ARALING ARTIKULO 25
AWIT BLG. 96 Ang Aklat ng Diyos—Isang Kayamanan
Mga Aral Mula sa Hula ni Jacob—Bahagi 2
“Binigyan niya sila ng pagpapalang nararapat sa bawat isa.”—GEN. 49:28.
MATUTUTUHAN
Kung ano ang matututuhan natin sa mga hula ni Jacob tungkol sa walo niyang anak.
1. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
NAKAPALIBOT kay Jacob ang mga anak niya. Nakikinig sila habang pinagpapala niya ang bawat isa sa kanila. Sa naunang artikulo, tinalakay natin ang mga sinabi ni Jacob kina Ruben, Simeon, Levi, at Juda. Malamang na nagulat sila sa mga narinig nila, at iniisip nila kung ano ang sasabihin ni Jacob sa walo pa niyang anak. Ano ang matututuhan natin sa mga hula niya tungkol kina Zebulon, Isacar, Dan, Gad, Aser, Neptali, Jose, at Benjamin?a
ZEBULON
2. Ano ang inihula ni Jacob tungkol kay Zebulon, at paano iyan natupad? (Genesis 49:13) (Tingnan din ang kahon.)
2 Basahin ang Genesis 49:13. Inihula ni Jacob na titira sa tabi ng dagat ang mga inapo ni Zebulon. Natupad iyan pagkalipas ng mahigit 200 taon, nang matanggap ng tribo ni Zebulon ang mana nila sa pagitan ng Lawa ng Galilea at Dagat Mediteraneo. Hindi man ito nasa tabi mismo ng dagat, pero malapit naman ito doon. Inihula ni Moises: “Magsaya ka, O Zebulon, sa iyong mga paglalakbay.” (Deut. 33:18) Posibleng nangahulugan ito na magiging madali para sa tribo ni Zebulon na makipagkalakalan kasi malapit sila sa dalawang katubigang iyon. Kaya naging masaya ang tribo ni Zebulon sa naging mana nila.
3. Ano ang makakatulong sa atin na maging kontento?
3 Aral: Saanman tayo nakatira o anuman ang sitwasyon natin, puwede pa rin tayong maging masaya. Pero para patuloy na maging masaya, dapat tayong maging kontento. (Awit 16:6; 24:5) Minsan kasi, mas madaling magpokus sa mga bagay na wala tayo. Kaya sikapin nating magpokus sa kung ano ang mayroon tayo at sa positibo sa sitwasyon natin.—Gal. 6:4.
ISACAR
4. Ano ang inihula ni Jacob tungkol kay Isacar, at paano iyan natupad? (Genesis 49:14, 15) (Tingnan din ang kahon.)
4 Basahin ang Genesis 49:14, 15. Pinuri ni Jacob ang kasipagan ni Isacar. Ikinumpara niya ang anak niya sa isang asnong matitibay ang buto, na kayang magbuhat ng mabibigat na bagay. Sinabi rin niya na maganda ang lupaing matatanggap nito. Paano iyan natupad? Nakatanggap ang tribo ni Isacar ng matabang lupain sa tabi ng Ilog Jordan. (Jos. 19:22) Nagsikap silang alagaan ang lupain nila, at ginawa nila ang makakaya nila para tulungan ang iba. (1 Hari 4:7, 17) Halimbawa, tumulong ang tribo ni Isacar sa mga pakikipaglaban ng Israel, gaya noong panahon ni Hukom Barak at ng propetisang si Debora.—Huk. 5:15.
5. Bakit kailangan nating maging masipag?
5 Aral: Pinahalagahan ni Jehova ang kasipagan ng tribo ni Isacar, at siguradong pinapahalagahan din niya ang kasipagan natin sa paglilingkod. (Ecles. 2:24) Halimbawa, nandiyan ang masisipag na brother na nangangalaga sa kongregasyon. (1 Tim. 3:1) Hindi sila literal na nakikipaglaban. Pero sinisikap nilang protektahan ang espirituwalidad ng kongregasyon. (1 Cor. 5:1, 5; Jud. 17-23) Pinaghahandaan din nilang mabuti ang mga bahagi at pahayag nila para mapatibay ang mga kapatid.—1 Tim. 5:17.
