Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • lfs artikulo 19
  • “Gusto Ko na Laging Patas ang Trato sa Lahat”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Gusto Ko na Laging Patas ang Trato sa Lahat”
  • Kuwento ng Buhay ng mga Saksi ni Jehova
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paghahanap ng Katarungan
  • Paghahanap ng Sagot
  • Paglilingkod sa Mas Malaki ang Pangangailangan
  • Masaya Kahit May Problema sa Kalusugan
  • Nagpapayaman ang mga Pagpapala ni Jehova
  • India—Isang “Pagkakaisa sa Gitna ng Pagkakasari-sari”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Paano Ako Makapaglilingkod sa Diyos Kung Sinasalansang Ako ng Aking mga Magulang?
    Gumising!—1987
  • Ito Kaya ang Pinakamagaling na Karera Para sa Iyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Mailalaan Mo Ba ang Iyong Sarili?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
Iba Pa
Kuwento ng Buhay ng mga Saksi ni Jehova
lfs artikulo 19
Si Kamal Virdee.

KAMAL VIRDEE | KUWENTO NG BUHAY

“Gusto Ko na Laging Patas ang Trato sa Lahat”

Noong Agosto 1973, dumalo ako kasama ng dalawa kong kapatid na babae sa “Divine Victory” na Internasyonal na Asamblea sa Twickenham, England. Nakakuwentuhan namin doon si Brother Edwin Skinner. Misyonero siya sa India mula pa noong 1926. Nang malaman niyang nakakapagsalita kami ng Punjabi, sinabi niya: “Bakit nandito kayo? Dapat nasa India kayo.” Kaya pumunta kami sa India at nagsimulang tumulong sa gawain sa wikang Punjabi. Pero ikukuwento ko muna sa inyo ang mga nangyari bago iyan.

Ipinanganak ako noong Abril 1951 sa Nairobi, Kenya. Mula sa India ang mga magulang ko at Sikh ang relihiyon nila. May dalawang asawa ang tatay ko. Pinakasalan din kasi niya ang asawa ng namatay kong tito. Walang nagawa si Nanay. Madalas, sabay manganak ang nanay ko at ang stepmother ko. Kaya lumaki ako na may ate, isang nakababatang kapatid na lalaki, isang nakababatang kapatid na babae, at dalawang kapatid sa ama. Kasama rin namin ang isang pinsan ko. Kaya sa kabuoan, pito kaming bata na magkakasamang lumaki. Noong 1964, noong 13 na ako, namatay si Tatay.

Paghahanap ng Katarungan

Habang lumalaki ako, madalas akong makakita ng pag-aaway at paboritismo. At noong nag-aral na ako ng Bibliya, naisip ko na ang pamilya namin ay parang kuwento nila Lea at Raquel. Napansin ko rin na may pagtatangi sa mga taga-Kenya na nagtatrabaho sa amin. Itinuro sa amin na mas mababa ang lahi nila. Gusto rin ni Tatay na mas makipagkaibigan kami sa mga European, dahil mas marami daw kaming matututuhan sa kanila. Sinabi din niya na iwasan ang mga African kasi wala kaming matututuhan sa kanila. Ayaw din ni Tatay na makipagkaibigan kami sa mga may lahing Pakistani. Dapat na ituring daw namin silang mga kaaway. Gusto ko na laging patas ang trato sa lahat—at alam ko na hindi tama ang pananaw ng tatay ko tungkol diyan.

Itinatag ni Guru Nānak ang Sikhismo bago mag-1500’s. Tinanggap ko ang mga turo niya, kasama na ang ideya na may iisang tunay na Diyos. Pero naisip ko na parang may mali. Marami kasi akong nakita na kawalang-katarungan na ginagawa ng mga Sikh.

