FPG/The Image Bank via Getty Images
PATULOY NA MAGBANTAY!
Nagbabala ang mga Politiko na Malapit na ang Armagedon—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Noong umaga ng Lunes, Oktubre 10, 2022, nagpaulan ang Russia ng mga missile sa iba’t ibang lunsod sa Ukraine. Ginawa nila ito bilang ganti sa nangyaring pagsabog na sumira sa isang mahalagang tulay na nag-uugnay sa Crimea at Russia dalawang araw bago nito. Dahil sa mga pangyayaring ito, nagbabala ang mga politiko na parang malapit na ang Armagedon.
“Mula nang mangyari ang Cuban Missile Crisis noong panahon ni [U.S. President John F.] Kennedy, ngayon lang uli tayo naging ganito kalapit sa Armagedon. . . . Parang imposibleng hindi mauwi sa Armagedon ang sitwasyon ngayon kung ganito lang kadaling gumamit ng mga nuclear weapon.”—Joe Biden, Presidente ng U.S., Oktubre 6, 2022.
“Naniniwala ako na malapit na ang Armagedon. Buong planeta ang nanganganib ngayon.”—Volodymyr Zelensky, Presidente ng Ukraine, nang tanungin tungkol sa magiging epekto ng paggamit ng mga nuclear weapon, BBC News, Oktubre 8, 2022.
Mauuwi nga ba sa Armagedon ang posibleng paggamit ng mga nuclear weapon? Ano ang sinasabi ng Bibliya?
Mauuwi ba sa Armagedon ang paggamit ng mga nuclear weapon?
Hindi. Minsan lang sa Bibliya, sa Apocalipsis 16:16, mababasa ang salitang “Armagedon.” Hindi ito digmaan sa pagitan ng mga bansa. Digmaan ito sa pagitan ng Diyos at ng “mga hari ng buong lupa.” (Apocalipsis 16:14) Gagamitin ng Diyos ang Armagedon para wakasan ang pamamahala ng tao.—Daniel 2:44.
Para malaman kung ano ang magiging epekto ng Armagedon sa lupa, basahin ang artikulong Ano ang Digmaan ng Armagedon?
Magugunaw ba ang buong mundo dahil sa digmaang nuklear?
Hindi. Kahit gumamit pa ng mga nuclear weapon ang mga namamahala, hindi hahayaan ng Diyos na magunaw ang mundo. Sinasabi ng Bibliya:
“Ang lupa ay mananatili magpakailanman.”—Eclesiastes 1:4.
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
Pero ipinapakita ng mga hula sa Bibliya at ng mga nangyayari ngayon na malapit nang magkaroon ng malaking pagbabago sa lupa. (Mateo 24:3-7; 2 Timoteo 3:1-5) Alamin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mangyayari sa hinaharap. Subukan ang libreng pag-aaral sa Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova.