Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Hulyo p. 2-7
  • Bakit Kailangan Nating Humingi ng Payo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Kailangan Nating Humingi ng Payo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANONG KATANGIAN ANG KAILANGAN KO?
  • SINO ANG MAKAKAPAGBIGAY SA AKIN NG MAGANDANG PAYO?
  • PAANO KO MAIPAPAKITANG GUSTO KO TALAGANG TUMANGGAP NG PAYO?
  • PUWEDE BANG IBA ANG MAGDESISYON PARA SA AKIN?
  • PATULOY NA HUMINGI NG PAYO
  • Paano Tayo Magbibigay ng Payo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Matuto Mula sa mga Huling Habilin ng Tapat na mga Lalaki
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Hulyo p. 2-7

ARALING ARTIKULO 28

AWIT BLG. 88 Ipaalam Mo sa Akin ang Iyong mga Daan

Bakit Kailangan Nating Humingi ng Payo?

“Ang marurunong ay humihingi ng payo.”—KAW. 13:10.

MATUTUTUHAN

Kung ano ang dapat nating gawin para makinabang sa payo.

1. Para makagawa ng magagandang desisyon at magtagumpay ang mga plano natin, ano ang kailangan nating gawin? (Kawikaan 13:10; 15:22)

GUSTO nating lahat na makagawa ng magagandang desisyon at na magtagumpay ang mga plano natin. Sinasabi ng Bibliya kung paano natin magagawa ang mga iyan.—Basahin ang Kawikaan 13:10; 15:22.

2. Ano ang ipinapangako ni Jehova sa atin?

2 Sino ang makakapagbigay sa atin ng pinakamagandang payo? Wala nang iba kundi ang Ama natin, si Jehova. Kaya kailangan nating manalangin at humingi ng karunungan sa kaniya. Nangangako siya: “Papayuhan kita habang nakatingin ako sa iyo.” (Awit 32:8) Ipinapakita niyan na hindi lang tayo bibigyan ni Jehova ng payo—interesado siya sa atin at tutulungan niya tayong masunod ang payo niya.

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Sa artikulong ito, gagamitin natin ang Bibliya para sagutin ang apat na tanong na ito: (1) Anong katangian ang kailangan ko para matanggap ang isang payo? (2) Sino ang makakapagbigay sa akin ng magandang payo? (3) Paano ko maipapakitang gusto ko talagang tumanggap ng payo? (4) Bakit hindi dapat iba ang magdesisyon para sa akin?

ANONG KATANGIAN ANG KAILANGAN KO?

4. Para makinabang sa mga payo, anong katangian ang kailangan natin?

4 Kailangan nating maging mapagpakumbaba para makinabang sa mga payo. Kailangan nating tanggapin na baka kulang pa tayo sa karanasan o na hindi natin alam ang lahat, kaya kailangan natin ang tulong ng iba. Hindi tayo matutulungan ni Jehova kung mapagmataas tayo. Baka maisip natin na hindi natin kailangang sundin ang mga payo sa Bibliya. (Mik. 6:8; 1 Ped. 5:5) Pero kung mapagpakumbaba tayo, tatanggapin at susundin natin agad ang mga payo mula sa Bibliya.

5. Bakit posibleng maging mapagmataas si Haring David?

5 Tingnan natin ang halimbawa ni Haring David. Marami siyang dahilan para maging mapagmataas. Bago pa siya maging hari, kilala na siya sa husay niya sa musika. Ipinatawag pa nga siya para tumugtog sa harap ng hari. (1 Sam. 16:18, 19) Pinili siya ni Jehova na maging susunod na hari at binigyan ng banal na espiritu. (1 Sam. 16:11-13) Sumikat siya dahil sa husay niya sa pakikipaglaban. Napatay pa nga niya ang higanteng si Goliat. (1 Sam. 17:37, 50; 18:7) Kung mapagmataas si David, iisipin niyang mahusay na siya at hindi na niya kailangang humingi ng payo sa iba. Pero hindi siya ganiyan.

