Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Abril p. 20-25
  • Hindi Ka Nag-iisa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hindi Ka Nag-iisa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • GINAGABAYAN TAYO NI JEHOVA
  • PINAGLALAANAN TAYO NI JEHOVA
  • PINOPROTEKTAHAN TAYO NI JEHOVA
  • PINAPATIBAY TAYO NI JEHOVA
  • LAGING NANDIYAN SI JEHOVA PARA SA ATIN
  • Tandaan na si Jehova ang “Diyos na Buháy”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Pinapagaling ni Jehova ang mga May Pusong Nasasaktan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Talagang Mas Masaya ang Nagbibigay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Abril p. 20-25

ARALING ARTIKULO 17

AWIT BLG. 99 Ang Ating Buong Kapatiran

Hindi Ka Nag-iisa

“Tutulungan kita.”—ISA. 41:10.

MATUTUTUHAN

Apat na paraan kung paano tayo tinutulungan ni Jehova.

1-2. (a) Bakit natin masasabi na hindi tayo nag-iisa kapag may mga problema? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

KAPAG may mabibigat kang problema, baka pakiramdam mo, parang nag-iisa ka sa isang maliit na bangka sa gitna ng maalong dagat habang may bagyo. Pero sa totoo lang, hindi talaga tayo nag-iisa. Nakikita ng mapagmahal nating Ama sa langit ang mga pinagdadaanan natin, at nangangako rin siyang tutulungan niya tayo. Ito ang tinitiyak niya sa mga lingkod niya: “Tutulungan kita.”—Isa. 41:10.

2 Tatalakayin sa artikulong ito ang apat na paraan kung paano tayo tinutulungan ni Jehova: (1) Ginagabayan niya tayo, (2) pinaglalaanan, (3) pinoprotektahan, at (4) pinapatibay. Tinitiyak sa atin ni Jehova na anumang problema ang mapaharap sa atin, hindi niya tayo papabayaan. Kaya hindi talaga tayo nag-iisa.

GINAGABAYAN TAYO NI JEHOVA

3-4. Paano tayo ginagabayan ni Jehova? (Awit 48:14)

3 Basahin ang Awit 48:14. Alam ni Jehova na hindi natin kayang gabayan ang sarili natin kaya kailangan natin siya. Paano niya tayo ginagabayan sa ngayon? Ginagamit niya ang Bibliya. (Awit 119:105) Sa tulong ng Bibliya, nakakagawa tayo ng tamang mga desisyon at nagkakaroon ng magagandang katangian.a Kapag sinusunod natin ang mga payo sa Bibliya, hindi lang tayo nagkakaroon ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa hinaharap, nagiging masaya rin tayo ngayon. Halimbawa, tinuturuan niya tayong magpatawad, maging tapat sa lahat ng bagay, at mahalin ang iba nang mula sa puso. (Awit 37:8; Heb. 13:18; 1 Ped. 1:22) Kapag ginagawa natin ang mga iyan, nagiging mas mabuti tayong magulang, asawa, at kaibigan.

4 Ipinasulat din ni Jehova sa Salita niya ang karanasan ng mga taong may mga problema at damdamin na gaya ng sa atin. (1 Cor. 10:13; Sant. 5:17) Kapag isinabuhay natin ang mga aral mula sa mga karanasan nila, nakikinabang tayo. Una, nakikita natin na hindi tayo nag-iisa kasi naranasan na rin iyon ng iba at nakayanan iyon. (1 Ped. 5:9) Ikalawa, nalalaman natin kung ano ang puwede nating gawin kapag may problema.—Roma 15:4.

5. Sino ang ginagamit ni Jehova para gabayan tayo?

5 Ginagamit din ni Jehova ang mga kapatid para gabayan tayo.b Nandiyan ang mga tagapangasiwa ng sirkito na regular na dumadalaw sa mga kongregasyon. Dahil sa mga pahayag nila, napapatibay tayo at napapanatili ang pagkakaisa natin. (Gawa 15:40–16:5) Tinutulungan din tayo ng mga elder na manatiling malapít kay Jehova. (1 Ped. 5:2, 3) Tinuturuan naman ng mga magulang ang mga anak nila na mahalin si Jehova, gumawa ng tamang mga desisyon, at magkaroon ng magagandang katangian at espirituwal na rutin. (Kaw. 22:6) Nakikinabang din ang mga mas batang sister sa magagandang halimbawa, payo, at pampatibay ng mga matured na sister sa kongregasyon.—Tito 2:3-5.

