Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ijwyp artikulo 108
  • Gaano Kahalaga ang Pagiging Sikát Online?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gaano Kahalaga ang Pagiging Sikát Online?
  • Tanong ng mga Kabataan
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang mga panganib?
  • “Sikát, pero hindi naman talaga”
  • Mahalaga ba talaga ang followers at likes?
  • Puwede ba Akong Makipagkaibigan sa Pamamagitan ng Internet?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Masama Bang Maging Popular?
    Gumising!—2012
  • Turuan ang Iyong mga Anak ng Internet Safety
    Gumising!—2014
  • Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Social Networking?—Bahagi 2
    Gumising!—2011
Iba Pa
Tanong ng mga Kabataan
ijwyp artikulo 108
Nakangiti ang isang kabataan habang nakatingin sa cellphone niya. Nakakuha kasi siya ng 85 likes sa isang post niya sa social media.

TANONG NG MGA KABATAAN

Gaano Kahalaga ang Pagiging Sikát Online?

Sinabi ng kabataang si Elaine: “Kapag nakikita ko ang daan-daang followers ng mga schoolmate ko online, naiisip ko, ‘Wow—sikát pala sila!’ Sa totoo lang, medyo naiinggit ako.”

Naramdaman mo na rin ba iyan? Kung oo, tutulungan ka ng artikulong ito na maiwasan ang nagiging problema ng mga taong gustong maging sikát online.

  • Ano ang mga panganib?

  • “Sikát, pero hindi naman talaga”

  • Mahalaga ba talaga ang followers at likes?

  • Iwasan ang “pasimpleng yabang”

Ano ang mga panganib?

Sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 22:1 na “ang magandang pangalan ay mas dapat piliin kaysa sa malaking kayamanan.” Kaya okey lang na gustuhin natin na magkaroon ng magandang reputasyon—o magustuhan pa nga ng iba.

Pero kung minsan, puwede ’yong mauwi sa paghahangad na maging sikát. May panganib ba ’yon? Mayroon, gaya ng sinabi ni Onya, 16:

“May mga tao na gumagawa ng delikadong mga bagay—gaya ng pagtalon mula sa second floor—para lang maging sikát.”

Para mapansin ang ibang kabataan, kinukunan nila ng video ang sarili nila habang gumagawa ng delikadong stunt para i-post online. Halimbawa, may ilang kabataan na nag-upload ng video nila na kumakain ng sabong panlaba—isang bagay na hindi dapat gawin!

Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa . . . pagmamataas.”—Filipos 2:3, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

Pag-isipan:

  • Gaano kahalaga sa iyo ang pagiging sikát online?

  • Isasakripisyo mo ba ang kalusugan o buhay mo para lang mapansin ka at magustuhan ng ibang kabataan?

    Ang sinasabi ng ibang kabataan

    Si Leianna.

    “Nagiging masama ang paghahangad na maging sikát kapag handang gawin ng isang tao ang kahit ano, maging sikát lang. Okey lang sa kaniya na magsalita, manamit, o kumilos sa isang paraan—kahit pa nga online. Hindi sulit na ipagpalit ang mga paniniwala at prinsipyo mo para lang maging sikát.”​—Leianna.

“Sikát, pero hindi naman talaga”

Bukod sa paggawa ng delikadong mga bagay, may iba pang ginagawa ang iba para sumikat. Ganito ang sinabi ni Erica, 22:

“May mga tao na palaging nagpo-post ng mga picture nila para magmukhang napakarami nilang kaibigang nakakasama, kaya nagmumukha silang sikát, pero hindi naman talaga.”

Sinabi ni Cara, 15, na nagpapanggap naman ang iba para magmukhang sikát:

“May mga tao na nagpi-picture na parang nasa party sila, pero ang totoo, nasa bahay lang naman.”

Inamin ni Matthew, 22, na nagawa na niya iyan:

“Nag-post ako ng picture ko at Mount Everest ang inilagay kong location, kahit hindi pa naman ako nakakapunta ng Asia!”

Sinasabi ng Bibliya: “Gusto naming gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.

Pag-isipan:

  • Kung gumagamit ka ng social media, nagpapanggap ka ba para lang sumikat?

  • Ipinapakita ba ng mga comment at picture na ipino-post mo kung sino ka talaga at kung ano ang mga pinaniniwalaan mo?

    Ang sinasabi ng ibang kabataan

    Hannah.