6. Paano natin nalaman na handang tumanggap ng payo si David? (Tingnan din ang larawan.)

6 Nang hari na si David, pumili siya ng mga kaibigang makakapagbigay sa kaniya ng magagandang payo. (1 Cro. 27:32-34) Ang totoo, kahit noong hindi pa siya hari, nakikinig na siya sa payo ng iba. Nakikinig din siya sa payo ng mga babae, gaya ni Abigail. Siya ang asawa ni Nabal, isang lalaking walang galang, mayabang, at walang utang na loob. Dahil mapagpakumbaba si David, sinunod niya ang payo ni Abigail at hindi siya napahamak.—1 Sam. 25:2, 3, 21-25, 32-34.

Si Haring David na nakikinig kay Abigail, habang nakaupo ito sa lupa at nagmamakaawa.

Mapagpakumbaba si Haring David kaya nakinig siya sa payo ni Abigail (Tingnan ang parapo 6)


7. Ano ang matututuhan natin kay David? (Eclesiastes 4:13) (Tingnan din ang mga larawan.)

7 May matututuhan tayo kay David. Halimbawa, baka mahusay tayo sa isang bagay o may awtoridad tayo. Huwag nating isipin na alam na natin ang lahat at na hindi na natin kailangan ng payo. At gaya ni David, dapat nating tanggapin ang mabuting payo, kahit sino pa ang magbigay nito. (Basahin ang Eclesiastes 4:13.) Kung gagawin natin iyan, maiiwasan nating makagawa ng di-magagandang desisyon na makakaapekto sa atin at sa iba.

Collage: 1. Apat na elder na nagmi-meeting. Masakit magsalita ang isa sa kanila. 2. Pagkatapos nito, isang mas batang elder na nandoon din sa meeting ang kumausap sa kaniya sa loob ng kotse nang sila lang.

Dapat nating tanggapin ang mabuting payo, kahit sino pa ang magbigay nito (Tingnan ang parapo 7)c


SINO ANG MAKAKAPAGBIGAY SA AKIN NG MAGANDANG PAYO?

8. Bakit makakapagbigay si Jonatan ng magandang payo kay David?

8 May isa pa tayong matututuhan kay David. Nakinig siya sa mga taong malapít kay Jehova at may karanasan sa sitwasyong kinakaharap niya. Halimbawa, gusto ni David na makipag-ayos kay Haring Saul. Kaya humingi siya ng payo sa anak nito, si Jonatan. Bakit nakapagbigay ng magandang payo si Jonatan? May maganda kasi siyang kaugnayan kay Jehova at kilalang-kilala rin niya si Saul. (1 Sam. 20:9-13) Paano natin matutularan si David?

9. Kanino tayo dapat humingi ng payo? Magbigay ng halimbawa. (Kawikaan 13:20)

9 Kung kailangan natin ng payo, mas mabuti kung hihingin natin ito sa mga may malapít na kaugnayan kay Jehova at may karanasan sa sitwasyong kinakaharap natin.a (Basahin ang Kawikaan 13:20.) Halimbawa, may isang brother na naghahanap ng mapapangasawa. Sino ang makakapagbigay sa kaniya ng magandang payo? Makakatulong naman sa kaniya ang payo ng isang kaibigan na single kung gagamit ito ng mga prinsipyo sa Bibliya. Pero makakatanggap siya ng mas espesipiko at praktikal na payo kung lalapit siya sa isang mag-asawa na kilalang-kilala siya at matagal nang naglilingkod kay Jehova nang magkasama.

10. Ano ang susunod nating tatalakayin?

10 Nalaman natin kung anong katangian ang kailangan para makinabang sa payo at kung sino ang makakapagbigay nito sa atin. Tatalakayin naman natin ngayon kung paano natin maipapakitang gusto talaga nating tumanggap ng payo at kung bakit hindi dapat iba ang magdesisyon para sa atin.

PAANO KO MAIPAPAKITANG GUSTO KO TALAGANG TUMANGGAP NG PAYO?

11-12. (a) Ano ang dapat nating iwasan kapag humihingi ng payo? (b) Ano ang ginawa ni Haring Rehoboam nang may kailangan siyang pagdesisyunan?

11 Kung minsan, baka humihingi ng payo ang isang tao, pero ang totoo, nakapagdesisyon na siya. Gusto lang talaga niyang may sumang-ayon sa kaniya. Kapag ganiyan ang ginawa niya, hindi talaga niya gustong tumanggap ng payo. Pansinin ang nangyari kay Haring Rehoboam.

