Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Hulyo p. 14-19
  • May Matututuhan Ka Pa sa mga Pangunahing Turo ng Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Matututuhan Ka Pa sa mga Pangunahing Turo ng Bibliya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • SI JEHOVA ANG MAYLALANG
  • KUNG BAKIT HINAHAYAAN NG DIYOS ANG PAGDURUSA
  • NASA “MGA HULING ARAW” NA TAYO
  • IPAGPASALAMAT ANG MGA PANGUNAHING TURO NG BIBLIYA
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Kaya Mo Bang Malaman Kung Ano ang Totoo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Patuloy Tayong Nangangaral Dahil sa Pag-ibig!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Hulyo p. 14-19

ARALING ARTIKULO 30

AWIT BLG. 97 Kailangan ang Salita ng Diyos Para Mabuhay

May Matututuhan Ka Pa sa mga Pangunahing Turo ng Bibliya

“Gusto kong laging ipaalaala sa inyo ang mga bagay na ito, kahit na alam na ninyo ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang nasa inyo.”—2 PED. 1:12.

MATUTUTUHAN

Kung paano ka pa rin matutulungan ng mga pangunahing turo ng Bibliya kahit matagal mo nang alam ang mga ito.

1. Ano ang epekto sa iyo nang una mong malaman ang mga pangunahing turo ng Bibliya?

BINAGO ng mga pangunahing turo ng Bibliya ang buhay natin. Nang malaman natin na ang pangalan ng Diyos ay Jehova, gumawa tayo ng paraan para maging kaibigan niya. (Isa. 42:8) Nang malaman naman natin kung ano talaga ang kalagayan ng mga patay, hindi na tayo nag-aalala na baka nahihirapan ang mga namatay nating mahal sa buhay. (Ecles. 9:10) At nang matutuhan natin ang napakagandang pangako ng Diyos na Paraiso, hindi na tayo natatakot sa mangyayari sa hinaharap. Alam nating hindi lang tayo mabubuhay nang 70 o 80 taon—puwede tayong mabuhay nang walang hanggan.—Awit 37:29; 90:10.

2. Bakit sinabi ni Pedro sa matatagal nang Kristiyano na dapat pa rin nilang pag-isipan ang mga pangunahing turo ng Bibliya? (2 Pedro 1:12, 13)

2 Hindi natin dapat kalimutan kung gaano kahalaga ang mga pangunahing turo ng Bibliya. Nang isulat ni apostol Pedro ang ikalawang liham niya, kausap niya ang mga Kristiyano noon, na ‘matatag na sa katotohanan.’ (Basahin ang 2 Pedro 1:12, 13.) Noong panahong iyon, maraming huwad na guro at masasamang impluwensiya sa kongregasyon na puwedeng maglayo sa mga kapatid sa katotohanan. (2 Ped. 2:1-3) Kaya gusto silang patibayin ni Pedro para hindi sila maniwala sa mga taong iyon. Para magawa iyan, ipinaalala niya sa kanila ang ilan sa mga bagay na alam na nila. Nakatulong ang mga iyon para makapanatili silang tapat.

3. Bakit dapat patuloy na pag-isipan ng lahat ng Kristiyano ang mga pangunahing turo ng Bibliya? Magbigay ng ilustrasyon.

3 Habang tumatagal tayo sa katotohanan, may mga matututuhan pa tayo sa mga pangunahing turo ng Bibliya. Pag-isipan ito: Kapag binigyan mo ng parehong mga sangkap ang isang chef at isang baguhan sa pagluluto, malamang na parehong ulam ang maisip nilang lutuin. Pero dahil sa karanasan ng chef, posibleng may iba pa siyang ulam na maisip gawin gamit ang parehong mga sangkap. Parang ganiyan din ang mga baguhan at matatagal nang lingkod ni Jehova. Dahil sa karanasan ng matatagal nang Kristiyano, posibleng may iba pang aral silang makuha sa mga pangunahing turo ng Bibliya. Siguradong sumulong na tayo sa paglilingkod mula nang una nating pag-aralan ang Bibliya. Kapag pinag-isipan natin ngayon ang mga bagay na natutuhan natin noon, malamang na may bago tayong aral na makuha sa mga iyon. Tingnan natin ang mga puwede pang matutuhan ng matatagal nang Kristiyano mula sa tatlong pangunahing turo ng Bibliya.

