Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Hulyo p. 8-13
  • Paano Tayo Magbibigay ng Payo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Tayo Magbibigay ng Payo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KAPAG MAY HUMIHINGI NG PAYO
  • KAPAG KAILANGANG MAGPAYO KAHIT HINDI ITO HINIHINGI
  • MAGPAYO SA TAMANG PANAHON AT TAMANG PARAAN
  • PATULOY NA MAGBIGAY AT TUMANGGAP NG PAYO
  • Bakit Kailangan Nating Humingi ng Payo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • ‘Nagpapasaya Ba sa Puso’ ang Payo Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • “Makinig sa mga Salita ng Marurunong”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Paano Ka Nagbibigay ng Payo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Hulyo p. 8-13

ARALING ARTIKULO 29

AWIT BLG. 87 Halikayo at Guminhawa!

Paano Tayo Magbibigay ng Payo?

“Papayuhan kita habang nakatingin ako sa iyo.”—AWIT 32:8.

MATUTUTUHAN

Kung paano tayo magiging mahusay sa pagpapayo.

1. Sino ang kailangang magbigay ng payo? Ipaliwanag.

NASUBUKAN mo na bang magbigay ng payo? Madali iyan para sa ilan. May iba naman na nahihirapang magbigay ng payo kasi natatakot sila o nahihiya. Pero lahat tayo, kailangang magpayo sa iba. Bakit? Sinabi kasi ni Jesus na makikilala ang mga tunay na tagasunod niya sa pag-ibig nila sa isa’t isa. (Juan 13:35) Maipapakita natin ang pag-ibig na iyan sa mga kapatid kung papayuhan natin sila kapag kailangan. Sinasabi ng Bibliya na ‘ang pagkakaibigan ay pinapatibay ng taimtim na pagpapayo.’—Kaw. 27:9.

2. Ano ang kailangang magawa ng mga elder, at bakit? (Tingnan din ang kahong “Pagpapayo sa mga Midweek Meeting.”)

2 Kailangang maging mahusay ang mga elder sa pagpapayo. Inatasan kasi sila ni Jehova at ni Jesus na pastulan ang kongregasyon. (1 Ped. 5:2, 3) Paano nila pinapastulan ang kongregasyon? Kapag nagpapahayag sila, nagbibigay sila ng mga payo mula sa Bibliya. Personal din nila tayong pinapayuhan kapag kailangan. Ganiyan din ang ginagawa nila para sa mga napalayo sa kongregasyon. Kaya paano magiging mahusay sa pagpapayo ang mga elder, pati na tayong lahat?

Ang chairman sa midweek meeting habang nagbibigay ng komendasyon at payo sa isang estudyante gamit ang brosyur na “Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo.”

Pagpapayo sa mga Midweek Meeting

Pinapayuhan ng chairman sa midweek meeting ang mga estudyanteng may bahagi. Inoobserbahang mabuti ng chairman kung paano ginawa ng estudyante ang atas niya.

Pagkatapos ng bahagi, nagbibigay ng espesipikong komendasyon ang chairman. At kung kailangan, mabait ding papayuhan ng chairman ang estudyante kung ano ang puwede pa niyang mapasulong sa araling nakaatas sa kaniya. Makakatulong din ang mga payo na iyan sa kongregasyon.—Kaw. 27:17.

3. (a) Paano tayo magiging mahusay sa pagpapayo? (Isaias 9:6; tingnan din ang kahong “Tularan si Jesus Kapag Nagpapayo.”) (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Marami tayong matututuhan sa mga karakter sa Bibliya pagdating sa pagpapayo. Napakagandang halimbawa diyan ni Jesus. Tinawag siyang “Kamangha-manghang Tagapayo.” (Basahin ang Isaias 9:6.) Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang puwede nating gawin kapag may humihingi sa atin ng payo. Tatalakayin din natin ang puwedeng gawin kapag kailangan nating payuhan ang isang tao kahit hindi siya humihingi nito. Pag-uusapan din natin kung bakit mahalagang magpayo sa tamang panahon at tamang paraan.

Tularan si Jesus Kapag Nagpapayo

Tingnan kung bakit tinawag si Jesus na “Kamangha-manghang Tagapayo,” at kung paano natin siya matutularan.

  • Alam ni Jesus ang sasabihin niya. Laging nakabase ang mga payo niya sa karunungan ni Jehova kaya alam niya ang dapat niyang sabihin. Sinabi niya sa mga alagad niya: “Ang mga sinasabi ko sa inyo ay hindi mula sa sarili ko.”—Juan 14:10.

