Photo by Stringer/Getty Images
PATULOY NA MAGBANTAY!
Digmaan sa Israel at Kalapit na mga Bansa—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Nag-aalala at inaabangan ng buong mundo ang nangyayaring gulo sa United States, Israel, at Iran. Lalala kaya ang sitwasyon at mas marami pang bansa ang madadamay? Mapapatigil kaya ng mga gobyerno ang kaguluhan para magkaroon ng tunay na kapayapaan?
Iniisip ng mga nakakaalam ng mga hula sa Bibliya kung ang nangyayaring kaguluhan sa Israel at sa kalapit na mga bansa ang magiging pasimula ng digmaan ng Armagedon na binabanggit sa aklat ng Apocalipsis.
Ano ang sinasabi ng Bibliya?
Mapapahinto ba ng mga gobyerno ang digmaan sa Israel at sa kalapit na mga bansa?
Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong umasa sa mga pinuno o sa anak ng tao, na hindi makapagliligtas.”—Awit 146:3.
Hindi pa natin alam kung kaya talaga ng mga gobyerno na gawing mas payapa ang sitwasyon sa Israel at sa kalapit na mga bansa. Pero malinaw na sinasabi ng Bibliya na walang lider sa politika, gobyerno ng tao, o grupo ng mga tao ang makakapagpahinto sa mga digmaan at makakapagdala ng tunay na kapayapaan. Ang Diyos lang ang ‘makakapagpatigil sa mga digmaan sa buong lupa.’—Awit 46:9.
Para sa higit pang impormasyon, basahin ang isyu ng Bantayan na may pamagat na “Digmaan—Kung Paano Magwawakas”
Katuparan ba ng hula ang nangyayaring digmaan sa Israel at sa kalapit na mga bansa?
Sinasabi ng Bibliya: “Makaririnig kayo ng ingay ng mga digmaan at ng mga ulat ng digmaan. . . . Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian.”—Mateo 24:6, 7.
Ang nangyayaring kaguluhan sa Israel at sa kalapit na mga bansa ay isang patunay na nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistemang ito,” na tinatawag din sa Bibliya na “mga huling araw.” (Mateo 24:3; 2 Timoteo 3:1) Ipinapakita ng mga nangyayaring digmaan ngayon na malapit nang kumilos ang Diyos para wakasan ang mga digmaan at iba pang mga problema na nagpapahirap sa mga tao.
Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Ano ang Tanda ng ‘mga Huling Araw,’ o ‘Katapusan ng Panahon’?”
Magsisimula ba ang Armagedon sa mga bansa sa Middle East?
Sinasabi ng Bibliya: “Tinipon sila ng mga ito sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.”—Apocalipsis 16:16.
Ang digmaan ng Armagedon ay hindi isang digmaan sa pagitan ng mga gobyerno ng tao na magsisimula sa mga bansa sa Middle East. Isa itong digmaan ng Diyos laban sa lahat ng gobyerno ng tao.
Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Ano ang Digmaan ng Armagedon?”
Paano tayo magiging panatag sa kabila ng mga nangyayari ngayon?
Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay; sa halip, ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat.”—Filipos 4:6.
Gusto ng Diyos na Jehovaa na manalangin tayo sa kaniya. Dahil nagmamalasakit sa atin ang Diyos, papakinggan niya ang mga panalangin natin at tutulungan tayong maging panatag. (1 Pedro 5:7) Tinutulungan niya tayong maintindihan kung bakit may mga digmaan. Sinasabi rin niya kung paano ito magwawakas at kung ano ang gagawin niya para mawala ang mga pagdurusa at maging masaya tayo.—Apocalipsis 21:3, 4.
Para sa higit pang impormasyon kung paano tayo tinutulungan ng Diyos, basahin ang artikulong “Makakatulong Ba Talaga sa Akin ang Sinasabi ng Bibliya?”
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.