Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Hunyo p. 2-7
  • Mga Aral Mula sa Hula ni Jacob—Bahagi 1

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Aral Mula sa Hula ni Jacob—Bahagi 1
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • RUBEN
  • SIMEON AT LEVI
  • JUDA
  • Mga Aral Mula sa Hula ni Jacob—Bahagi 2
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Ruben
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Nagbatî Sina Jacob at Esau
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Simeon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Hunyo p. 2-7

ARALING ARTIKULO 24

AWIT BLG. 98 Ang Kasulatan—Nagmula sa Diyos

Mga Aral Mula sa Hula ni Jacob—Bahagi 1

“Magtipon-tipon kayo para masabi ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa hinaharap.”—GEN. 49:1.

MATUTUTUHAN

Kung ano ang matututuhan natin sa mga hula ni Jacob tungkol kina Ruben, Simeon, Levi, at Juda.

1-2. Ano ang ginawa ni Jacob bago siya mamatay, at bakit? (Tingnan din ang larawan.)

MGA 17 taon na mula nang lumipat ang tapat na lingkod ni Jehova na si Jacob at ang pamilya nito sa Ehipto mula sa Canaan. (Gen. 47:28) Masayang-masaya si Jacob kasi kasama na niya ulit si Jose at buo na ulit ang pamilya nila. Pero ngayong malapit na siyang mamatay, tinipon niya ang buong pamilya.—Gen. 49:28.

2 Noon, kapag malapit nang mamatay ang ulo ng pamilya, karaniwan nang tinitipon niya ang buong sambahayan para magbigay ng huling habilin. (Isa. 38:1) Malamang na sasabihin din niya doon kung sino ang papalit sa kaniya bilang ulo ng pamilya.

Si Jacob na nagbibigay ng hula sa 12 niyang anak na lalaki noong malapit na siyang mamatay (Tingnan ang parapo 1-2)


3. Ano ang malalaman natin sa pagtitipon ng pamilya ni Jacob? (Genesis 49:1, 2)

3 Basahin ang Genesis 49:1, 2. Dahil propeta si Jacob, hindi ordinaryo ang pagtitipong ito. Ginabayan siya ni Jehova na magbigay ng mga hula tungkol sa mahahalagang pangyayari na makakaapekto sa mga inapo niya.

4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito? (Tingnan din ang kahong “Ang Pamilya ni Jacob.”)

4 Tatalakayin natin sa artikulong ito ang sinabi ni Jacob sa apat niyang anak na sina Ruben, Simeon, Levi, at Juda. Tatalakayin naman natin sa susunod ang sinabi niya sa walo pa niyang anak na lalaki. Hindi lang tungkol sa mangyayari sa mga anak niya ang inihula ni Jacob. Tungkol din ito sa mangyayari sa mga inapo nila, na magiging bansang Israel. Kapag pinag-aralan natin ang kasaysayan ng bansang ito, makikita natin kung paano natupad ang mga hula ni Jacob. Matututuhan din natin dito kung paano natin mapapasaya ang Ama natin sa langit, si Jehova.

Chart ng pamilya ni Jacob. May dalawa siyang asawa, sina Lea at Raquel; at dalawang pangalawahing asawa, sina Bilha at Zilpa. Ang mga anak niya kay Lea ay sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulon, at Dina. Ang mga anak niya kay Raquel ay sina Jose at Benjamin. Ang mga anak niya kay Bilha ay sina Dan at Neptali. Ang mga anak niya kay Zilpa ay sina Gad at Aser.

RUBEN

5. Ano ang posibleng inaasahan ni Ruben?

5 Si Ruben ang unang kinausap ni Jacob. Sinabi niya: “Ikaw ang panganay ko.” (Gen. 49:3) Kaya malamang na inaasahan ni Ruben na dobleng bahagi ng mana ang tatanggapin niya. Baka iniisip din niya na siya ang susunod na ulo ng pamilya at na maipapasa niya ito sa mga inapo niya.

