ARALING ARTIKULO 32
AWIT BLG. 38 Tutulungan Ka Niya
Kung Paano Tayo Tinutulungan ni Jehova na Magtiis
“Patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo, gagawin niya kayong matibay.”—1 PED. 5:10.
MATUTUTUHAN
Kung ano ang mga ibinigay ni Jehova sa atin para makapagtiis tayo at kung ano ang dapat nating gawin para makinabang sa mga iyon.
1. Bakit kailangan nating magtiis, at sino ang makakatulong sa atin? (1 Pedro 5:10)
KAILANGANG magtiis ng mga lingkod ni Jehova sa mga huling araw na ito. May ilan sa atin na matagal nang may sakit. May iba naman na namatayan ng mahal sa buhay. Pinag-uusig naman ang iba ng pamilya nila o ng gobyerno. (Mat. 10:18, 36, 37) Pero anumang problema ang nararanasan mo ngayon, makakasigurado kang tutulungan ka ni Jehova na magtiis.—Basahin ang 1 Pedro 5:10.
2. Bakit kaya nating makapagtiis?
2 Ang pagtitiis ay ang kakayahang maharap ang mga problema, pag-uusig, pagsubok, o tukso nang hindi nawawalan ng pag-asa. Hindi umaasa ang isang Kristiyano sa sarili niyang lakas para makapagtiis. Nakakapagtiis siya kasi binibigyan siya ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7) Tatalakayin natin sa artikulong ito ang apat na bagay na ibinigay ni Jehova sa atin para makapagtiis tayo. Titingnan din natin kung ano ang dapat nating gawin para makinabang sa mga iyon.
PANALANGIN
3. Bakit nakakamangha ang panalangin?
3 Ibinigay sa atin ni Jehova ang pribilehiyo ng panalangin para makapagtiis tayo, at talagang nakakamangha ito. Kahit makasalanan tayo, posible natin siyang makausap. (Heb. 4:16) Puwede tayong manalangin kay Jehova kahit kailan. Masasabi rin natin sa kaniya ang anumang gusto nating sabihin. Naiintindihan niya tayo anuman ang wika natin. Naririnig niya tayo nasaan man tayo, kahit mag-isa tayo o nakakulong pa nga. (Jon. 2:1, 2; Gawa 16:25, 26) Paano naman kung hindi natin alam ang sasabihin kasi sobra tayong nag-aalala? Alam pa rin ni Jehova ang gusto nating sabihin. (Roma 8:26, 27) Hindi ba talagang nakakamangha ang pribilehiyong ito?
4. Gusto ba ni Jehova na ipanalangin nating makapagtiis tayo? Ipaliwanag.
4 Sa Bibliya, tinitiyak sa atin ni Jehova na “anuman ang hingin natin ayon sa kalooban niya ay ibibigay niya.” (1 Juan 5:14) Puwede ba nating hilingin kay Jehova na tulungan tayong makapagtiis? Oo, kasi kalooban niya na makapagtiis tayo. Paano natin nasabi? Kasi kapag nakapagtiis tayo, may maisasagot si Jehova kay Satanas. (Kaw. 27:11) Sinasabi rin ng Bibliya na gustong “ipakita [ni Jehova] ang kaniyang lakas alang-alang sa nagbibigay ng buong puso nila sa kaniya.” (2 Cro. 16:9) Kaya makakasigurado tayo na kaya at gusto tayong tulungan ni Jehova na makapagtiis.—Isa. 30:18; 41:10; Luc. 11:13.
