ARALING ARTIKULO 31
AWIT BLG. 111 Mga Dahilan ng Ating Kagalakan
Natutuhan Mo Na Ba ang “Sekreto Kung Paano Maging Kontento”?
“Natutuhan ko nang maging kontento anuman ang kalagayan ko.”—FIL. 4:11.
MATUTUTUHAN
Magiging kontento tayo kung mapagpasalamat tayo, mapagpakumbaba, at nagpopokus sa mga pangako ni Jehova.
1. Ano ang ibig sabihin ng pagiging kontento, at ano ang hindi ibig sabihin nito?
KONTENTO ka ba sa kung ano ang mayroon ka? Masaya at panatag ang isang taong kontento kasi nagpopokus siya sa mga pagpapalang ibinibigay sa kaniya ni Jehova. Hindi siya nadidismaya o nagagalit dahil sa mga bagay na wala siya. Pero hindi ibig sabihin nito na kampante siya at wala nang pagsisikap na ginagawa. Halimbawa, puwede pa rin siyang magkaroon ng mga tunguhin sa paglilingkod. (Roma 12:1; 1 Tim. 3:1) Pero kahit hindi niya agad maabot ang mga iyon, masaya pa rin siya.
2. Bakit delikado ang pagiging di-kontento?
2 Kapag hindi tayo kontento, puwede tayong makagawa ng mga maling desisyon. May mga nagtatrabaho nang napakaraming oras para makuha ang mga bagay na hindi naman talaga nila kailangan. May ilang Kristiyano na nagnakaw pa nga dahil hindi sila kontento. Baka inisip nila, ‘Akin naman talaga dapat ’to,’ ‘Kailangan ko na kasi talaga ’to ngayon,’ o ‘Babayaran ko rin naman.’ Pero galit si Jehova sa pagnanakaw, at nasisiraang-puri siya dahil doon. (Kaw. 30:9) May iba naman na huminto na sa paglilingkod kay Jehova dahil sobra silang nadismaya nang hindi nila makuha ang pribilehiyong gusto nila. (Gal. 6:9) Bakit nila nagawa iyan? Posibleng unti-unting nabawasan ang pagiging kontento nila.
3. Ano ang matututuhan natin sa Filipos 4:11, 12?
3 Kaya nating lahat na maging kontento. Sinabi ni apostol Pablo: “Natutuhan ko nang maging kontento anuman ang kalagayan ko.” (Basahin ang Filipos 4:11, 12.) Isinulat niya iyan habang nakakulong siya. Pero masaya pa rin siya kasi alam na niya ang “sekreto kung paano maging kontento.” Kung nahihirapan tayong maging kontento, matutulungan tayo ng sinabi at naranasan ni Pablo. Hindi laging madaling maging kontento, pero natututuhan ito. Paano? Tingnan natin ang mga puwedeng makatulong sa atin na maging kontento.
MAGING MAPAGPASALAMAT
4. Paano makakatulong ang pagiging mapagpasalamat para maging kontento tayo? (1 Tesalonica 5:18)
4 Kapag mapagpasalamat tayo, mas magiging kontento tayo. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:18.) Halimbawa, kung nagpapasalamat tayo na mayroon tayo ng mga kailangan natin, hindi natin masyadong iisipin ang mga bagay na wala tayo. Kung nagpapasalamat din tayo sa mga pribilehiyo natin ngayon, pagsisikapan nating gawin ang atas natin imbes na masyadong isipin ang atas na hinahangad natin. Alam ni Jehova na mahalagang maging mapagpasalamat tayo, kaya sinasabi sa Bibliya na magpasalamat tayo sa kaniya sa panalangin. Kapag mapagpasalamat tayo, nararanasan natin “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”—Fil. 4:6, 7.
5. Ano sana ang mga ipinagpasalamat ng mga Israelita? (Tingnan din ang larawan.)
5 Tingnan ang nangyari sa mga Israelita. Maraming beses silang nagreklamo kay Jehova dahil hinahanap-hanap nila ang mga pagkain sa Ehipto. (Bil. 11:4-6) Totoo, mahirap ang buhay sa ilang. Pero puwede pa rin sana silang maging kontento. Paano? Inisip sana nila ang mga nagawa na ni Jehova para sa kanila. Halimbawa, pinalaya sila ni Jehova mula sa pagiging alipin sa Ehipto. Ginamit ni Jehova ang 10 salot para magawa iyan. Hinayaan din ni Jehova na ‘makuha nila ang kayamanan ng mga Ehipsiyo,’ gaya ng pilak, ginto, at damit. (Ex. 12:35, 36) Nang malapit na silang maabutan ng mga Ehipsiyo sa Dagat na Pula, hinati iyon ni Jehova para makatakas sila. Lagi rin silang binibigyan ni Jehova ng manna habang naglalakbay sila sa ilang. Kaya ano talaga ang problema? Hindi naging kontento ang mga Israelita. Sapat naman ang pagkain na mayroon sila; hindi lang talaga sila naging mapagpasalamat.