6. Bakit naiwala ni Ruben ang karapatan sa pagkapanganay? (Genesis 49:3, 4)

6 Naiwala ni Ruben ang karapatan sa pagkapanganay. (1 Cro. 5:1) Bakit? Mga ilang taon bago nito, nakipagtalik siya kay Bilha, na pangalawahing asawa ni Jacob. Si Bilha ang alilang babae ng pinakamamahal na asawa ni Jacob, si Raquel. (Gen. 35:19, 22) Si Ruben naman ay anak ng isa pang asawa ni Jacob na si Lea. Posibleng nakipagtalik si Ruben kay Bilha dahil sa pagnanasa. O baka ginawa niya iyon kasi noong mamatay si Raquel, gusto niyang mas mahalin ni Jacob ang nanay niya kaysa kay Bilha. Anuman ang dahilan, hindi natuwa si Jehova at si Jacob sa ginawa niya.—Basahin ang Genesis 49:3, 4.

7. Ano ang nangyari kay Ruben at sa mga inapo niya? (Tingnan din ang kahong “Mga Hula ni Jacob Bago Siya Mamatay.”)

7 Sinabi ni Jacob kay Ruben: “Nakahihigit ka pagdating sa dangal at lakas. Pero hindi na ngayon.” Paano nagkatotoo ang hulang iyan? Walang naging hari, saserdote, o propeta sa mga inapo ni Ruben. Pero hindi naman itinakwil ni Jacob si Ruben. Naging isang tribo pa nga ng bansang Israel ang pamilya ni Ruben. (Jos. 12:6) Nagpakita si Ruben ng magagandang katangian sa ibang mga sitwasyon, at wala tayong mababasang ulat na nakagawa ulit siya ng imoralidad.—Gen. 37:20-22; 42:37.

Mga Hula ni Jacob Bago Siya Mamatay

Si Ruben.

Anak

Ruben

Hula

“Nakahihigit ka pagdating sa dangal at lakas. Pero hindi na ngayon.”—Gen. 49:3, 4.

Katuparan

Hindi kailanman nanguna ang tribo ni Ruben sa Israel.—1 Cro. 5:1, 2.

8. Ano ang matututuhan natin sa nangyari kay Ruben?

8 Aral: Kailangan nating magsikap para malabanan ang maling pagnanasa at maiwasan ang seksuwal na imoralidad. Kapag natutukso tayong gumawa ng mali, dapat nating pag-isipan muna ang magiging epekto nito kay Jehova, sa pamilya natin, at sa iba. Dapat din nating tandaan na “anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.” (Gal. 6:7) Pero nakita rin natin sa nangyari kay Ruben na napakamaawain ni Jehova. Totoo, mararanasan pa rin natin ang epekto ng pagkakamali natin. Pero kapag nagsisi tayo at sinikap nating gawin ang tama, siguradong pagpapalain tayo ni Jehova.

SIMEON AT LEVI

9. Bakit nasabi ni Jacob kina Simeon at Levi ang nasa Genesis 49:5-7?

9 Basahin ang Genesis 49:5-7. Sumunod, kinausap ni Jacob sina Simeon at Levi. Makikita sa mga sinabi niya na hindi siya natutuwa sa kanila. Bakit? Mga ilang taon bago nito, hinalay ng Canaanitang si Sikem ang kapatid nilang si Dina. Galit na galit ang lahat ng anak ni Jacob. Kaya kunwari, makikipagpayapaan sila kay Sikem at sa mga kababayan niya kung magpapatuli ang mga ito. Pumayag naman sina Sikem. Habang nanghihina pa ang mga ito, “kumuha [sina Simeon at Levi] ng kani-kaniyang espada at pinasok ang walang kamalay-malay na lunsod at pinatay ang lahat ng lalaki.”—Gen. 34:25-29.

10. Paano natupad ang hula ni Jacob tungkol kina Simeon at Levi? (Tingnan din ang kahong “Mga Hula ni Jacob Bago Siya Mamatay.”)

10 Galit na galit si Jacob sa ginawa ng dalawa niyang anak. Inihula niya na magkakawatak-watak sila at pangangalatin sila sa Israel. Nagkatotoo ang hulang iyan pagkalipas ng mahigit 200 taon, nang tumanggap ang mga tribo nila ng mana sa Lupang Pangako. Kalat-kalat at nasa loob ng teritoryo ng tribo ni Juda ang lupang natanggap ng tribo ni Simeon. (Jos. 19:1) Para naman sa tribo ni Levi, 48 lunsod na nakakalat sa buong Israel ang tinanggap nila.—Jos. 21:41.