DAN
6. Ano ang atas ng tribo ni Dan? (Genesis 49:17, 18) (Tingnan din ang kahon.)
6 Basahin ang Genesis 49:17, 18. Ikinumpara ni Jacob si Dan sa isang ahas na nakikipaglaban sa mas malalaking kaaway, gaya ng isang kabayo na may sakay na mandirigma. Matapang at handang makipaglaban ang tribo ni Dan. Noong naglalakbay ang bayan ng Israel papunta sa Lupang Pangako, ang tribo ni Dan ang naging “bantay sa likuran ng buong kampo.” (Bil. 10:25) Napakahalaga ng atas na iyan, at ginawa iyan ng tribo ni Dan kahit hindi sila nakikita ng ibang mga tribo.
7. Anuman ang atas natin, ano ang dapat nating tandaan?
7 Aral: May atas ka ba na parang hindi napapansin ng iba, gaya ng paglilinis o pagmamantini ng Kingdom Hall, o pagbo-volunteer kapag may asamblea o kombensiyon? Napakaganda ng ginagawa mo! Tandaan na nakikita at pinapahalagahan ni Jehova ang lahat ng pagsisikap mo. Masayang-masaya siya kapag naglilingkod ka dahil mahal mo siya, at hindi dahil gusto mong papurihan ka ng iba.—Mat. 6:1-4.
GAD
8. Bakit napakadaling salakayin ng mga kaaway ang tribo ni Gad? (Genesis 49:19) (Tingnan din ang kahon.)
8 Basahin ang Genesis 49:19. Inihula ni Jacob na sasalakayin si Gad ng isang grupo ng mga mandarambong. Paano natupad iyan? Pagkalipas ng mahigit 200 taon, tinanggap ng tribo ni Gad ang lupain sa silangan ng Ilog Jordan, na katabi ng mga kaaway ng Israel. Dahil dito, napakadali nilang masalakay ng mga kaaway. Pero gusto ng mga Gadita na tumira doon kasi magandang lugar iyon para sa mga alagang hayop nila. (Bil. 32:1, 5) Lumilitaw na matatapang ang mga Gadita. Pero higit sa lahat, nagtiwala silang tutulungan sila ni Jehova na protektahan ang teritoryo nila. Ipinadala pa nga nila ang mga sundalo nila para tulungan ang ibang mga tribo na masakop ang natitira pang bahagi ng Lupang Pangako sa kanluran ng Jordan. (Bil. 32:16-19) Sa loob ng maraming taon, nagtiwala silang poprotektahan ni Jehova ang mga pamilya nila habang nakikipaglaban sila. Dahil sa sakripisyong ginawa nila, pinagpala sila ni Jehova.—Jos. 22:1-4.
9. Kapag nagtitiwala tayo kay Jehova, paano nito maaapektuhan ang mga desisyon natin?
9 Aral: Kailangan nating magtiwala kay Jehova para makapaglingkod tayo sa kaniya kahit hindi iyon madali. (Awit 37:3) Marami sa mga kapatid natin ngayon ang nagtitiwala kay Jehova. Nagsasakripisyo sila para tumulong sa mga gawaing pagtatayo, maging need-greater, at suportahan ang iba pang teokratikong atas. Ginagawa nila iyan kasi nagtitiwala silang paglalaanan sila ni Jehova.—Awit 23:1.
ASER
10. Ano ang hindi nagawa ng tribo ni Aser? (Genesis 49:20) (Tingnan din ang kahon.)
10 Basahin ang Genesis 49:20. Inihula ni Jacob na magiging mayaman ang tribo ni Aser, at iyon nga ang nangyari. Napakataba ng ilan sa mga lupaing minana ng tribo ni Aser. (Deut. 33:24) Nasa tabi ito ng Dagat Mediteraneo, at sakop nila ang maunlad na daungang lunsod ng Sidon. Pero hindi nila napaalis ang mga Canaanita sa teritoryo nila. (Huk. 1:31, 32) Dahil sa impluwensiya ng mga Canaanita at sa kayamanan ng tribo ni Aser, posibleng nabawasan ang sigasig nila para sa tunay na pagsamba. Hindi nila tinulungan si Hukom Barak nang humingi siya ng suporta para labanan ang mga hukbo ng Canaan. Kaya napalampas nila ang pagkakataong makita ang mga ginawa ni Jehova para magtagumpay ang mga Israelita “sa tabi ng ilog ng Megido.” (Huk. 5:19-21) Siguradong napahiya sila nang marinig nilang kinanta nina Barak at Debora: “Ang Aser ay naupong walang ginagawa sa tabing-dagat.”—Huk. 5:17.