Bakit hindi naging kontento ang mga Israelita? (Tingnan ang parapo 5)
6. Paano tayo magiging mapagpasalamat?
6 Paano ka magiging mapagpasalamat? Una, pag-isipan araw-araw ang mga bagay na nagpapasaya sa iyo. Puwede mong isulat ang dalawa o tatlong bagay na ipinagpapasalamat mo. (Panag. 3:22, 23) Ikalawa, ipakita at sabihin ang pasasalamat mo. Magpasalamat kapag may ginawa ang iba para sa iyo. Higit sa lahat, lagi ring magpasalamat kay Jehova. (Awit 75:1) Ikatlo, pumili ng mga kaibigang mapagpasalamat. Kung mareklamo ang mga kaibigan mo, baka maging ganiyan ka rin. Pero kung mapagpasalamat sila, magiging mapagpasalamat ka rin. (Deut. 1:26-28; 2 Tim. 3:1, 2, 5) Kapag sinisikap nating maging mapagpasalamat, mas magiging kontento tayo.
7. Ano ang mga ginawa ni Aci para maging kontento?
7 Tingnan ang karanasan ni Aci, na taga-Indonesia. Sinabi niya: “Noong pandemic, ikinukumpara ko ang sitwasyon ko sa sitwasyon ng mga kapatid. Dahil diyan, nahirapan akong maging kontento.” (Gal. 6:4) Ano ang ginawa niya? “Isa-isa kong inisip y’ong mabubuting bagay na natanggap ko sa bawat araw. Pinag-isipan ko rin y’ong mga pagpapala ng pagiging bahagi ng organisasyon ng Diyos. Pagkatapos, ipinagpasalamat ko ang mga iyon kay Jehova. Nang gawin ko iyan, naging kontento ako.” Kung hindi ka masaya sa sitwasyon mo ngayon, puwede mo ring gawin ang mga ginawa ni Aci para maging mapagpasalamat at kontento.
MAGING MAPAGPAKUMBABA
8. Ano ang nangyari kay Baruc?
8 Mahirap ang atas ni Baruc, ang kalihim ng propeta na si Jeremias. Sinusuportahan niya si Jeremias sa pagsasabi ng hatol ni Jehova sa di-mapagpasalamat na bayan ng Israel. Pero imbes na magpokus sa ipinapagawa ni Jehova sa kaniya, mas inisip niya ang mga bagay na gusto niyang gawin. Kaya ginamit ni Jehova si Jeremias para sabihin sa kaniya: “Naghahanap ka ng dakilang mga bagay para sa sarili mo. Huwag ka nang maghanap ng ganoong mga bagay.” (Jer. 45:3-5) Parang sinasabi ni Jehova: “Maging kontento ka sa sitwasyon mo ngayon.” Sinunod iyon ni Baruc at patuloy siyang naging kaibigan ni Jehova.
9. Ano ang matututuhan natin sa 1 Corinto 4:6, 7? (Tingnan din ang mga larawan.)
9 Kung minsan, posibleng maisip ng isang Kristiyano na karapat-dapat siya sa isang pribilehiyo. Baka kasi magaling siya, masipag, o makaranasan. Pero paano kung napunta sa iba ang pribilehiyong gusto niya? Ano ang puwede niyang gawin? Puwede niyang pag-isipan ang sinabi ni apostol Pablo sa 1 Corinto 4:6, 7. (Basahin.) Galing kay Jehova ang lahat ng pribilehiyo at kakayahang mayroon tayo. At ibinigay niya ang mga iyan sa atin, hindi dahil mas espesyal tayo sa iba, kundi dahil sa walang-kapantay na kabaitan niya.—Roma 12:3, 6; Efe. 2:8, 9.