SI JEHOVA ANG MAYLALANG

4. Ano ang epekto sa atin nang malaman nating si Jehova ang Maylalang?

4 Sinasabi ng Bibliya na “ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Heb. 3:4) Alam nating nilikha ng isang matalino at makapangyarihang Maylalang ang lupa at ang lahat ng narito. Siya rin ang lumalang sa atin, kaya kilalang-kilala niya tayo. Mahal na mahal niya tayo, at alam niya ang pinakamabuti para sa atin. Nang malaman natin na si Jehova ang Maylalang, nagkaroon ng layunin ang buhay natin.

5. Anong katotohanan ang makakatulong sa atin na maging mapagpakumbaba? (Isaias 45:9-12)

5 Dahil alam nating si Jehova ang Maylalang, natutulungan tayo nitong maging mapagpakumbaba. Halimbawa, nang ipagtanggol ni Job ang sarili niya, nakapagsabi siya ng mga maling bagay tungkol kay Jehova. Masyado kasi siyang nakapokus sa sarili niya kaya nakalimutan niya kung ano talaga ang mahalaga. Kaya ipinaalala sa kaniya ni Jehova na Siya ang Maylalang. (Job 38:1-4) Dahil doon, nakita ni Job na nakakahigit ang mga kaisipan at paraan ni Jehova. Ganiyan din ang punto ni propeta Isaias nang isulat niya: “Dapat bang sabihin ng luwad sa Magpapalayok: ‘Ano ang ginagawa mo?’”—Basahin ang Isaias 45:9-12.

6. Kailan magandang pag-isipan na si Jehova ang ating Maylalang? (Tingnan din ang mga larawan.)

6 Habang mas tumatagal sa paglilingkod ang isang Kristiyano, baka mas magtiwala na siya sa sarili niya kaysa kay Jehova. (Job 37:23, 24) Pero kung pag-iisipan niyang mabuti ang karunungan at kapangyarihan ng Maylalang, makikita niyang mas tama si Jehova at magiging mapagpakumbaba siya.—Isa. 40:22; 55:8, 9.

Collage: 1. Isang elder na nagsasabi ng opinyon niya sa meeting ng mga elder. Hindi kumbinsido ang ibang mga elder sa sinasabi niya. 2. Nang gabing iyon, tumingin ang elder ding iyon sa mga bituin sa langit habang nag-iisip-isip.

Ano ang puwede nating pag-isipan kapag sa tingin natin mas maganda ang opinyon natin kaysa sa tagubilin ng organisasyon? (Tingnan ang parapo 6)d


7. Ano ang ginawa ni Rahela para matanggap ang isang bagong tagubilin?

7 Nahirapan si Rahela, na taga-Slovenia, na tanggapin ang isang bagong tagubilin. Pero nakatulong sa kaniya ang pag-iisip na si Jehova ang Maylalang. Ikinuwento niya: “Minsan, nahihirapan akong tanggapin ang mga desisyon ng mga nangunguna sa organisasyon. Halimbawa, kahit napanood ko na ang 2023 Ikawalong Update ng Lupong Tagapamahala, nagulat pa rin ako nang makita kong nagpapahayag ang isang brother na may balbas. Kaya nanalangin ako kay Jehova na tulungan niya akong matanggap ang pagbabagong iyon.” Inalala ni Rahela na si Jehova ang Maylalang, kaya naisip niya na laging tama ang mga tagubilin Niya sa organisasyon Niya. Nahihirapan ka rin bang tanggapin ang isang bagong liwanag o isang tagubilin ng organisasyon? Puwede mong pag-isipan na laging nakakahigit ang karunungan at kapangyarihan ng ating Maylalang.—Roma 11:33-36.

