Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Masama Bang Maging Popular?
Piliin ang salitang angkop sa pangungusap na ito:
․․․․․ mabuti na maging popular.
A. Laging
B. Kung minsan
C. Hindi
ANG tamang sagot ay “B.” Bakit? Dahil ang pagiging popular ay nangangahulugan lang na gusto ka ng maraming tao—at hindi naman iyan laging masama! Inihula ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay magiging “liwanag ng mga bansa” at magugustuhan sila ng mga tao. (Isaias 42:6; Gawa 13:47) Sa ganiyang diwa, masasabing popular ang mga Kristiyano.
Alam mo ba?
Si Jesus ay popular. Bata pa lang siya, nakuha na niya ang “lingap ng Diyos at ng mga tao.” (Lucas 2:52) At ayon sa Bibliya, nang maging adulto na si Jesus, “malalaking pulutong ang sumunod sa kaniya mula sa Galilea at sa Decapolis at sa Jerusalem at sa Judea at mula sa kabilang ibayo ng Jordan.”—Mateo 4:25.
Bakit wala namang masama roon?
Dahil hindi niya hinangad ang kaluwalhatian o popularidad, at hindi ang pabor ng tao ang mahalaga sa kaniya. Ginawa lang ni Jesus ang tama—kaya naman nakuha niya ang pabor ng mga tao. (Juan 8:29, 30) Pero alam ni Jesus na pansamantala lang ang pabor ng mga tao dahil madaling magbago ang isip nila. Sinabi niya na darating ang panahon na ipapapatay siya ng mga ito!—Lucas 9:22.
Tandaan:
Ang popularidad ay katulad ng kayamanan. Hindi laging masama ang magkaroon nito. Ang problema ay nasa ginagawa ng mga tao para makuha o mapanatili ito.
Babala!
Gagawin ng maraming kabataan ang lahat para maging popular. Ang ilan ay sunud-sunuran sa gusto ng karamihan. Ang iba naman ay mga siga na namimilit na hangaan sila—kahit dahil sa takot.a
Sa kasunod na mga pahina, tatalakayin natin ang dalawang mapandayang daang iyan tungo sa pagiging popular. Saka natin tatalakayin ang tamang daan.
a Sa Bibliya, may binabanggit na mga siga na tinatawag na mga “Nefilim,” na tinukoy rin na “mga lalaking bantog.” Ang pinakamahalaga sa kanila ay ang kaluwalhatian nila.—Genesis 6:4.
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
Melissa—Totoo, puwede kang maging gaya ng sinumang estudyante sa iskul. Pero boring ’yon! Bilang isang Kristiyano, naiiba ka, pero sa positibong paraan. Hindi naman ibig sabihin no’n na weird ka. Magugustuhan ka pa nga nilang kasama.
Ashley—Hindi ako popular sa iskul. Pero kapag dumalo ako sa Kristiyanong pagpupulong at nakasama ko ang mga kaibigan na mahal ako kung sino ako, nawawala na ang interes ko na tanggapin ako ng mga kaeskuwela ko.
Phillip—Para magustuhan ka ng iba, kailangang maging interesado ka rin sa kanila. Nitong nakaraang mga araw, gumagawa ako ng maliliit na bagay para sa mga kaibigan ko, kaya lalo akong nápalapít sa kanila.