Mga Hula ni Jacob Bago Siya Mamatay

Si Simeon.

Anak

Simeon

Hula

“Magkakawatak-watak sila sa Jacob.”—Gen. 49:7.

Katuparan

Kalat-kalat at nasa loob ng teritoryo ng tribo ni Juda ang lupang natanggap ng tribo ni Simeon.—Jos. 19:1-8.

Si Levi.

Anak

Levi

Hula

“Pangangalatin ko sila sa Israel.”—Gen. 49:7.

Katuparan

Nakakalat sa buong Israel ang 48 lunsod na tinanggap ng tribo ni Levi.—Jos. 21:41.

11. Anong mabubuting bagay ang ginawa ng mga tribo nina Simeon at Levi?

11 Hindi tinularan ng mga inapo nina Simeon at Levi ang pagkakamali nila. Bukod diyan, tapat na sinuportahan ng mga Levita ang dalisay na pagsamba. Noong nasa Bundok Sinai si Moises para tanggapin ang Kautusan, maraming Israelita ang sumamba sa gintong guya. Pero hindi sumama ang mga Levita. Sinuportahan nila si Moises para maihinto ang idolatriyang iyon. (Ex. 32:26-29) Pinili ni Jehova ang tribo ni Levi para maging mga saserdote sa bansang Israel. (Ex. 40:12-15; Bil. 3:11, 12) At noong sinasakop naman ang Lupang Pangako, nakipaglaban ang tribo ni Simeon kasama ng tribo ni Juda.—Huk. 1:3, 17.

12. Ano ang matututuhan natin sa nangyari kina Simeon at Levi?

12 Aral: Huwag magpadala sa galit. Normal lang na malungkot o sumama ang loob mo kapag ginawan ka ng mali o ang mahal mo sa buhay. (Awit 4:4) Pero tandaan na ayaw ni Jehova na may masabi o magawa tayo nang dahil sa galit. (Sant. 1:20) Kapag nakaranas tayo ng kawalang-katarungan—sa loob man o sa labas ng kongregasyon—dapat pa rin tayong kumilos ayon sa mga prinsipyo sa Bibliya. Tutulong iyan para hindi natin masaktan ang iba. (Roma 12:17, 19; 1 Ped. 3:9) Paano naman kung hindi sinusunod ng mga magulang mo si Jehova? Ibig bang sabihin, magiging ganoon ka na rin at hindi mo na siya mapapasaya? Hindi! Tandaan na puwede mong piliing sundin si Jehova. Kapag sinikap mong gawin iyan, siguradong tutulungan ka niya at pagpapalain.

JUDA

13. Bakit posibleng kinakabahan si Juda noong siya na ang kakausapin ni Jacob?

13 Si Juda na ang susunod na kakausapin ni Jacob. Noong marinig niya ang mga sinabi ni Jacob sa mga kuya niya, posibleng kinabahan siya. May mga nagawa rin kasi siyang mali. Lumilitaw na kasama siya sa mga nagnakaw sa lunsod ng Sikem. (Gen. 34:27) Ibinenta rin nilang magkakapatid si Jose bilang alipin at nagsinungaling sila sa ama nila tungkol dito. (Gen. 37:31-33) Nakipagtalik din siya kay Tamar, na asawa ng anak niya, kasi akala niya na babaeng bayaran ito.—Gen. 38:15-18.

14. Anong mabubuting bagay ang ginawa ni Juda? (Genesis 49:8, 9)

14 Pero puro magagandang bagay lang ang sinabi ni Jacob tungkol kay Juda, at pinagpala pa nga niya ito. (Basahin ang Genesis 49:8, 9.) Bakit? Kasi bandang huli, ipinakita ni Juda na talagang nagmamalasakit siya sa may-edad niyang ama. Pinrotektahan din niya ang bunso niyang kapatid na si Benjamin.—Gen. 44:18, 30-34.