5. Paano tayo natutulungan ng panalangin na maging panatag? (Isaias 26:3)
5 Sinasabi ng Bibliya na kapag nananalangin tayo kay Jehova, “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa [ating] puso at isip.” (Fil. 4:7) Bakit maganda iyan? Kapag nagkakaproblema kasi ang mga di-lingkod ni Jehova, sumusubok sila ng iba’t ibang paraan para maging panatag. Halimbawa, sinusubukan ng ilan ang isang klase ng meditation para maalis sa isip nila ang lahat ng bagay, kasama na ang mga inaalala nila. Pero napakadelikado niyan kasi puwede silang maimpluwensiyahan ng mga demonyo. (Ihambing ang Mateo 12:43-45.) At kahit na mapanatag pa sila sa ganiyang paraan, hindi iyan maikukumpara sa kapanatagang maibibigay ni Jehova. Kapag nananalangin tayo kay Jehova, ipinapakita nating talagang nagtitiwala tayo sa kaniya. At nangangako siyang ‘patuloy niya tayong bibigyan ng kapayapaan.’ (Basahin ang Isaias 26:3.) Puwede niya tayong tulungang maalala ang nakakapagpatibay na mga teksto sa Bibliya. Napapanatag tayo kasi tinitiyak ng mga iyan sa atin na mahal tayo ni Jehova at gusto niya tayong tulungan.—Awit 62:1, 2.
6. Ano ang mga puwede mong ipanalangin? (Tingnan din ang larawan.)
6 Ang puwede mong gawin. Kapag may pinagdadaanan ka, “ihagis mo kay Jehova ang pasanin mo” at hilinging mapanatag ka. (Awit 55:22) Humingi rin ng karunungang kailangan mo para makayanan ang problema. (Kaw. 2:10, 11) Huwag mo ring kalimutang magpasalamat. (Fil. 4:6) Isipin kung paano ka tinutulungan ni Jehova na magtiis araw-araw, at ipagpasalamat iyon. Kahit nahihirapan ka dahil sa isang problema, huwag mong kakalimutan ang mga pagpapalang natatanggap mo mula kay Jehova.—Awit 16:5, 6.
Kinakausap mo si Jehova kapag nananalangin ka. Kinakausap ka naman ni Jehova kapag nagbabasa ka ng Bibliya (Tingnan ang parapo 6)b
BIBLIYA
7. Paano makakatulong ang pag-aaral ng Bibliya para makapagtiis tayo?
7 Ibinigay ni Jehova sa atin ang Bibliya para matulungan tayong magtiis. Maraming teksto ang nagpapakitang aalalayan niya tayo. Halimbawa, mababasa natin sa Mateo 6:8: “Alam ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa ninyo hingin iyon sa kaniya.” Si Jesus ang nagsabi niyan, at siya ang pinakanakakakilala kay Jehova. Kaya siguradong-sigurado tayo na kapag may pinagdadaanan tayo, alam ni Jehova ang kailangan natin at tutulungan niya tayo. Isa lang iyan sa maraming teksto sa Bibliya na magbibigay sa atin ng lakas para makapagtiis.—Awit 94:19.
8. (a) Ano ang isang prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa atin na magtiis? (b) Ano ang makakatulong para mas maalala natin ang mga prinsipyong kailangan natin?
8 Makakatulong ang mga prinsipyo sa Bibliya para makapagtiis tayo. Magagamit natin ang mga ito para makagawa ng tamang mga desisyon. (Kaw. 2:6, 7) Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na sapat na ang mga problema sa bawat araw. Makakatulong ang prinsipyong iyan para hindi tayo masyadong mag-alala sa mangyayari sa hinaharap. (Mat. 6:34) Kung lagi nating binabasa ang Bibliya at pinag-iisipang mabuti ang mga nababasa natin, mas maaalala natin ang mga prinsipyong kailangan natin.
9. Paano napapatibay ang pagtitiwala natin kay Jehova kapag binabasa natin ang mga ulat sa Bibliya?
9 Mababasa rin natin sa Bibliya ang mga ulat ng mga taong nagtiwala kay Jehova at kung paano niya sila tinulungan. (Heb. 11:32-34; Sant. 5:17) Kapag pinag-isipan natin ang mga iyan, mas makukumbinsi tayo na tutulungan din tayo ni Jehova. Siya ang “ating kanlungan at lakas, [at] handa siyang tumulong kapag may mga problema.” (Awit 46:1) Kapag pinag-isipan din natin ang katapatan ng mga lingkod ni Jehova noon, mapapakilos tayo na tularan ang pananampalataya at pagtitiis nila.—Sant. 5:10, 11.