11. Bakit hindi dapat maging pinakamahalaga sa buhay natin ang pera?
11 Aral: Gusto nating ibigay ang buo nating makakaya para kay Jehova. Para magawa iyan, huwag nating tularan ang pananaw ng mundo sa pera. (Kaw. 18:11) Kailangan natin ang pera, pero hindi ito ang pinakamahalaga sa buhay natin. (Ecles. 7:12; Heb. 13:5) Kaya hindi natin uubusin ang lakas at oras natin para sa materyal na mga bagay. Gusto nating ibigay ang best natin sa paglilingkod kay Jehova ngayon. Alam kasi natin na bibigyan niya tayo ng komportableng buhay sa hinaharap.—Awit 4:8.
NEPTALI
12. Paano natupad ang hula ni Jacob tungkol kay Neptali? (Genesis 49:21) (Tingnan din ang kahon.)
12 Basahin ang Genesis 49:21. Inihula ni Jacob na bibigkas si Neptali ng “marikit na pananalita.” Posibleng tumutukoy ito sa husay ng pangangaral ni Jesus dito sa lupa. Matagal siyang nanirahan sa Capernaum, na nasa teritoryo ng tribo ni Neptali. Kaya masasabing ginawa niya itong “sarili niyang lunsod.” (Mat. 4:13; 9:1; Juan 7:46) Inihula rin ni Isaias na magiging “matinding liwanag” si Jesus para sa mga tribo nina Zebulon at Neptali. (Isa. 9:1, 2) Dahil sa mga turo ni Jesus, siya ang naging “tunay na liwanag na nagbibigay ng liwanag sa bawat uri ng tao.”—Juan 1:9.
13. Paano natin masisigurado na napapasaya natin si Jehova sa mga sinasabi natin?
13 Aral: Mahalaga kay Jehova ang mga sinasabi natin at kung paano natin iyon sinasabi. Kaya paano natin gagawing ‘marikit ang pananalita’ natin para mapasaya si Jehova? Nagsasabi tayo ng totoo. (Awit 15:1, 2) Nagbibigay rin tayo ng komendasyon para mapatibay ang iba at iniiwasan nating magreklamo. (Efe. 4:29) Sinisikap din nating maging mas mahusay sa pagpapasimula ng pakikipag-usap para makapangaral sa iba.
JOSE
14. Paano natupad ang hula tungkol kay Jose? (Genesis 49:22, 26) (Tingnan din ang kahon.)
14 Basahin ang Genesis 49:22, 26. Si Jose ang panganay na anak ni Jacob sa pinakamamahal nitong asawa na si Raquel. Tinawag siya ni Jacob na “sanga ng isang mabungang puno.” Si Jacob ang puno, at si Jose ang sanga. Siguradong ipinagmamalaki ni Jacob si Jose kasi “pinili [siya ni Jehova] mula sa mga kapatid niya.” Inihula ni Jacob na dobleng bahagi ng mana ang tatanggapin ni Jose. Si Ruben sana ang may karapatan sa manang ito kasi siya ang panganay ni Jacob sa asawa nitong si Lea, pero naiwala niya ang karapatang iyon. (Gen. 48:5, 6; 1 Cro. 5:1, 2) Paano natupad ang hulang ito? Parehong naging tribo ng Israel ang mga anak ni Jose na sina Efraim at Manases. At tumanggap sila ng mga lupain bilang mana.—Gen. 49:25; Jos. 14:4.