    “Kung ano-ano ang ginagawa ng ilan para makakuha ng maraming likes. Pero ayos lang ba sa iyo na makilala ka sa pagsasalita o pananamit nang di-maganda, o pagyayabang ng mga gamit mo? O gusto mong makilala ka bilang isang tao na may magagandang katangian at malasakit sa iba? Masarap sa pakiramdam kapag gusto ka ng iba, pero siguraduhin mong hindi ka mahihiya kung bakit ka nila gusto.”​—Hannah.

Mahalaga ba talaga ang followers at likes?

Naniniwala ang marami na para maging sikát ka online, dapat na sobrang dami ng followers at likes mo. Inamin ni Matthew, na binanggit kanina, na ganiyan din ang naiisip niya noon:

“Tinatanong ko ang iba, ‘Ilan na ang followers mo?’ o ‘Ilan ang pinakamaraming likes na nakuha mo?’ Para dumami ang followers ko, pina-follow ko kahit hindi ko kakilala, kasi baka sakaling i-follow din nila ako. Mula noon, naging desperado na akong maging sikát, at lalo pang pinatindi iyon ng social media.”

Mga larawan: 1. Nakangiti ang isang kabataan dahil sa nakuha niyang likes sa isang post niya sa social media. 2. Kumakain ang kabataang ito ng maraming candy. 3. Nakahawak sa tiyan ang kabataan at mukhang gutóm pa.

Walang pinagkaiba sa junk food ang pagiging sikát online—nag-enjoy ka sandali pero hindi ka naman talaga nabusog

Napansin ni Maria, 25, na ibinabase ng ilang tao ang halaga nila sa dami ng followers at likes nila:

“Kapag nag-selfie ang isang babae at hindi siya nakakuha ng maraming likes, iisipin niyang pangit siya. Siyempre, mali ’yon! Pero ganiyan din ang nagiging kaisipan ng marami. Parang sila mismo ang nambu-bully sa sarili nila.”

Sinasabi ng Bibliya: “Huwag tayong maging mapagmataas, huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa, at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.”—Galacia 5:26.

Pag-isipan:

  • Kung gumagamit ka ng social media, napapansin mo ba na ikinukumpara mo na ang sarili mo sa iba?

  • Mas mahalaga ba sa iyo ang dami ng followers mo kaysa magkaroon ng tunay na mga kaibigan na talagang nagmamalasakit sa iyo?

    Ang sinasabi ng ibang kabataan

    Si Joshua.

    “Para maging sikát online, kailangan mong mapahanga ang iba; at para magawa mo iyan, baka kailangan mong maging katulad nila. Kaya baka masyado mong isipin kung ano ang tingin sa iyo ng iba at kung paano ka nila magugustuhan. Sino ba naman ang ayaw magustuhan ng iba? Pero kung masyado kang magpopokus diyan, baka iyon na lang ang laging maging laman ng isip mo.”​—Joshua.

Iwasan ang “pasimpleng yabang”

Napansin mo ba na may ilang tao na kunwari’y nagrereklamo, pero ang totoo, gusto lang ipagyabang ang nagawa nila?

  • “Nakakainis pala kapag may bagong kotse, ’no? Lagi na lang may nakikisakay sa ’kin!”

  • “Ano ba ’yan? Lahat na lang sila sinasabi na bagay daw sa ’kin na pumayat ako!”

May mga tao na dinadaan sa reklamo ang pagyayabang nila para magmukha silang humble.

Babala: Imbes na magmukhang humble, mas lalo lang napapasamâ ang isang tao sa ganitong paraan ng pagyayabang. At dahil halata namang hindi totoo ang sinasabi ng ganitong mga tao, mas kinaiinisan pa sila kaysa sa mga deretsahan kung magyabang.

Kaya sa susunod na mag-comment ka o mag-post ng picture sa social media, iwasan ang pasimpleng yabang. Sundin ang payo ng Bibliya: “Hayaan mong ibang tao ang pumuri sa iyo, sa halip na sarili mong bibig.”—Kawikaan 27:2.

Review: Paano mo maiiwasang maghangad na maging sikát online?

  • Siguraduhin na ang mga ipino-post mo online ay nagsasabi kung sino ka talaga at kung ano ang mga pinaniniwalaan mo.

  • Iwasan ang mga pasimpleng yabang kapag nagpo-post online.

  • Huwag masyadong magpokus sa dami ng followers at likes.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share