Isa lang iyon sa mga ikinabahala ko. Dahil ilang siglo pa lang naitatag ang Sikhismo, madalas kong maisip: ‘Ano’ng mayroon bago maitatag ang Sikhismo? Ano ang pinakaunang paraan ng pagsamba na sinang-ayunan ng Diyos?’ May kalendaryong idini-display ang pamilya namin. Makikita doon ang larawan ng 10 nagdaang guru ng Sikh. Pero naisip ko: ‘Paano kami makakasigurado na iyon nga ang hitsura nila? Bakit dapat yumukod ang pamilya namin o ang iba sa larawan ng mga guru kung itinuturo naman ng mga ito na dapat sambahin ang tanging tunay na Diyos?’

Noong 1965, no’ng 14 na ako, lumipat ang pamilya namin sa India. Mahirap ang naging buhay namin doon kasi wala kaming masyadong pera. Pagkalipas ng halos isang taon, lumipat kami sa Leicester, England. Pero hindi namin kinaya na sabay-sabay lumipat—kaya dala-dalawa lang ang pagbibiyahe namin.

Sa edad na 16, nagsimula akong pumasok sa mano-manong mga trabaho. Kasabay niyan, nag-aaral ako sa gabi para matuloy ko ang nahinto kong pag-aaral. Sa lugar ng trabaho, nakita ko ang diskriminasyon. Halimbawa, mas malaki ang bayad sa mga English kaysa sa mga dayuhan. At dahil gusto ko na laging may patas na pagtrato, naging bahagi ako ng isang aktibistang unyon. Nag-organisa ako ng isang protesta kasama ng mga dayuhang babae para magkaroon kami ng patas na suweldo. Talagang gusto kong maging patas ang lahat sa mundo.

Paghahanap ng Sagot

Una akong nakakilala ng mga Saksi ni Jehova noong 1968 nang kumatok sa pinto namin ang dalawang lalaking Saksi. Agad kong nagustuhan ang pangako ng Diyos na magiging patas ang lahat sa ilalim ng Kaharian. Bumalik ang isa sa mga Saksi kasama ang misis niya. Nagsimula akong mag-Bible study kasama ng kapatid kong si Jaswinder at ng half sister ko na si Chani. Pagkatapos lang ng anim na aralin, nakumbinsi kaagad kami na si Jehova ang tunay na Diyos, na Salita ng Diyos ang Bibliya, at na ang Kaharian lang ang makakapagbigay ng tunay na katarungan sa lahat.

Pero matindi ang naging pag-uusig ng pamilya namin. Pagkamatay ni Tatay, ang half brother ko ang tumayong ulo ng pamilya. Sinusulsulan siya ng stepmother namin na pag-usigin kami. Binubugbog niya si Jaswinder at si Chani. Sinisipa niya sila gamit ang sapatos na may bakal. Dahil alam niya na 18 na ako at may legal na karapatan ako para magsumbong sa awtoridad, hindi niya ginawa sa akin ang mga ginawa niya sa dalawa kong nakababatang kapatid. Minsan, kinuha niya ang Bibliya. Sinunog niya ito. Pagkatapos, inilapit niya ang mga mukha nila dito at sinabi, “Sabihin ninyo sa Jehova ninyo na patayin ang apoy!” Nang mga panahong iyon, patago kaming nakadalo sa iilang pulong. Pero gusto talaga naming paglingkuran ang tanging tunay na Diyos, si Jehova. Kaso parang imposible iyan sa kalagayan namin. Kaya nagplano kami na umalis sa bahay namin at lumipat sa mas ligtas na lugar. Ganito ang ginawa namin.

Patago naming inipon ang mga pera namin na para sana sa tanghalian at pamasahe. Itinabi ko rin ang ilan sa suweldo ko na dapat sana, ibinibigay ko sa stepmother ko. Bumili kami ng tatlong maleta at itinago ang mga iyon sa ibang lugar. Unti-unti naming pinunô iyon ng mga damit namin. Noong Mayo 1972, nang halos 18 na si Jaswinder at nakaipon na kami ng 100 pounds ($260 U.S.), sumakay kami ng tren papunta sa timog-kanlurang bahagi ng England. Pagkarating namin sa Penzance, tinawagan namin ang mga Saksi doon gamit ang pampublikong telepono. Mainit ang naging pagtanggap sa amin ng mga kapatid. Marami rin kaming nahanap na trabaho, tulad ng paglilinis ng isda. Nakatulong ang mga trabahong iyan para may pambayad kami ng renta at makapanirahan doon.