KUNG BAKIT HINAHAYAAN NG DIYOS ANG PAGDURUSA

8. Ano ang epekto sa atin nang malaman natin ang dahilan kung bakit hinahayaan ng Diyos ang pagdurusa?

8 Bakit hinahayaan ng Diyos na magdusa tayo? Dahil hindi alam ng iba ang sagot sa tanong na iyan, nagagalit sila sa Diyos o iniisip nilang wala talagang Diyos. (Kaw. 19:3) Pero alam nating hindi si Jehova ang dahilan ng pagdurusa. Nagdurusa tayo dahil sa minana nating kasalanan at pagiging di-perpekto. Natutuhan din natin na dahil matiisin si Jehova, marami pa ang may pagkakataong makilala siya at malaman ang gagawin niya para alisin ang pagdurusa. (2 Ped. 3:9, 15) Dahil sa mga katotohanang iyan, napanatag tayo at napalapit kay Jehova.

9. Kailan magandang pag-isipan ang dahilan kung bakit hinahayaan ni Jehova ang pagdurusa?

9 Kailangan nating magtiis habang hinihintay na alisin ni Jehova ang pagdurusa. Pero paano kung mamatayan tayo, o makaranas tayo o ang mahal natin sa buhay ng problema at kawalang-katarungan? Baka mapaisip tayo kung bakit hindi agad kumikilos si Jehova. (Hab. 1:2, 3) Kapag nangyari iyan, magandang pag-isipan ang dahilan kung bakit hinahayaan ni Jehova na magdusa ang mga lingkod niya.a (Awit 34:19) Maganda ring alalahanin ang pangako ni Jehova—permanente niyang aalisin ang pagdurusa.

10. Paano nakayanan ni Anne ang pagkamatay ng nanay niya?

10 Dahil alam natin kung bakit tayo nagdurusa, natutulungan tayo nitong magtiis. Sinabi ni Anne, na nakatira sa isla ng Mayotte na nasa Indian Ocean: “Ilang taon na rin mula noong mamatay ang nanay ko, pero nalulungkot pa rin ako. Kaya lagi kong inaalala na hindi si Jehova ang dahilan ng pagdurusa. Ang totoo, gusto pa nga niyang alisin iyon at buhayin ang mga namatay nating mahal sa buhay. Kapag iniisip ko iyon, talagang napapanatag ako.”

11. Bakit hinahayaan ni Jehova ang pagdurusa, at paano tayo mapapakilos nito na patuloy na mangaral?

11 Gusto nating patuloy na mangaral kasi alam natin kung bakit hinahayaan ni Jehova ang pagdurusa. Sinabi ni Pedro na matiisin si Jehova kasi gusto niyang magsisi ang mga tao at maligtas. Sinabi pa niya: “Pag-isipan ninyo kung anong uri ng pagkatao ang dapat na taglay ninyo—may banal na paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (2 Ped. 3:11) Kasama sa “mga gawa ng makadiyos na debosyon” ang pangangaral. Gaya ni Jehova, mahal natin ang mga tao at gusto natin silang mabuhay sa Paraiso. Matiisin si Jehova kaya binibigyan niya ng pagkakataon ang mga tao sa lugar natin na sambahin siya. Napakagandang pribilehiyo sa atin na maging kamanggagawa ng Diyos at matulungan ang pinakamaraming tao na makilala siya bago dumating ang wakas!—1 Cor. 3:9.

NASA “MGA HULING ARAW” NA TAYO

12. Ano ang epekto sa atin nang malaman nating nasa “mga huling araw” na tayo?

12 Sinasabi ng Bibliya ang magiging ugali ng mga tao sa “mga huling araw.” (2 Tim. 3:1-5) Kapag inobserbahan natin ang mga tao sa paligid natin, makikita natin na totoo iyan. At habang mas sumasama pa ang ugali ng mga tao, nagiging mas kumbinsido tayo na mapagkakatiwalaan ang Salita ng Diyos.—2 Tim. 3:13-15.