    Aral: Kahit makaranasan tayo at matalino, dapat na lagi pa ring nakabase sa Bibliya ang mga payo natin.

  • Alam ni Jesus kung kailan siya magpapayo. Hindi niya pinaulanan ng impormasyon ang mga alagad niya. Naghintay siya ng tamang pagkakataon para payuhan sila. At sinabi lang niya ang mga bagay na kaya nilang maintindihan.—Juan 16:12.

    Aral: Hintayin ang tamang “panahon ng pagsasalita.” (Ecles. 3:7) Kung sobrang dami ng sasabihin natin sa papayuhan natin, baka malito lang siya at panghinaan ng loob. Kaya kung papayuhan natin siya, sabihin lang ang kailangan niyang malaman—ang talagang makakatulong sa sitwasyon niya.

  • Nirerespeto ni Jesus ang mga pinapayuhan niya. Paulit-ulit na pinayuhan ni Jesus ang mga apostol niya na maging mapagpakumbaba. At kapag ginagawa niya iyon, mabait siya at ipinaparamdam niya sa kanila na nirerespeto niya sila.—Mat. 18:1-5.

    Aral: Kung kailangan nating paulit-ulit na magpayo sa isang kapatid, mas tatanggapin niya ang payo natin kung mabait pa rin tayo at ipinaparamdam natin na nirerespeto natin siya.

KAPAG MAY HUMIHINGI NG PAYO

4-5. Kapag may humihingi sa atin ng payo, ano muna ang dapat nating pag-isipan? Magbigay ng sitwasyon.

4 Ano ang reaksiyon natin kapag may humihingi sa atin ng payo? Baka matuwa tayo at magpayo agad kasi gusto nating makatulong. Pero magandang pag-isipan muna ito: ‘Sapat ba ang kaalaman at karanasan ko para magpayo sa kaniya?’ Kasi kung hindi, baka hindi rin makatulong ang sasabihin natin sa kaniya. Baka mas makatulong pa tayo kung hahanap tayo ng ibang magpapayo na mas may alam o karanasan sa sitwasyon niya.

5 Pag-isipan ito: Nagkaroon ng malalang sakit ang best friend mo. Sinabi niya sa iyo na nakapag-research na siya tungkol sa iba’t ibang paggamot na pinagpipilian niya. Pagkatapos, tinanong ka niya kung alin doon ang tingin mong pinakamakakatulong sa kaniya. Baka may magustuhan ka nga sa mga sinabi niya. Pero hindi ka doktor at wala kang pagsasanay sa bagay na iyon. Ano ang pinakamaganda mong magagawa? Puwede kang maghanap ng taong nakapag-aral at may pagsasanay sa paggamot sa sakit niya.

6. Bakit mas makakabuti kung hindi tayo agad magpapayo?

6 Pero paano kung pakiramdam natin, makakapagbigay tayo ng payo na makakatulong sa sitwasyon ng kaibigan natin? Baka mas makakabuti kung hindi pa rin tayo magpapayo agad sa kaniya. Bakit? Sinasabi sa Kawikaan 15:28 na ang “matuwid ay nag-iisip muna bago sumagot.” Kaya kahit sa tingin natin, alam na natin ang ipapayo sa kaniya, mas magandang mag-research muna, manalangin, at pag-isipang mabuti ang sasabihin natin. Kapag ginawa natin ang mga iyan, makakasigurado tayong kaayon ng kaisipan ni Jehova ang payo natin. Tingnan ang nangyari sa propetang si Natan.

7. Ano ang natutuhan mo sa propetang si Natan?

7 Sinabi ni Haring David sa propetang si Natan na gusto niyang magtayo ng templo para kay Jehova. Sumagot agad si Natan at sinang-ayunan siya. Pero dapat sana, nagtanong muna si Natan kay Jehova. Bakit? Hindi kasi si David ang gusto ni Jehova na magtayo ng templo. (1 Cro. 17:1-4) Ano ang aral? Kapag may humihingi sa atin ng payo, mas magandang maging “mabagal sa pagsasalita.”—Sant. 1:19.

8. Ano pa ang isang dahilan kung bakit dapat tayong maging maingat sa pagpapayo?

8 May isa pang dahilan kung bakit dapat tayong maging maingat sa pagpapayo. Kapag hindi maganda ang naging resulta ng desisyon ng isang tao dahil sa payo natin, puwede tayong masisi. Kaya dapat talagang mag-isip muna tayo nang mabuti bago magpayo.