6. Ano ang dapat nating gawin para makinabang sa gabay ni Jehova?

6 Ibinigay na ni Jehova ang gabay na kailangan natin para makagawa ng magagandang desisyon. Pero ano ang dapat nating gawin para makinabang sa ginawa niya? Sinasabi ng Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso, at huwag kang umasa sa sarili mong unawa.” Kapag ginawa natin iyan, “itutuwid niya ang mga daan” natin. Ibig sabihin, tuturuan niya tayo para maiwasan natin ang mga problema at maging mas masaya. Talagang nagpapasalamat tayo kay Jehova kasi mahal niya tayo at ibinibigay niya ang payo na kailangan natin.—Awit 32:8.

PINAGLALAANAN TAYO NI JEHOVA

7. Ano ang ilalaan sa atin ni Jehova? (Filipos 4:19)

7 Basahin ang Filipos 4:19. Hindi lang tayo ginagabayan ni Jehova. Pinagpapala rin niya ang pagsisikap nating magkaroon ng pagkain, damit, at tirahan. (Mat. 6:33; 2 Tes. 3:12) Normal lang na isipin natin ang mga pangangailangan natin. Pero pinapayuhan tayo ni Jehova na huwag masyadong mag-alala. (Tingnan ang study note sa Mateo 6:25.) Bakit? Dahil hinding-hindi niya tayo papabayaan. (Mat. 6:8; Heb. 13:5) Talagang makakapagtiwala tayo sa pangakong iyan ni Jehova.

8. Paano tinulungan ni Jehova si David?

8 Pag-isipan kung paano tinulungan ni Jehova si David. Noong mga taóng tumatakas si David, ibinigay ni Jehova ang kailangan niya at ng mga kasama niya para mabuhay. Siguradong naalala iyon ni David kaya naisulat niya: “Bata ako noon, at ngayon ay matanda na, pero wala pa akong nakitang matuwid na pinabayaan, at wala akong nakitang anak niya na namamalimos ng tinapay.” (Awit 37:25) Gaya ni David, malamang na nakita mo na rin kung paano pinaglalaanan ni Jehova ang mga tapat na lingkod niya.

9. Kapag may sakuna sa ngayon, paano pinaglalaanan ni Jehova ang bayan niya? (Tingnan din ang mga larawan.)

9 Ibinibigay ni Jehova ang kailangan ng bayan niya kapag may sakuna. Halimbawa, nang magkaroon ng taggutom noong unang siglo, ang mga Kristiyano mula sa iba’t ibang lugar ay nagpadala ng tulong sa mga kapatid na naapektuhan. (Gawa 11:27-30; Roma 15:25, 26) At ganiyan din ang ginagawa ng mga lingkod ni Jehova ngayon. Kapag may mga sakuna, ginagamit ni Jehova ang bayan niya para ibigay sa mga lingkod niyang naapektuhan ang mga pangangailangan nila, gaya ng pagkain, tubig, damit, at gamot. Inaayos o itinatayong muli ng mga construction team ang mga nasirang bahay at Kingdom Hall. Agad ding nagbibigay ng emosyonal at espirituwal na tulong ang bayan ni Jehova sa mga nawalan ng ari-arian o namatayan.c

Collage: Materyal at espirituwal na tulong na ibinigay pagkatapos ng sakuna sa Malawi. 1. Matinding baha sa isang lugar. 2. Si Brother Gage Fleegle na kinakausap ang mga kapatid. 3. Mga brother na nagbababa ng suplay ng pagkain mula sa isang sasakyan.

Kapag may sakuna, paano tayo pinaglalaanan ni Jehova? (Tingnan ang parapo 9)e


10-11. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Borys?

10 Pinaglalaanan din ni Jehova ang mga hindi pa sumasamba sa kaniya. Kaya humahanap din tayo ng pagkakataon para magpakita ng kabaitan sa kanila. (Gal. 6:10) Kapag ginagawa natin iyan, natutulungan natin silang mas makilala ang mga Saksi at si Jehova. Iyan ang nangyari kay Borys, isang prinsipal na nakatira sa Ukraine. Hindi siya Saksi ni Jehova, pero mabait siya sa mga estudyanteng Saksi at nirerespeto niya ang mga paniniwala nila. Noong magkaroon ng digmaan, lumikas si Borys sa mas ligtas na lugar, at tinulungan siya ng mga kapatid. May pagkakataon ding dumalo si Borys sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Dahil sa tulong ng mga kapatid sa kaniya, sinabi ni Borys: “Napakabait ng mga Saksi at talagang inalagaan nila ako. Nagpapasalamat ako sa kanila.”

