniwalang may Diyos ang nag-iisip na walang layunin ang buhay at mamamatay lang din ang lahat ng tao sa lupa sa hinaharap. Pero dahil pinag-aralan natin ang Bibliya, sigurado tayo na ang Diyos ay “umiiral at nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kaniya nang buong puso.” (Heb. 11:6) At ngayon pa lang, masaya na tayo kasi nagagawa natin ang pinakalayunin ng buhay—ang maglingkod sa Ama natin sa langit, si Jehova.—Deut. 10:12, 13.

10. Ano ang pangako ni Jehova para sa mga nagtitiwala sa kaniya? (Awit 37:29)

10 Para sa maraming hindi nakakaalam ng pangako ng Diyos, nabubuhay ang tao para lang magtrabaho, magpamilya, at mag-ipon para sa pagtanda nila. Wala kasi silang tunay na pag-asa sa hinaharap. Pero hindi ganiyan ang mga lingkod ni Jehova. (1 Tim. 6:17) Nagtitiwala tayo sa ating Diyos at Kaibigan, pati na sa mga pangako niya. (Awit 25:3-5) At kasama doon ang pag-asang paglingkuran siya magpakailanman sa Paraiso.—Basahin ang Awit 37:29.

11. Ano ang nangyayari sa mga malapít sa Diyos, at ano ang nararamdaman niya kapag malapít tayo sa kaniya?

11 May iba pang magagandang resulta ang paglapit sa Diyos. Halimbawa, ipinapangako ni Jehova na papatawarin niya ang mga nagsisisi. (Isa. 1:18) Kaya hindi na natin kailangang makonsensiya pa sa mga nagawa nating kasalanan. (Awit 32:1-5) Isa pa, napapasaya natin si Jehova. (Kaw. 23:15) Marami talagang magagandang resulta ang pagiging malapít sa Diyos. Paano kaya natin patuloy na magagawa iyan?

KUNG PAANO MAGIGING MAS MALAPÍT SA DIYOS

12. Ano ang mga ginawa mo para maging mas malapít sa Diyos?

12 Kung isa kang bautisadong Kristiyano, marami ka nang ginawa para maging malapít kay Jehova. Pinag-aralan mo ang mga katotohanan tungkol sa kaniya at kay Jesus, pinagsisihan mo na ang mga kasalanan mo, nanampalataya ka sa Diyos, at sinikap mong sundin siya. Pero para maging mas malapít sa Diyos, dapat na patuloy nating gawin ang mga iyan.—Col. 2:6.

13. Anong tatlong bagay ang makakatulong para patuloy tayong maging mas malapít kay Jehova?

13 Ano ang makakatulong para patuloy tayong maging mas malapít kay Jehova? (1) Dapat nating patuloy na basahin at pag-aralan ang Bibliya. Hindi lang natin gustong makakuha ng impormasyon o kaalaman tungkol sa Diyos. Sinisikap nating alamin ang kalooban niya para sa atin at mamuhay ayon sa mga prinsipyo na nasa Salita niya. (Efe. 5:15-17) (2) Dapat nating patuloy na patibayin ang pananampalataya natin. Magagawa natin iyan kung pag-iisipan natin ang mga ginawa niya para ipakitang mahal niya tayo. (3) Dapat nating patuloy na iwasan ang mga bagay na ayaw ni Jehova, kasama na ang pakikipagkaibigan sa mga taong gumagawa ng masama.—Awit 1:1; 101:3.

14. Gaya ng sinasabi sa 1 Corinto 10:31, ano pa ang mga puwede nating gawin para mapasaya si Jehova? (Tingnan din ang mga larawan.)

14 Basahin ang 1 Corinto 10:31. Napakahalagang patuloy nating gawin ang mga bagay na nagpapasaya kay Jehova. Bukod pa sa pagdalo sa pulong at pangangaral, gusto natin siyang pasayahin sa mga ginagawa natin araw-araw. Halimbawa, sinisikap nating maging tapat sa lahat ng bagay at maging mapagbigay. (2 Cor. 8:21; 9:7) Gusto rin niyang pahalagahan natin ang buhay na iniregalo niya sa atin. Kaya mapapalapít tayo sa kaniya kung iiwasan natin ang sobrang pagkain at pag-inom at kung sisikapin nating maalagaan ang kalusugan natin sa iba pang paraan. Lalo tayong mamahalin ni Jehova dahil sa mga pagsisikap natin, kahit gaano pa iyon kaliit.—Luc. 16:10.

Collage: Mga paraan para mapasaya natin si Jehova. 1. Maingat na pagmamaneho: Huminto sa pagmamaneho ang brother dahil red light na. 2. Pag-aalaga sa sarili: Naglalakad sa labas ang brother. 3. Pagkain ng masustansiyang pagkain: Isang plato na puno ng masustansiyang pagkain. 4. Pagiging mapagbigay: Dinalhan ng sister ng bulaklak at pagkain ang isang may-edad nang sister na nabalian ng braso.