Ipinagpatuloy namin ang Bible study namin kasama ang may-edad nang mag-asawa na sina Harry at Betty Briggs. Noong Setyembre 1972, habang nagtatago pa rin kami, nabautismuhan kami sa isang maliit na pool na nasa ilalim ng platform ng Kingdom Hall sa Truro. Nagpayunir si Chani. Sinuportahan naman namin siya ni Jaswinder sa pinansiyal.

Paglilingkod sa Mas Malaki ang Pangangailangan

Kahit malapit nang mag-90 sina Harry at Betty, regular pa rin silang nangangaral sa Isles of Scilly, malapit sa timog-kanlurang baybayin ng England. Dahil sa halimbawa nila, napatibay kaming tularan sila. Kaya noong 1973, pagkatapos ng kuwentuhan namin kay Brother Skinner, gaya ng nabanggit ko kanina, alam na namin ngayon kung ano ang gagawin.

Noong Enero 1974, bumili kami ng ticket papuntang New Delhi, India, kung saan pinatuloy kami ni Brother Dick Cotterill sa isang missionary home. Doon, naglingkod bilang regular pioneer si Chani, habang naging mas masigasig naman kami ni Jaswinder sa ministeryo.

Di-nagtagal, pinapunta kami sa Punjab, na nasa hilagang-kanlurang bahagi ng India. Noong una, nakituloy kami sa isang missionary home na nasa lunsod ng Chandigarh. Pagkatapos, nagrenta kami ng apartment. Nagpayunir ako noong Setyembre 1974 at naimbitahang maging special pioneer noong 1975. Habang nangangaral, nakita ko ang napakalaking pangangailangan ng mga literatura sa wikang Punjabi. Kailangan ito para mas marami ang matuto tungkol sa pag-ibig at katarungan ni Jehova. Noong 1976, inimbitahan kaming tatlo ng tanggapang pansangay sa India para tumulong sa pagta-translate ng mga literatura sa wikang Punjabi. Dahil wala pang mga typewriter o computer, napakahirap ng gawaing ito. Isinusulat namin ang mga nai-translate namin. Mano-mano ang pag-check at pag-proofread nito. Pagkatapos, gumamit din kami ng lumang makina na pang-imprenta kung saan kailangang ilagay ang mga letra ng mano-mano at paisa-isa lang.

Si Kamal na nakaupo sa labas kasama ang pitong kakongregasyon niya sa Chandigarh.

Ang kongregasyon namin sa Chandigarh, Punjab, India

Masaya Kahit May Problema sa Kalusugan

Mabilis na nagbago ang mga kalagayan namin. Nag-asawa si Jaswinder at lumipat sila sa Canada. Nakapangasawa naman si Chani ng brother na German na bumisita mula sa United States. Pagkatapos, lumipat din sila doon. Nagkasakit naman ako nang malubha at bumalik sa England noong Oktubre 1976. Tumira ako sa Leicester kasama ni Nanay at ng kapatid kong lalaki, na hindi mga salansang sa katotohanan. Nagkaroon ako ng sakit na tinatawag na Evans syndrome. Napakadalang ng sakit na ito. Sinisira nito ang mga blood cell ko kaya iba’t ibang uri ng panggagamot ang ginawa sa akin. Tinanggal din ang spleen ko, isang lamang-loob na nasa gawing kaliwa ng tiyan na tumutulong sa paglilinis ng dugo. Kinailangan ko rin munang huminto sa pagpapayunir.