12 Si Rehoboam ang pumalit kay Solomon bilang hari ng Israel. Mayaman ang Israel noong maging hari si Rehoboam. Pero naramdaman ng bayan na masyadong maraming hinihiling noon si Solomon sa kanila. Kaya nakiusap sila kay Rehoboam na bawasan ang trabaho nila. Sinabi ni Rehoboam na pag-iisipan niya muna iyon. Maganda ang ginawa niya noong una kasi humingi siya ng payo sa matatandang lalaki na tumulong kay Solomon. (1 Hari 12:2-7) Pero hindi siya nakinig sa payo nila. Bakit? Posible kayang may desisyon na si Rehoboam, at naghahanap lang siya ng sasang-ayon sa kaniya? Kung oo, malamang na iyan ang dahilan kung bakit tinanggap niya ang payo ng mga kaibigan niyang lumaking kasama niya. (1 Hari 12:8-14) Dahil sinunod ni Rehoboam ang payo nila, nagrebelde ang mga tao at nahati ang bansa. Mula noon, lagi nang may gulo sa pamamahala ni Rehoboam.—1 Hari 12:16-19.

13. Paano natin malalaman na gusto talaga nating tumanggap ng payo?

13 Ano ang natutuhan natin kay Rehoboam? Kapag humihingi tayo ng payo, dapat handa tayong tanggapin iyon. Paano natin malalaman na gusto talaga nating tumanggap ng payo? Tanungin ang sarili, ‘Kapag humihingi ako ng payo, binabale-wala ko ba iyon kapag hindi iyon ang gusto kong marinig?’ Tingnan natin ang isang halimbawa.

14. Ano ang dapat nating tandaan kapag humihingi ng payo? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang larawan.)

14 Pag-isipan ang sitwasyong ito: Inalukan ng magandang trabaho ang isang brother. Bago niya iyon tanggapin, humingi siya ng payo sa isang elder. Sinabi niya sa elder na madalas niyang maiiwan ang pamilya niya kapag tinanggap niya ang trabahong iyon at matagal ulit bago siya makakabalik. Pinayuhan siya ng elder. Ipinaalala nito sa kaniya ang prinsipyo sa Bibliya na ang pangunahin niyang dapat ilaan ay ang espirituwal na pangangailangan ng pamilya niya. (Efe. 6:4; 1 Tim. 5:8) Hindi iyon nagustuhan ng brother. Kaya nagtanong siya sa ibang kapatid sa kongregasyon hanggang sa may magsabi sa kaniya na okey lang tanggapin ang trabahong iyon. Humihingi ba talaga siya ng payo, o nakapagdesisyon na siya at naghahanap lang ng kakampi? Huwag nating kakalimutan na ang puso natin ay mapandaya. (Jer. 17:9) Tandaan na minsan, ang payo na pinakakailangan natin ay ang payo na ayaw nating marinig.

Isang sister na humihingi ng payo sa iba’t ibang kapatid. Isa-isa niya silang hiningan ng payo pero wala siyang nagustuhan sa mga payo nila.

Humihingi ba talaga tayo ng payo, o naghahanap lang tayo ng sasang-ayon sa atin? (Tingnan ang parapo 14)


PUWEDE BANG IBA ANG MAGDESISYON PARA SA AKIN?

15. Ano ang dapat nating iwasan, at bakit?

15 Inaasahan ni Jehova na tayo ang gagawa ng sarili nating desisyon. (Gal. 6:4, 5) Gaya ng natalakay na natin, mahalagang humingi ng payo sa Bibliya at sa mga matured na Kristiyano bago magdesisyon. Pero dapat nating iwasang iba ang magdesisyon para sa atin. May ilan kasi na iyan ang ginagawa. Halimbawa, tinatanong ng ilan ang isang taong nirerespeto nila, “Ano ang gagawin mo kung ikaw ang nasa sitwasyon ko?” May iba naman na ginagaya lang ang naging desisyon ng iba nang hindi na iyon pinag-iisipang mabuti.