Mapapasaya natin si Jehova kapag maingat tayo sa pagmamaneho, kapag inaalagaan natin ang kalusugan natin sa pamamagitan ng pag-e-exercise at pagkain ng masustansiyang pagkain, at kapag mapagbigay tayo (Tingnan ang parapo 14)


15. Para mapasaya si Jehova, paano natin dapat tratuhin ang iba?

15 Mabait si Jehova sa mga matuwid at di-matuwid. (Mat. 5:45) At iyan din ang gusto niyang gawin natin. Halimbawa, pinayuhan niya tayong “huwag magsalita ng masama tungkol sa kaninuman, at na huwag maging palaaway, kundi maging . . . mahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao.” (Tito 3:2) Kaya kahit hindi natin kapareho ng paniniwala ang iba, hindi mababa ang tingin natin sa kanila. (2 Tim. 2:23-25) Magiging mas malapít tayo kay Jehova kung lagi tayong mabait at makonsiderasyon sa lahat.

‘LUMAPIT SA DIYOS’ KAHIT NAGKAMALI

16. Ano ang minsang naramdaman ng manunulat ng Awit 73?

16 Minsan, baka maramdaman mong hindi ka karapat-dapat sa pag-ibig ni Jehova. Ganiyan ang nangyari sa manunulat ng Awit 73. Sinabi niya: “Muntik nang maligaw ang mga paa ko; muntik na akong madulas sa mga hakbang ko.” (Awit 73:2) Inamin niya: “Mapait ang puso ko, . . . wala akong unawa.” Sinabi pa niyang ‘gaya siya ng isang walang-isip na hayop’ sa harap ni Jehova. (Awit 73:21, 22) Naisip ba niya na dahil sa kahinaan niya, hindi na siya karapat-dapat sa pagmamahal at pagpapatawad ni Jehova?

17. (a) Ano ang malamang na ginawa ng salmista noong sobrang dismayado siya sa sarili niya? (b) Ano ang matututuhan natin sa kaniya? (Tingnan din ang mga larawan.)

17 Kung naisip man ng salmista na hindi na siya mahal ni Jehova, malamang na pansamantala lang iyon. Lumilitaw na noong sobrang dismayado siya sa sarili niya, naisip niyang kailangan niyang maging mas malapít kay Jehova. Sinabi niya kay Jehova: “Pero ngayon, lagi kitang kasama; hawak mo ang kanang kamay ko. Pinapatnubayan mo ako ng iyong payo, at pagkatapos ay aakayin mo ako sa kaluwalhatian.” (Awit 73:23, 24) Kapag nanghihina tayo, umasa tayong papalakasin tayo ng bato ng ating puso, si Jehova. (Awit 73:26; 94:18) At kapag nagkamali tayo, makakaasa tayong “handang magpatawad” si Jehova kung manunumbalik tayo sa kaniya. (Awit 86:5) Sa panahong sobrang dismayado tayo sa sarili natin, mas lalo tayong dapat na maging malapít sa kaniya.—Awit 103:13, 14.

Collage: 1. Isang brother na pinanghihinaan ng loob na nakaupo sa kama. 2. Ang brother ding iyon na nakangiti na nang i-welcome siya ng isang mag-asawa sa pulong.

Kapag nanghihina ang pananampalataya natin, mas kailangan nating manalangin at dumalo para mapalapít kay Jehova (Tingnan ang parapo 17)


‘LUMAPIT SA DIYOS’ MAGPAKAILANMAN

18. Bakit walang katapusan ang paglapit kay Jehova?

18 Walang katapusan ang paglapit natin kay Jehova kasi lagi tayong may matututuhan tungkol sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya na napakarami nating puwedeng malaman tungkol sa mga daan, karunungan, at kaalaman ni Jehova.—Roma 11:33.

19. Ano ang sinasabi ng Mga Awit tungkol sa hinaharap?

19 Sinasabi sa Awit 79:13: “Kami, ang iyong bayan at ang kawan ng iyong pastulan, ay magpapasalamat sa iyo magpakailanman; at pupurihin ka namin sa lahat ng henerasyon.” Makakasigurado tayo na kung patuloy tayong lalapit kay Jehova, walang hanggan niya tayong pagpapalain. Masasabi rin natin: “Ang Diyos ang bato ng puso ko at ang bahagi ko magpakailanman.”—Awit 73:26.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit dapat nating pag-isipan ang magagandang resulta ng “paglapit sa Diyos”?

  • Ano ang magagandang resulta ng “paglapit sa Diyos”?

  • Paano tayo patuloy na magiging mas malapít sa Diyos?

AWIT BLG. 32 Pumanig kay Jehova!

a Ang ilan na nakakaranas ng nagtatagal na kalungkutan o pag-aalala ay baka kailangang magpatingin sa doktor. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Bantayan, Blg. 1 2023.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share