15. Ano ang reaksiyon ni Jose nang makaranas siya ng kawalang-katarungan?
15 Sinabi rin ni Jacob na may “mga mamamanà at pinana nila [si Jose] at patuloy silang nagkikimkim ng galit sa kaniya.” (Gen. 49:23) Tumutukoy iyan sa mga kapatid ni Jose na nainggit sa kaniya at naging dahilan ng mga kawalang-katarungang naranasan niya noon. Pero hindi nagalit si Jose sa mga kapatid niya o kay Jehova. Ito ang sinabi ni Jacob tungkol kay Jose: “Laging matatag na nakaposisyon ang kaniyang pana, at ang mga kamay niya ay nanatiling malakas at maliksi.” (Gen. 49:24) Nagtiwala siya kay Jehova noong nasa mahihirap siyang sitwasyon. Pinatawad din niya ang mga kapatid niya at naging mabait pa nga siya sa kanila. (Gen. 47:11, 12) Naging mas mabuting tao si Jose dahil sa mga naranasan niya. (Awit 105:17-19) Dahil dito, ginamit siya ni Jehova sa mahahalagang atas.
16. Paano natin matutularan si Jose?
16 Aral: Huwag nating hayaang masira ng mga problema ang kaugnayan natin kay Jehova o sa mga kapatid. Tandaan na puwedeng gamitin ni Jehova ang mga problema para sanayin tayo. (Heb. 12:7, tlb.) Makakatulong iyan para mas maipakita natin ang mga katangian niya, gaya ng pagiging maawain at mapagpatawad. (Heb. 12:11) Siguradong pagpapalain tayo ni Jehova kung magtitiis tayo, gaya ng ginawa niya kay Jose.
BENJAMIN
17. Paano natupad ang hula ni Jacob tungkol kay Benjamin? (Genesis 49:27) (Tingnan din ang kahon.)
17 Basahin ang Genesis 49:27. Inihula ni Jacob na magiging mahusay sa pakikipaglaban ang mga Benjaminita, gaya ng isang lobo. (Huk. 20:15, 16; 1 Cro. 12:2) “Sa umaga,” o nang magsimula ang kaharian ng Israel, nanggaling sa tribo ni Benjamin ang unang hari nito, si Saul. Buong tapang siyang nakipaglaban sa mga Filisteo. (1 Sam. 9:15-17, 21) “Sa gabi” naman ng kasaysayan ng kaharian, nailigtas ang mga Israelita dahil kay Reyna Esther at sa punong ministro na si Mardokeo, na mga Benjaminita.—Es. 2:5-7; 8:3; 10:3.
18. Paano natin matutularan ang katapatan ng mga Benjaminita sa mga kaayusan ni Jehova?
18 Aral: Siguradong masayang-masaya ang mga Benjaminita nang maging hari si Saul. Pero inatasan ni Jehova si David, na mula sa tribo ni Juda, para pumalit kay Saul. Di-nagtagal, sinuportahan din iyon ng buong tribo ni Benjamin. (2 Sam. 3:17-19) Makalipas ang maraming taon, nang magrebelde ang ibang mga tribo, nanatiling tapat ang mga Benjaminita sa tribo ni Juda at sa inatasang hari ni Jehova. (1 Hari 11:31, 32; 12:19, 21) Tapat din sana nating suportahan ang mga pinili ni Jehova na manguna sa bayan niya ngayon.—1 Tes. 5:12.
19. Paano makakatulong sa atin ang mga hula ni Jacob?
19 Sa dalawang artikulong natalakay natin, nakita natin kung paano natupad ang mga hula ni Jacob. Dahil diyan, mas nagtitiwala tayo na tutuparin ni Jehova ang mga pangako niya. Nalaman din natin kung paano natin mas mapapasaya si Jehova. Talagang napakalaking tulong sa atin ng mga hula ni Jacob bago siya mamatay.
AWIT BLG. 128 Magtiis Hanggang sa Wakas
a Pinagpala ni Jacob sina Ruben, Simeon, Levi, at Juda ayon sa pagkakasunod-sunod ng pagkakapanganak sa kanila. Pero nang pagpalain niya ang walo pa niyang natitirang anak, hindi na iyon ayon sa pagkakasunod-sunod nila.