11 Matutularan din natin ang awa ng ating Ama sa langit kapag nagpapakita tayo ng pag-ibig sa mga nangangailangan, kahit hindi natin sila kapareho ng pananampalataya. (Luc. 6:31, 36) Umaasa tayo na makakatulong iyan para maging lingkod din sila ni Jehova. (1 Ped. 2:12) Pero kahit hindi iyan mangyari, masaya pa rin tayo dahil tumulong tayo sa kanila.—Gawa 20:35.

PINOPROTEKTAHAN TAYO NI JEHOVA

12. Paano poprotektahan ni Jehova ang bayan niya? (Awit 91:1, 2, 14)

12 Basahin ang Awit 91:1, 2, 14. Sa ngayon, nangangako si Jehova na poprotektahan niya ang bayan niya sa anumang bagay na makakasira sa kaugnayan nila sa kaniya. Hindi niya hahayaan na madungisan ni Satanas ang tunay na pagsamba. (Juan 17:15) At sa “malaking kapighatian,” makakapagtiwala tayong tutuparin ni Jehova ang pangako niya—poprotektahan niya ang bayan niya sa pisikal at espirituwal na paraan.—Apoc. 7:9, 14.

13. Paano pinoprotektahan ni Jehova ang bawat isa sa atin?

13 Paano pinoprotektahan ni Jehova ang bawat isa sa atin? Gamit ang Bibliya, tinutulungan tayo ni Jehova na malaman kung ano ang tama at mali. (Heb. 5:14) At kapag isinasabuhay natin ang mga prinsipyo sa Bibliya, napoprotektahan tayo sa espirituwal at pisikal na paraan. (Awit 91:4) Ginagamit din ni Jehova ang kongregasyon para protektahan tayo. (Isa. 32:1, 2) Kaya kapag lagi nating kasama ang mga umiibig sa kaniya at sa mga prinsipyo niya, napapatibay tayo at lumalakas ang paninindigan nating gawin ang tama.—Kaw. 13:20.

14. (a) Bakit hinahayaan ni Jehova na makaranas tayo ng mga problema? (b) Ano ang sinisigurado sa atin ng Awit 9:10? (Tingnan din ang talababa.)

14 May mga pagkakataon na iniligtas ni Jehova ang mga lingkod niya noon. Pero bakit hindi niya iyan laging ginagawa? Sinasabi ng Bibliya na puwedeng maapektuhan ang lahat ng tao ng mga “di-inaasahang pangyayari.” (Ecles. 9:11) Hinayaan din ni Jehova na pag-usigin o mamatay pa nga ang mga lingkod niya noon para mapatunayang sinungaling si Satanas. (Job 2:4-6; Mat. 23:34) Posible ring mangyari iyan sa ngayon. Hindi man alisin ni Jehova ang mga problema natin ngayon, makakaasa tayo na hindi niya tayo kailanman iiwan.d—Awit 9:10.

PINAPATIBAY TAYO NI JEHOVA

15. Paano tayo napapatibay ng panalangin, Salita ng Diyos, at ng mga kapatid? (2 Corinto 1:3, 4)

15 Basahin ang 2 Corinto 1:3, 4. Kung minsan, sobra tayong nalulungkot, nag-aalala, o nai-stress. Kung may pinagdadaanan ka ngayon, baka pakiramdam mo, nag-iisa ka. May nakakaintindi kaya sa nararamdaman mo? Naiintindihan ka ni Jehova. Nararamdaman niya ang nararamdaman mo, at papatibayin ka niya anumang pagsubok ang nararanasan mo. Paano? Kung mananalangin tayo kay Jehova, ibibigay niya sa atin “ang kapayapaan [niya] na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Fil. 4:6, 7) Napapatibay rin tayo ni Jehova kapag binabasa natin ang Salita niya. Doon, sinasabi niya sa atin kung gaano niya tayo kamahal. Natuturuan din niya tayo at nabibigyan ng pag-asa gamit ang Bibliya. Nandiyan din ang mga kapatid. Napapatibay nila tayo kapag kasama natin sila sa pulong at naririnig natin ang mga komento at bahagi nila.

16. Ano ang natutuhan mo kina Nathan at Priscilla?

16 Makikita sa karanasan nina Nathan at Priscilla, na mula sa United States, kung paano tayo pinapatibay ni Jehova gamit ang Salita niya. Lumipat sila sa lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan. “Umasa kami na pagpapalain ni Jehova ang desisyon namin,” ang sabi ni Nathan. Pero noong nandoon na sila, nagkasakit sila at nagkaroon ng problema sa pera. Kaya umuwi na sila, pero kinakapos pa rin sila sa pera. “Pakiramdam ko no’n, hindi kami pinagpala ni Jehova,” ang sabi ni Nathan. “Kaya naisip ko kung may nagawa ba akong mali.” Di-nagtagal, na-realize nina Nathan at Priscilla na hindi talaga sila pinabayaan ni Jehova. “No’ng mga panahong iyon, napakalaking tulong sa amin ng Bibliya. Do’n kami nakakuha ng pampatibay at gabay,” ang kuwento ni Nathan. “Nakita namin kung paano kami tinulungan ni Jehova na magtiis. Do’n kami nagpokus imbes na sa mga problema, at nakatulong iyon para maging handa kami sa hinaharap.”