15. Paano natupad ang hula tungkol kay Juda?

15 Inihula ni Jacob na si Juda ang mangunguna sa mga kapatid niya. Pero matagal pa bago natupad ang hulang iyan. Mga 200 taon pagkatapos nito, ang tribo ni Juda ang nanguna sa paglalakbay ng Israel sa ilang papunta sa Lupang Pangako. (Bil. 10:14) Sila rin ang nanguna sa pananakop sa Lupang Pangako. (Huk. 1:1, 2) Nagmula rin sa tribong ito ang maraming hari sa Israel, at si David ang una sa mga ito. Pero may iba pang katuparan ang hula tungkol kay Juda.

16. Paano natupad ang hula sa Genesis 49:10? (Tingnan din ang kahong “Mga Hula ni Jacob Bago Siya Mamatay.”)

16 Sinabi ni Jacob na manggagaling sa pamilya ni Juda ang magiging Tagapamahala ng buong sangkatauhan. (Basahin ang Genesis 49:10 at talababa.) Si Jesu-Kristo ang Tagapamahalang iyon, na tinawag ni Jacob na Shilo. Sinabi ng isang anghel tungkol kay Jesus: “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama.” (Luc. 1:32, 33) Tinawag din si Jesus na “Leon mula sa tribo ni Juda.”—Apoc. 5:5.

Mga Hula ni Jacob Bago Siya Mamatay

Si Juda.

Anak

Juda

Hula

“Ang setro ay hindi hihiwalay kay Juda . . . hanggang sa dumating ang Shilo.”—Gen. 49:10.

Katuparan

Si Jesus, isang inapo ni Juda, ang naging Hari ng Kaharian ng Diyos.—Luc. 1:32, 33.

17. Paano natin matutularan ang tingin ni Jehova sa mga lingkod niya?

17 Aral: Pinagpala pa rin ni Jehova si Juda kahit nakagawa ito ng malalaking pagkakamali. Napaisip kaya ang mga kapatid ni Juda kung ano ang nakita ni Jehova sa kaniya? Hindi natin alam. Pero siguradong may nakitang mabubuting bagay si Jehova kay Juda at pinagpala niya ito. Paano natin matutularan si Jehova? Kapag nakatanggap ng pribilehiyo ang isang kapatid, baka maisip natin agad ang mga kahinaan niya. Pero tandaan na natutuwa si Jehova sa magagandang katangian ng isang tao, at doon siya nagpopokus. Iyan din ang gusto nating gawin.

18. Paano natin matutularan ang mga inapo ni Juda?

18 Nakita rin natin dito na kailangan nating matutong maghintay. Sigurado tayong tutuparin ni Jehova ang mga pangako niya. Pero ang hindi natin alam, kung paano at kailan niya iyon tutuparin. Hindi ba, naghintay muna ang mga inapo ni Juda kasi hindi naman sila agad ang nanguna sa bayan ng Diyos? Tapat nilang sinuportahan ang mga inatasan ni Jehova na manguna, gaya nina Moises na Levita, Josue na Efraimita, at Haring Saul na Benjaminita. Gusto rin nating suportahan ang mga inatasan ni Jehova na manguna sa atin ngayon.—Heb. 6:12.

19. Ano ang natutuhan natin kay Jehova sa artikulong ito?

19 Ano ang natutuhan natin sa mga hula ni Jacob sa unang apat niyang anak? “Ang pagtingin ng tao ay hindi gaya ng pagtingin ng Diyos.” (1 Sam. 16:7) Isa pa, matiisin at mapagpatawad si Jehova. Hindi siya natutuwa kapag nakagawa tayo ng masama, pero hindi rin niya inaasahan na magiging perpekto tayo sa ngayon. Pagpapalain pa nga niya ang isang taong nakagawa ng malubhang kasalanan kung tunay itong nagsisisi. Sa susunod na artikulo, pag-uusapan naman natin ang mga hula ni Jacob sa walo pa niyang anak.

ANO ANG NATUTUHAN MO SA SINABI NI JACOB . . .

  • kay Ruben?

  • kina Simeon at Levi?

  • kay Juda?

AWIT BLG. 124 Ipakita ang Katapatan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share