13. Habang pinag-iisipan ang ilustrasyon ni Jesus sa Lucas 12:15-21, ano ang puwede nating itanong sa ating sarili?

13 Dahil alam nating nasa mga huling araw na tayo, kailangan nating magpokus sa pinakamahalagang bagay. Tingnan ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus sa Lucas 12:15-21. (Basahin.) Bakit tinawag na “di-makatuwiran” ang lalaki? Hindi dahil mayaman siya, kundi dahil mali ang priyoridad niya. Nag-ipon siya ng “kayamanan para sa sarili niya pero hindi [siya] mayaman sa Diyos.” Pero ipinaalam sa kaniya ng Diyos na ‘mamamatay na siya nang gabing iyon.’ Kaya nasayang lang ang panahon niya sa maling bagay. Habang papalapit ang wakas, tanungin ang sarili: ‘Makikita ba sa mga goal at plano ko kung nakapokus talaga ako sa pinakamahalagang bagay? Tinutulungan ko ba ang mga anak ko na magkaroon ng mga tamang goal? Ginagamit ko ba ang lakas, panahon, at mga pag-aari ko para magpayaman o para maging mayaman sa Diyos?’

14. Gaya ng karanasan ni Miki, bakit mahalagang tandaan na nasa mga huling araw na tayo?

14 Kapag pinag-isipan natin na nasa mga huling araw na tayo, puwedeng magbago ang mga priyoridad natin. Ganiyan ang nangyari sa sister na si Miki. Ikinuwento niya: “Pagka-graduate ko ng high school, gusto kong kumuha ng kurso sa college tungkol sa mga hayop. Pero gusto ko ring magpayunir at maging need-greater. Pinayuhan ako ng mga kapatid na pag-isipang mabuti kung kaya ko ba talagang pagsabayin ang pag-aaral at pag-abot sa mga goal ko sa espirituwal. Ipinaalala nila sa akin na malapit na ang wakas. Sinabi rin nila na sa Paraiso, hindi ako mauubusan ng panahon na pag-aralan ang lahat ng hayop. Kaya kumuha na lang ako ng maikling kurso sa pag-aaral. Dahil dito, nagkatrabaho ako na sumuporta sa pagpapayunir ko hanggang sa maging need-greater ako sa Ecuador.” Ngayon, naglilingkod na sa mga sirkito sa Ecuador si Miki at ang asawa niya.

15. Bakit hindi tayo dapat huminto sa pangangaral? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang mga larawan.)

15 Dapat ba tayong masiraan ng loob kapag hindi agad tinanggap ng iba ang mabuting balita? Hindi. Nagbabago kasi ang mga tao. Tingnan natin ang nangyari kay Santiago na kapatid sa ina ni Jesus. Nakita ni Santiago kung paano lumaki si Jesus at kung paano natupad sa kaniya ang mga hula tungkol sa Mesiyas. Nakita rin ni Santiago na gumawa ng mga himala si Jesus, pati na ang husay niya sa pagtuturo. Pero hindi agad naging tagasunod ni Jesus si Santiago. Naging alagad lang siya matapos buhaying muli si Jesus. At naging masigasig pa siya!b (Juan 7:5; Gal. 2:9) Kaya huwag sukuan ang mga kamag-anak mo at ang iba pa na hindi pa tinatanggap ang mabuting balita. Tandaan na nasa mga huling araw na tayo kaya hindi tayo dapat huminto sa pangangaral. Malay mo, magbago sila sa hinaharap, o maalala nila ang mga sinabi mo kapag malaking kapighatian na.c

Isang sister na nagpe-personal study. Tinawagan niya ang kapatid niyang di-Saksi na nasa grocery kasama ang batang anak nito.

Ano ang puwede nating pag-isipan para hindi natin sukuan ang mga kamag-anak nating di-Saksi? (Tingnan ang parapo 15)e


IPAGPASALAMAT ANG MGA PANGUNAHING TURO NG BIBLIYA

16. Paano ka natutulungan ng mga pangunahing turo ng Bibliya? (Tingnan din ang kahong “Gamitin ang mga Pangunahing Turo ng Bibliya Para Tulungan ang Iba.”)