17. Paano napatibay si Helga? (Tingnan din ang larawan.)

17 Napapatibay rin tayo ng mga kapatid. Paano? Tingnan ang karanasan ni Helga, na nakatira sa Hungary. Iba’t ibang mahihirap na problema ang naranasan niya sa loob ng napakaraming taon. Kaya pakiramdam niya, wala siyang halaga at wala ring mahingan ng tulong. Pero nang pag-isipan niya ang mga pinagdaanan niya, nakita niya kung paano ginamit ni Jehova ang kongregasyon para patibayin siya. Sinabi niya: “Lagi akong tinutulungan ni Jehova kapag nanghihina ako dahil sa trabaho, pag-aalaga sa nagkasakit kong anak, at iba pang problema. Sa nakalipas na 30 taon, araw-araw na tinutupad ni Jehova ang pangako niyang patibayin ako. Madalas, ginagamit niya ang mga kapatid. Sa mga panahong kailangang-kailangan ko ng pampatibay, nakakatanggap ako ng mga text, card, o komendasyon.”

Collage: Isang may-edad nang brother na pinapatibay ng iba. 1. Tinitingnan niya ang mga drawing ng mga bata para sa kaniya. 2. Tinetext siya ng isang brother. 3. Dinadalhan siya ng isang mag-asawa ng grocery at ng pizza. 4. Tinatawagan siya ng isang brother. 5. Dino-drawing ng isang batang babae ang isang leon sa Paraiso, na ibibigay nito sa kaniya.

Paano ka puwedeng gamitin ni Jehova para patibayin ang iba? (Tingnan ang parapo 17)


18. Paano natin mapapatibay ang iba?

18 Natutularan natin si Jehova kapag pinapatibay natin ang iba. Paano natin gagawin iyan? Matiyaga tayong makikinig sa kanila, mabait na makikipag-usap, at tutulungan natin sila. (Kaw. 3:27) Gusto nating patibayin ang lahat, pati na ang mga hindi pa sumasamba kay Jehova. Kaya ano ang ginagawa natin kapag nalulungkot sila, nag-aalala, o may sakit? Dinadalaw natin sila, nakikinig tayo, at pinapatibay natin sila gamit ang Bibliya. Hindi lang natin natutulungan ang mga kapatid na magtiis kapag tinutularan natin si Jehova, “ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon.” Natutulungan din natin ang mga hindi pa sumasamba sa kaniya na mas makilala pa siya.—Mat. 5:16.

LAGING NANDIYAN SI JEHOVA PARA SA ATIN

19. Ano ang ginagawa ni Jehova para sa atin, at paano natin siya matutularan?

19 Talagang nagmamalasakit si Jehova sa lahat ng nagmamahal sa kaniya. Hindi niya tayo papabayaan kapag may problema tayo. Inaalagaan niya ang mga lingkod niya, gaya ng pag-aalaga ng isang magulang sa anak niya. Ginagabayan niya tayo, pinaglalaanan, pinoprotektahan, at pinapatibay. Matutularan natin siya kung tutulungan at papatibayin din natin ang iba kapag may problema sila. Anuman ang pagdaanan natin, makakasigurado tayong laging nandiyan si Jehova para sa atin. Nangangako siya: “Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako.” (Isa. 41:10) Talagang nakakapagpatibay malaman na hindi tayo nag-iisa!

PAANO TAYO . . .

  • ginagabayan ni Jehova?

  • pinaglalaanan ni Jehova?

  • pinoprotektahan at pinapatibay ni Jehova?

AWIT BLG. 100 Maging Mapagpatuloy

a Tingnan ang artikulong “Gumawa ng mga Desisyong Magpaparangal sa Diyos” sa Bantayan, isyu ng Abril 15, 2011.

b Tingnan ang parapo 11-14 ng artikulong “Patuloy na Sumunod sa Patnubay ni Jehova” sa Bantayan, isyu ng Pebrero 2024.

c Para sa mga halimbawa, i-type sa search bar ng jw.org ang “relief.”

d Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, isyu ng Pebrero 2017.

e LARAWAN: Mga kapatid sa Malawi na nakatanggap ng materyal at espirituwal na tulong pagkatapos ng sakuna.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share