10. Paano mo magagamit nang husto ang Bibliya?
10 Ang puwede mong gawin. Basahin ang Bibliya araw-araw, at ilista ang mga tekstong nakita mong makakatulong sa iyo. Para sa marami, malaking tulong ang pagbabasa ng daily text tuwing umaga para mapatibay sila sa buong araw. Tingnan ang karanasan ni Marie.a Parehong na-diagnose na may cancer ang mga magulang niya. Ano ang nakatulong sa kaniya na magtiis habang inaalagaan niya sila sa mga huling buwan ng buhay nila? Sinabi niya: “Tuwing umaga, binabasa ko ang daily text at pinag-iisipan ’yon. Dahil diyan, hindi na lang puro problema ang nasa isip ko. Mas nakakapagpokus ako kay Jehova at sa magagandang bagay na itinuturo niya.”—Awit 61:2.
MGA KAPATID
11. Bakit nakakapagpatibay malaman na hindi lang tayo ang nakakaranas ng mga pagsubok?
11 Ginagamit ni Jehova ang mga kapatid para tulungan tayong makapagtiis. Kahit nakakaranas tayo ng mga pagsubok, hindi natin nararamdamang nag-iisa tayo kasi alam nating “ang ganoon ding mga pagdurusa ay nararanasan ng lahat ng kapatid.” (1 Ped. 5:9) Anuman ang pinagdadaanan natin, alam nating naranasan na rin iyon ng iba. At kung nakayanan nila iyon, siguradong kaya rin natin.—Gawa 14:22.
12. Paano tayo matutulungan ng mga kapatid, at paano naman natin sila matutulungan? (2 Corinto 1:3, 4)
12 Matutulungan tayo ng mga kapatid na makapagtiis. Naranasan iyan ni apostol Pablo. Sa mga liham niya, binanggit niya ang pangalan ng mga kapatid na tumulong sa kaniya noong nakakulong siya sa bahay. At pinasalamatan niya sila dahil sa mga pampatibay at praktikal na tulong nila. (Fil. 2:25, 29, 30; Col. 4:10, 11) Kapag may pinagdadaanan tayo, puwede rin tayong mapatibay ng mga kapatid para makapagtiis. At kapag sila naman ang nangangailangan ng tulong, puwede rin nating gawin iyan para sa kanila.—Basahin ang 2 Corinto 1:3, 4.
13. Ano ang nakatulong kay Maya na makapagtiis?
13 Para kay Maya, isang sister na taga-Russia, malaking pampatibay ang mga kapatid. Noong 2020, hinalughog ang bahay niya. Pagkatapos, nilitis siya sa korte dahil sinasabi niya sa iba ang mga paniniwala niya. Ikinuwento niya: “Noong sobrang lungkot ko, tinatawagan ako ng mga kapatid at sinusulatan, sinasabi nilang mahal nila ako. . . . Alam ko naman na mayroon akong malaki at maibiging pamilya. Pero noong 2020, lalo ko itong napatunayan.”
14. Ano ang puwede nating gawin para makinabang sa tulong ng mga kapatid? (Tingnan din ang larawan.)
14 Ang puwede mong gawin. Kapag may problema ka, manatiling malapít sa mga kapatid. Huwag mahiyang humingi ng tulong sa mga elder. Puwede natin silang maging “silungan mula sa ihip ng hangin, isang kanlungan mula sa malakas na ulan.” (Isa. 32:2, tlb.) Tandaan din na may mga problema rin ang mga kapatid. Kapag tinulungan natin sila, magiging masaya tayo at mas makakapagtiis.—Gawa 20:35.
Manatiling malapít sa mga kapatid (Tingnan ang parapo 14)c
PAG-ASA NATIN
15. Paano nakatulong kay Jesus ang pag-asa sa hinaharap, at paano rin ito makakatulong sa atin? (Hebreo 12:2)
15 Binigyan tayo ni Jehova ng pag-asa sa hinaharap. Dahil siguradong-sigurado tayo na mangyayari iyon, nakakapagtiis tayo. (Roma 15:13) Nakatulong din kay Jesus ang pag-asa para matiis niya ang pinakamahirap na sandali ng buhay niya sa lupa. (Basahin ang Hebreo 12:2.) Alam ni Jesus na kapag nanatili siyang tapat, mapapabanal niya ang pangalan ni Jehova. Gustong-gusto na rin niyang makasama ulit ang Ama niya sa langit, at nasasabik siya sa panahong maghahari siyang kasama ang 144,000. Ganiyan din tayo ngayon. Dahil alam nating may pag-asa tayong mabuhay nang walang hanggan sa bagong sanlibutan, natitiis natin ang anumang problemang napapaharap sa atin sa mundong ito ni Satanas.