16 Ginawa ang ilang espirituwal na pagkain para sa mga taong hindi pa alam ang mga pangunahing turo ng Bibliya. Nandiyan ang mga pahayag pangmadla, ilang artikulo at video sa jw.org, at pampublikong edisyon ng mga magasin. Pero natutulungan pa rin tayo ng mga iyan, hindi ba? Mas lalo nating minamahal si Jehova, mas nagtitiwala tayo sa Bibliya, at nagiging mas mahusay tayo sa pagtuturo sa iba ng mga pangunahing katotohanan sa Bibliya.—Awit 19:7.

Gamitin ang mga Pangunahing Turo ng Bibliya Para Tulungan ang Iba

Kapag nagbabasa ka ng isang artikulo, nanonood ng video, o nakikinig ng isang pahayag na para sa mga interesado, tingnan kung paano mo iyon magagamit para tulungan ang iba. Pag-isipan ito:

  • ‘Anong ebidensiya at pangangatuwiran ang ginamit para makumbinsi ang mga tao?’

  • ‘May ilustrasyon bang ginamit doon na puwede ko ring gamitin sa pagtuturo sa iba?’

  • ‘Kanino kaya babagay ang paksang ito, at kailan ko ito puwedeng i-share?’

17. Kailan magandang pag-isipan ang mga pangunahing turo ng Bibliya?

17 Bilang mga Saksi ni Jehova, excited tayo kapag may bagong liwanag. Pero ipinagpapasalamat pa rin natin ang mga pangunahing turo ng Bibliya kasi ito ang mga dahilan kung bakit tayo napalapit kay Jehova. May panahon bang ipinipilit mo ang opinyon mo imbes na sundin ang mga tagubilin ng organisasyon? Isipin na ang Maylalang ang nangunguna sa organisasyon para maging mapagpakumbaba ka. Nagdurusa ka ba o ang mahal mo sa buhay? Pag-isipan kung bakit hinahayaan ni Jehova ang pagdurusa para makapagtiis ka. Pinag-iisipan mo na ba ang mga goal mo ngayon? Alalahanin na nasa mga huling araw na tayo para makapagpokus ka sa pinakamahalagang bagay. Laging pag-isipan ang mga pangunahing turo ng Bibliya para makapanatili tayong tapat at makagawa ng mga desisyong magpapasaya kay Jehova.

ANO PA ANG MATUTUTUHAN NATIN SA MGA SUMUSUNOD NA PANGUNAHING TURO NG BIBLIYA?

  • Si Jehova ang Maylalang

  • Kung bakit hinahayaan ng Diyos ang pagdurusa

  • Nasa “mga huling araw” na tayo

AWIT BLG. 95 Ang Liwanag ay Lalong Nagniningning

a Tingnan ang artikulong “Kung Bakit Malapit Nang Magwakas ang Lahat ng Pagdurusa” sa Bantayan, isyu ng Mayo 15, 2007, p. 21-25.

b Tingnan ang aralin 8 ng brosyur na Mahalin ang mga Tao—Gumawa ng mga Alagad.

c Tingnan ang artikulong “Ang mga Hatol ni Jehova sa Hinaharap” sa Bantayan, isyu ng Mayo 2024, p. 8-13.

d LARAWAN: Isang elder na nagsasabi ng opinyon niya sa isang meeting. Hindi tinanggap ng ibang mga elder ang sinabi niya. Nang gabing iyon, tumingin siya sa mga bituin sa langit. Naipaalala nito sa kaniya na mas marunong si Jehova kaysa sa kaniya.

e LARAWAN: Isang sister na nagpe-personal study. Pinag-aralan niya ang sinasabi ng Bibliya na nasa mga huling araw na tayo. Dahil dito, tinawagan niya ang kapatid niyang babae at nangaral.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share