16. Anong desisyon ang kailangang gawin ng mga Kristiyano sa Corinto tungkol sa karneng naihain sa mga idolo? (1 Corinto 8:7; 10:25, 26)

16 Tingnan ang nangyari sa mga Kristiyano sa Corinto noon. Kailangan nilang magdesisyon kung kakain sila ng karneng posibleng naihain sa mga idolo. Sinabi sa kanila ni Pablo: “Alam natin na walang halaga ang idolo at na iisa lang ang Diyos.” (1 Cor. 8:4) Dahil sa sinabing iyan ni Pablo, nagdesisyon ang ilan na kumain ng karneng binili sa pamilihan kahit posible itong naihain sa mga idolo. May iba naman na nagdesisyong huwag kumain nito kasi makokonsensiya sila. (Basahin ang 1 Corinto 8:7; 10:25, 26.) Personal na desisyon ito. Hindi sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na sila ang magdesisyon para sa iba. Hindi rin niya sila sinabihang gayahin lang ang desisyon ng iba. “Ang bawat isa sa [kanila] ay mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—Roma 14:10-12.

17. Ano ang posibleng mangyari kung gagayahin lang natin ang desisyon ng iba? Magbigay ng sitwasyon. (Tingnan din ang mga larawan.)

17 Puwede ring mangyari ngayon ang nangyari sa mga Kristiyano noon. Halimbawa, kailangang magdesisyon ng bawat Kristiyano kung tatanggap siya o hindi ng blood fractions.b Hindi madaling maintindihan ang paksang ito, pero kailangan nating gumawa ng sariling desisyon pagdating dito. (Roma 14:4) Ganiyan din sa ibang sitwasyon. Kung gagayahin lang natin ang desisyon ng iba, posibleng humina ang konsensiya natin kasi hindi natin ito nasasanay. Pero titibay ito kapag lagi natin itong ginagamit. (Heb. 5:14) Kaya napakahalagang mag-research tayo tungkol sa sitwasyon natin. At kapag nagawa na natin iyan pero kailangan pa rin natin ng tulong, puwede tayong humingi ng payo sa isang matured na Kristiyano kung paano gagamitin ang mga prinsipyo sa Bibliya.

Collage: 1. Bago mag-fill out ng DPA, nag-research ang brother gamit ang Bibliya at aralin 39 ng aklat na “Masayang Buhay Magpakailanman.” Pinanood din niya ang video na “Paano Ka Magdedesisyon Tungkol sa Pagpapagamot na May Kaugnayan sa Dugo?” 2. Pagkatapos, nakinig siya sa isang matured na brother habang ipinapaliwanag nito ang isang teksto sa Bibliya.

Humingi tayo ng payo pagkatapos nating mag-research (Tingnan ang parapo 17)


PATULOY NA HUMINGI NG PAYO

18. Ano na ang nagawa ni Jehova para sa atin?

18 Malaki ang tiwala sa atin ni Jehova, kaya hinahayaan niya tayong gumawa ng sarili nating desisyon. Ibinigay niya sa atin ang Salita niya, ang Bibliya. Binigyan niya rin tayo ng mga kaibigang tutulong sa atin na gamitin ang mga prinsipyo sa Bibliya. Bilang Ama natin, tinutulungan niya tayo. (Kaw. 3:21-23) Paano natin maipapakitang nagpapasalamat tayo sa kaniya?

19. Paano natin patuloy na mapapasaya si Jehova?

19 Pag-isipan ito: Masayang-masaya ang mga magulang kapag nakikita nilang nagiging matured, mabait, matulungin, at matalinong lingkod ni Jehova ang anak nila. Masayang-masaya rin si Jehova kapag nakikita niya tayo na nagiging mas mabuti at mahusay na Kristiyano, na humihingi ng payo, at gumagawa ng mga desisyong nagpapasaya sa kaniya.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit dapat akong maging mapagpakumbaba?

  • Paano ko maipapakitang gusto ko talagang tumanggap ng payo?

  • Bakit dapat kong iwasan na iba ang magdesisyon para sa akin?

AWIT BLG. 127 Ang Uri ng Pagkatao na Dapat Kong Taglayin

a May mga sitwasyon na puwedeng humingi ng payo ang mga Kristiyano sa mga hindi lingkod ni Jehova pagdating sa mga paksang gaya ng pinansiyal at medikal na mga bagay.

b Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan ang number 5 at seksiyong “Tingnan Din” ng aralin 39 sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman.

c LARAWAN: Pinapayuhan ng isang elder ang kapuwa niya elder tungkol sa paraan nito ng pagsasalita nang mag-meeting sila.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share