16. Paano nakapagtiis ang isang sister dahil sa pag-asa sa hinaharap, at ano ang natutuhan mo sa sinabi niya?
16 Tingnan kung paano nakatulong ang pag-asa kay Alla, isang sister sa Russia. Inaresto ang asawa niya at inilagay sa pretrial detention. Paano nakapagtiis si Alla? Sinabi niya: “Ang panalangin at pag-iisip tungkol sa pag-asa natin sa hinaharap ang nakatulong sa akin na huwag panghinaan ng loob. Alam kong may katapusan din ito. Magtatagumpay si Jehova, pati na tayo.”
17. Paano natin maipapakitang ipinagpapasalamat natin ang pag-asa natin? (Tingnan din ang larawan.)
17 Ang puwede mong gawin. Pag-isipan ang napakagandang kinabukasan na ibibigay sa iyo ni Jehova. Isiping nandoon ka na sa Paraiso kasama ang pamilya at mga kaibigan mo. Siguradong napakasaya ng panahong iyon! Kapag ginawa mo iyan, mararamdaman mong “panandalian at magaan” lang ang anumang pinagdadaanan mo sa ngayon. (2 Cor. 4:17) Puwede mo ring sabihin sa iba ang pag-asang iyan. Hindi nila alam ang magagandang pangako ng Diyos sa hinaharap. Kaya sa tingin mo, gaano kaya kahirap para sa kanila na tiisin ang mga problema nila sa ngayon? Kung makakausap mo sila tungkol sa mga pangako ni Jehova kahit sandali lang, matutulungan mo silang maging interesado sa pag-asang iyan.
Pag-isipan ang napakagandang kinabukasan na ibibigay sa iyo ni Jehova (Tingnan ang parapo 17)d
18. Bakit tayo makakapagtiwala sa mga pangako ni Jehova?
18 Pagkatapos matiis ni Job ang maraming pagsubok, sinabi niya kay Jehova: “Alam ko na ngayon na kaya mong gawin ang lahat ng bagay, at lahat ng naiisip mong gawin ay hindi imposible para sa iyo.” (Job 42:2) Nakita ni Job na walang makakapigil kay Jehova sa pagtupad ng layunin Niya. Kapag inisip din natin iyan, magkakaroon tayo ng lakas para makapagtiis. Tingnan ang ilustrasyong ito. May isang babaeng may sakit. Pinanghihinaan na siya ng loob kasi marami na siyang pinuntahang doktor pero walang makapagpagaling sa kaniya. Pero may isang makaranasan at maaasahang doktor na nakapagsabi kung ano talaga ang sakit niya at kung paano siya nito gagamutin. Hindi pa naman siya agad gagaling, pero gumaan na ang loob niya. Mas kaya na niyang magtiis kasi may pag-asa na siya—alam niyang talagang gagaling siya. Ganiyan din ang nagagawa ng pag-asa natin sa hinaharap. Natutulungan tayo nitong magtiis.
19. Ano ang kailangan natin para makapagtiis?
19 Nakita natin na nagbibigay si Jehova ng tulong para makapagtiis tayo. Nandiyan ang panalangin, Bibliya, mga kapatid, at ang pag-asa natin. Kung tatanggapin natin ang tulong ni Jehova, siguradong makakapagtiis tayo hanggang sa alisin na niya ang lahat ng paghihirap sa mundong ito.—Fil. 4:13.
AWIT BLG. 33 Ihagis Mo kay Jehova ang Iyong Pasanin
a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
b LARAWAN: Isang may-edad nang brother na patuloy na nagtitiis sa paglipas ng panahon.
c LARAWAN: Isang may-edad nang brother na patuloy na nagtitiis sa paglipas ng panahon.
d LARAWAN: Isang may-edad nang brother na patuloy na nagtitiis sa paglipas ng panahon.