Galing kay Jehova ang lahat ng kakayahan at pribilehiyo natin (Tingnan ang parapo 9)b
10. Ano ang makakatulong sa atin na maging mapagpakumbaba?
10 Makakatulong sa atin ang halimbawa ni Jesus para maging mapagpakumbaba tayo. Tingnan ang nangyari noong gabing hugasan niya ang mga paa ng mga apostol. Sinabi ni apostol Juan: “Alam ni Jesus [1] na ibinigay na sa kaniya ng Ama ang lahat ng bagay at [2] na nanggaling siya sa Diyos at [3] pupunta siya sa Diyos . . . At hinugasan niya ang mga paa ng mga alagad.” (Juan 13:3-5) Puwede sanang isipin ni Jesus na dapat ang mga apostol ang maghugas sa mga paa niya. Pero hindi niya naisip iyan. Hindi rin niya naisip na dapat lang na magkaroon siya ng komportable at maalwang buhay. (Luc. 9:58) Mapagpakumbaba si Jesus at kontento. Napakagandang halimbawa niya para sa atin.—Juan 13:15.
11. Paano nakatulong kay Dennis ang kapakumbabaan para maging kontento?
11 Tinutularan ni Dennis, mula sa Netherlands, ang kapakumbabaan ni Jesus. Pero hindi iyon laging madali sa kaniya. Sinabi niya: “Minsan, kapag nagkaroon ang iba ng pribilehiyong gusto ko, sumasama ang loob ko. Pakiramdam ko kasi, ako dapat ang makatanggap n’on. Kapag nangyayari iyon, nag-aaral ako tungkol sa kapakumbabaan. Sa JW Library® app, nag-tag ako ng mga teksto tungkol sa kapakumbabaan para mas madali kong mahanap ang mga iyon. Madalas ko ring pakinggan ang mga na-download kong pahayag tungkol sa kapakumbabaan.a Nakita ko na para sa kapurihan ni Jehova ang lahat ng ginagawa natin, hindi para sa sarili natin. Hinahayaan lang niya tayong makatulong sa gawain niya.” Kung hindi tayo masaya kasi hindi natin natatanggap ang mga pribilehiyong gusto natin, sikapin nating maging mapagpakumbaba. Tutulong iyan para tumibay ang kaugnayan natin kay Jehova at maging kontento.—Sant. 4:6, 8.
MAGPOKUS SA MGA PANGAKO NI JEHOVA
12. Anong mga pangako ni Jehova ang tutulong sa atin na maging kontento? (Isaias 65:21-25)
12 Magiging mas kontento tayo kung pag-iisipan natin ang mga pangako ni Jehova. Makikita sa aklat ng Isaias na naiintindihan ni Jehova kung gaano kahirap ang buhay natin ngayon. Kaya nangangako siya na aalisin niya ang lahat ng problema. (Basahin ang Isaias 65:21-25.) Magkakaroon tayo ng magandang bahay, masayang trabaho, at masasarap at masusustansiyang pagkain. Hindi na tayo mag-aalala na baka may mangyaring masama sa atin o sa pamilya natin. (Isa. 32:17, 18; Ezek. 34:25) At sigurado tayong magkakatotoo ang lahat ng iyan!
13. Sa anong mga sitwasyon tayo dapat mas magpokus sa pag-asa natin?
13 Mas kailangan nating magpokus ngayon sa pag-asa natin kasi nabubuhay na tayo sa “mga huling araw [na] mahirap ang kalagayan.” (2 Tim. 3:1) Laging ibinibigay ni Jehova ang payo, lakas, at tulong na kailangan natin para makapagtiis. (Awit 145:14) Napakalaking tulong din sa atin ng mga pangako niya. Baka hirap na hirap ka sa pagtatrabaho ngayon para maibigay ang mga kailangan ng pamilya mo. Ibig bang sabihin, lagi na lang magiging ganiyan ang kalagayan ninyo? Hindi. Nangangako kasi si Jehova na sa Paraiso, ibibigay niya ang lahat ng kailangan ninyo—at sobra-sobra pa nga! (Awit 9:18; 72:12-14) Baka may malala kang sakit ngayon o nade-depress. Ibig bang sabihin, hindi ka na gagaling kahit kailan? Hindi. Nangangako kasi si Jehova na sa Paraiso, mawawala na ang sakit at kamatayan. (Apoc. 21:3, 4) Kung magpopokus tayo sa pag-asa natin, hindi tayo masyadong malulungkot o magagalit sa nangyayari sa atin ngayon. Magiging masaya at panatag pa rin tayo kahit mamatayan tayo ng mahal sa buhay, o makaranas ng kawalang-katarungan o ng iba pang masamang bagay. Alam kasi nating “panandalian [lang] ang kapighatian” natin ngayon at na hinding-hindi na tayo maghihirap sa hinaharap.—2 Cor. 4:17, 18.