KAPAG KAILANGANG MAGPAYO KAHIT HINDI ITO HINIHINGI

9. Bago magpayo ang mga elder, ano muna ang dapat nilang siguraduhin? (Galacia 6:1)

9 May mga pagkakataong kailangang payuhan ng mga elder ang isang kapatid na nakagawa ng “maling hakbang.” (Basahin ang Galacia 6:1.) Sinasabi sa study note ng tekstong iyan na “papunta [na ang kapatid na iyon] sa maling direksiyon, pero posibleng hindi pa naman siya nakakagawa ng seryosong kasalanan.” Kaya gusto ng mga elder na tulungan siyang manatili sa tamang landas at mabuhay nang walang hanggan. (Sant. 5:19, 20) Pero bago sila magpayo, dapat muna nilang siguraduhin kung nakagawa nga siya ng maling hakbang. Alam ng mga elder na lahat tayo, puwedeng gumawa ng sariling desisyon. At kahit iba ang maging desisyon ng isang kapatid sa naiisip nila, hindi ibig sabihin nito na mali na iyon. (Roma 14:1-4) Pero paano kung nakagawa nga talaga ng maling hakbang ang isang kapatid at kailangan siyang payuhan ng mga elder?

10-12. Ano ang mga kailangang gawin ng mga elder kapag magpapayo sa mga hindi humihingi nito? Magbigay ng ilustrasyon. (Tingnan din ang mga larawan.)

10 Hindi laging madali para sa mga elder na magpayo lalo na kapag hindi ito hinihingi sa kanila. Bakit? Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, posibleng makagawa ng maling hakbang ang isang tao nang hindi niya namamalayan. Kaya kung papayuhan siya ng mga elder, baka hindi niya maintindihan kung bakit siya pinapayuhan. Kaya bago sila magpayo, kailangan nilang siguraduhin na matatanggap ng kakausapin nila ang payo nila.

11 Parang pagtatanim sa matigas na lupa ang pagpapayo sa isang tao na hindi humihingi nito. Bago magtanim ang magsasaka, kailangan muna niyang bungkalin ang lupa para mapalambot ito. At saka lang siya magtatanim ng buto. Pagkatapos, didiligan niya ito. Ganiyan din ang ginagawa ng isang elder kapag magpapayo siya sa isang tao na hindi humihingi ng payo. Una, “ihahanda niya ang lupa”—sisiguraduhin niyang madaling matatanggap ng kausap niya ang payo niya. Halimbawa, hahanap siya ng magandang pagkakataon para makausap ang kapatid. Sisiguraduhin niyang mararamdaman ng kausap niya na concerned siya. Kung kilalang mabait ang isang elder, mas madaling matatanggap ang payo niya.

12 Kapag nag-uusap na sila, may magagawa pa rin ang elder para hindi mahirapan ang kapatid na tanggapin ang payo niya. Ano iyon? Puwede niyang sabihin na ang lahat, nagkakamali at kailangan ng payo paminsan-minsan. (Roma 3:23) Kalmadong makikipag-usap ang elder at ipaparamdam sa kausap niya na nirerespeto niya ito. Gagamitin ng elder ang Bibliya para ipakita ang maling hakbang na nagawa ng kapatid. Kapag tinanggap ng kapatid na nagkamali siya, “magtatanim” na ang elder. Ipapaliwanag niya nang malinaw kung ano ang dapat gawin ng kapatid. At kapag kinomendahan ng elder ang kapatid at nanalanging kasama nito, para na rin siyang nagdidilig.—Sant. 5:15.

Pagkakapareho ng isang elder na nagpapayo sa isang brother at ng isang magsasaka na nagtatanim sa matigas na lupa. 1. Ihanda ang lupa: Binubungkal ng magsasaka ang lupa; mabait na kinakausap ng elder ang brother. 2. Magtanim: Nagtatanim ng buto ang magsasaka sa nabungkal na lupa; ginagamit ng elder ang Bibliya sa pagpapayo sa brother. 3. Magdilig: Dinidiligan ng magsasaka ang naitanim niya; nananalangin ang elder kasama ang brother.