14. Paano magiging mas totoo sa atin ang mga pangako ni Jehova?
14 Makakatulong ang pag-asa natin para maging kontento tayo, kaya dapat na maging totoong-totoo ito sa atin. Paano natin magagawa iyan? Kailangan ng isang tao na magsuot ng salamin para maging mas malinaw ang paningin niya. Kailangan din nating kumilos para maging mas malinaw, o totoong-totoo, sa atin ang pag-asa natin. Kung nag-aalala tayo sa hirap ng buhay ngayon, puwede nating isipin ang panahong hindi na natin kailangan ng pera at wala nang kahirapan. Kung nadidismaya tayo kasi wala sa atin ang mga pribilehiyong gusto natin, puwede nating isipin na makakapaglingkod tayo kay Jehova nang libo-libong taon sa hinaharap. Kapag inisip natin kung gaano kasaya ang buhay doon, maiisip din natin na wala naman palang dahilan para madismaya ngayon. (1 Tim. 6:19) Sa simula, baka mahirapan tayong magpokus sa magandang buhay sa hinaharap kasi marami tayong problema ngayon. Pero magiging madali rin sa atin iyan kung sisikapin natin na laging pag-isipan ang mga pangako ni Jehova.
15. Ano ang natutuhan mo kay Christa?
15 Tingnan ang karanasan ni Christa, ang asawa ni Dennis na binanggit kanina. Sinabi niya: “May muscle disease ako na unti-unting lumalala. Dahil doon, naka-wheelchair na lang ako at madalas na nakahiga. Araw-araw akong nahihirapan dahil sa sakit ko. Sabi ni Doc, hindi na raw ako gagaling. Pero naisip ko, ‘Hindi niya nakikita ang pag-asang nakikita ko.’ Panatag pa rin ako kasi malinaw kong nakikita ang pag-asa ko. Alam kong kailangan kong magtiis sa ngayon. Pero sa hinaharap, mag-e-enjoy ako sa Paraiso!”
“ANG MGA NATATAKOT SA KANIYA AY HINDI NAGKUKULANG NG ANUMAN”
16. Bakit nasabi ni Haring David na “ang mga natatakot [kay Jehova] ay hindi nagkukulang ng anuman”?
16 Kahit kontento tayo, makakaranas pa rin tayo ng mga problema. Nangyari iyan kay Haring David. Namatayan siya ng tatlong anak. Inakusahan siya, tinraidor, at maraming taóng pinaghahanap para patayin. Pero kahit ganoon, nasabi niya: “Ang mga natatakot [kay Jehova] ay hindi nagkukulang ng anuman.” (Awit 34:9, 10) Bakit niya nasabi iyan? Kasi kahit hindi pinigilan ni Jehova ang mga problemang naranasan niya, alam niyang laging ibibigay ni Jehova ang tulong na kailangan niya. (Awit 145:16) Makakasigurado tayong gagawin din iyan ni Jehova sa atin. Magiging panatag at masaya tayo kahit may mga problema tayo.
17. Bakit gusto mong matutuhan ang sekreto kung paano maging kontento?
17 Gusto ni Jehova na maging kontento ka. (Awit 131:1, 2) Kaya sikaping matutuhan ang sekreto kung paano maging kontento. Maging mapagpasalamat at mapagpakumbaba, at gawing totoong-totoo sa iyo ang mga pangako ni Jehova. Kapag ginawa mo ang mga iyan, masasabi mo rin: “Kontento ako.”—Awit 16:5, 6.
AWIT BLG. 118 Palakasin Mo ang Aming Pananampalataya
a Panoorin ang mga video sa seksiyong Pang-umagang Pagsamba gaya ng Pinangangalagaan ni Jehova ang mga Mapagpakumbaba at Humahantong sa Pagbagsak ang Pagmamataas.
b LARAWAN: Isang brother na nagmamantini sa isang pasilidad, isang sister na nag-aral ng sign language ang ini-interview sa isang circuit assembly, at isang brother na nagpapahayag.