Ipinaparamdam ng mga elder na mahal nila ang pinapayuhan nila, at gumagawa sila ng paraan para madali niya itong matanggap (Tingnan ang parapo 10-12)


13. Paano masisigurado ng mga elder na talagang naiintindihan ng kausap nila ang payo?

13 Kung minsan, iba ang ibig sabihin ng nagpapayo sa naintindihan ng pinapayuhan. Paano iyan maiiwasan ng mga elder? Sa mabait at mataktikang paraan, puwede silang gumamit ng mga tanong para malaman kung talagang naiintindihan ng kapatid ang payo nila at alam niya ang dapat niyang gawin.—Ecles. 12:11.

MAGPAYO SA TAMANG PANAHON AT TAMANG PARAAN

14. Bakit hindi tayo dapat magpayo kapag galit tayo?

14 Walang taong perpekto. Kaya posibleng may masabi o magawa ang iba na hindi natin magustuhan. (Col. 3:13) Sinasabi ng Bibliya na posible pa nga tayong mainis o magalit dahil diyan. (Efe. 4:26) Pero hindi tayo dapat magpayo kapag galit tayo, “dahil ang galit ng tao ay hindi nagbubunga ng katuwiran ng Diyos.” (Sant. 1:20) Kung magpapayo tayo kapag galit tayo, baka lumala lang ang sitwasyon. Pero hindi ibig sabihin nito na hindi na natin dapat sabihin ang iniisip at nararamdaman natin sa taong iyon. Kailangan lang muna nating maghintay at maging kalmado bago magpayo. Tingnan ang magandang halimbawa ng nagpayo kay Job, si Elihu.

15. Ano ang matututuhan natin kay Elihu? (Tingnan din ang larawan.)

15 Ilang araw na nakinig si Elihu habang ipinagtatanggol ni Job ang sarili niya sa mga akusasyon ng mga kasamahan niya. Talagang naawa si Elihu sa kaniya. Pero nagalit din si Elihu kay Job kasi may mga maling bagay itong sinabi tungkol kay Jehova habang nagpapaliwanag ito. Pero kahit ganoon, naghintay muna si Elihu bago magsalita. Kalmado siyang nagpayo kay Job at ipinaramdam niyang nirerespeto niya ito. (Job 32:2; 33:1-7) Napakaganda ng matututuhan natin kay Elihu pagdating sa pagpapayo: Maghintay ng tamang panahon, at iparamdam ang respeto at pagmamalasakit sa pinapayuhan mo.—Ecles. 3:1, 7.

Matiyagang nakikinig si Elihu kay Job, na puno ng bukol ang katawan.

Nagalit din noong una si Elihu, pero mabait pa rin siyang nagpayo kay Job at ipinaramdam niyang nirerespeto niya ito (Tingnan ang parapo 15)


PATULOY NA MAGBIGAY AT TUMANGGAP NG PAYO

16. Ano ang matututuhan natin sa Awit 32:8?

16 Sinasabi ng temang teksto ng artikulong ito na ‘papayuhan tayo ni Jehova habang nakatingin siya sa atin.’ (Basahin ang Awit 32:8.) Kaya alam nating patuloy tayong tuturuan ni Jehova. Hindi lang siya magbibigay ng payo; tutulungan din niya tayong sundin iyon. Kaya tularan natin si Jehova kapag may pagkakataon tayong magpayo sa isang tao. Patuloy natin siyang patibayin at tulungang makagawa ng magagandang desisyon.

17. Ano ang nararamdaman natin kapag nagbibigay ang mga elder ng payo na espesipiko at mula sa Bibliya? (Isaias 32:1, 2)

17 Talagang kailangan natin ngayon na magbigay at tumanggap ng magagandang payo. (2 Tim. 3:1) Kapag nagbibigay ang mga elder ng payo na espesipiko at mula sa Bibliya, para silang “mga batis sa lupaing walang tubig.” (Basahin ang Isaias 32:1, 2.) Nagpapasalamat din tayo sa mga kaibigan nating sinasabi ang payo na kailangan nating marinig, at hindi lang ang gusto nating marinig. “Gaya ng mga gintong mansanas sa lalagyang pilak” ang mga payo nila. (Kaw. 25:11) Kaya patuloy sana nating matutuhan kung paano magbibigay at tatanggap ng magagandang payo.

ANO ANG DAPAT NATING TANDAAN KAPAG . . .

  • may humihingi sa atin ng payo?

  • kailangan nating magpayo kahit hindi ito hinihingi?

  • galit tayo?

AWIT BLG. 109 Umibig Nang Masidhi Mula sa Puso

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share