Nanalangin ako ng marubdob kay Jehova. Sinabi ko na kung bubuti ang pakiramdam ko, magpapayunir uli ako. At ganoon nga ang nangyari! Kahit sumusumpong pa rin ang sakit ko, lumipat ako sa Wolverhampton noong 1978. Nagpayunir ako sa lugar na iyon, at karamihan doon, nagsasalita ng Punjabi. Gumawa kami ng mga sulat-kamay na imbitasyon para sa pulong at nagpagawa ng mga kopya nito. Ipinamahagi namin ito sa mga nagsasalita ng Punjabi para imbitahan sila sa pahayag pangmadla. Sa ngayon, may limang kongregasyon na at tatlong grupo sa wikang Punjabi sa Britain.

Alam ng sangay sa Britain na translator ako ng wikang Punjabi sa India. Kaya tinawagan ako ng sangay noong mga huling taon ng 1980’s. Naging commuter ako sa Bethel sa London. Tumulong ako sa pagse-set ng standard para sa mga publikasyon na gumagamit ng Gurmukhi script. Naging busy ako kasi kailangan kong magtrabaho, alagaan ang nanay ko na medyo malayo sa akin, at maging commuter sa Bethel. Pero ang sarap sa pakiramdam na nakakapag-volunteer ako sa Bethel.

Si Kamal na nakaupo sa harap ng isang computer habang sinasanay ng isang brother.

Noong mga huling taon ng 1980’s habang sinasanay ako sa Bethel sa London

Noong Setyembre 1991, inimbitahan akong maging miyembro ng pamilyang Bethel at tumulong sa pagta-translate ng mga literatura sa Bibliya sa wikang Punjabi. Hindi ko ito inaasahan. Para sa akin, hindi ako kuwalipikado. May sakit kasi ako, at lagpas na sa kahilingang edad ng pagiging Bethelite. Pero ibinigay pa rin ni Jehova ang napakagandang pagkakataong ito. Habang masaya akong naglilingkod sa Bethel, nandiyan pa rin ang sakit ko. Madalas akong napaharap sa isyu sa dugo habang kini-chemotherapy ako at tumatanggap ng ibang panggagamot. Humanga ang mga hematologist ko sa pagbuti ng sitwasyon ko. Kaya naimbitahan ako sa isang seminar na ginanap sa isang malaking ospital sa London, kasama ang 40 medical professional. Ibinahagi ko sa kanila, sa loob ng 10 minuto, ang tungkol sa paniniwala ko sa dugo. Pagkatapos, nagkaroon ng tanong-sagot na talakayan na pinangasiwaan ng isang brother mula sa Hospital Information Desk.

Sa mahihirap na sitwasyong ito, laging nandiyan sina Jaswinder at Chani para sa akin. Nagpapasalamat din ako sa suporta at kabaitan ng pamilyang Bethel at ng mga kaibigan ko. Sa lahat ng paghihirap ko, pinalakas ako ni Jehova para maipagpatuloy ang atas ko.​—Awit 73:26.

Nagpapayaman ang mga Pagpapala ni Jehova

Tatlumpu’t tatlong taon na ako sa Bethel. Talagang subók ko na si Jehova at kitang-kita ko na mabuti siya. (Awit 34:8; Kawikaan 10:22) Napatibay ako ng magagandang halimbawa ng tapat na mga may-edad. Napakasaya ko kapag naaalala ko na marami sa mga Bible study ko na nagsasalita ng Punjabi ang naging tapat na mga lingkod ni Jehova. Maganda ang kaugnayan ko sa kapamilya ko. Hindi Saksi si Nanay at ang kapatid kong lalaki. Pero laging sinasabi ni Nanay, “Talagang tapat ka sa Diyos.” At noong sinabi ko na lalabas ako ng Bethel para matutukan ko ang pag-aalaga sa may-edad kong nanay, sinabi sa akin ng kapatid kong lalaki: “Maganda na ang ginagawa mo diyan. Diyan ka na lang.” Kaya kahit malayo si Nanay sa Bethel, madalas ko pa rin siyang bisitahin.

Kapag may mga problema ako sa buhay, sinasabi ko sa sarili ko: ‘Huwag kang matakot, Kamal. Si Jehova ay kalasag para sa iyo. Napakalaki ng magiging gantimpala mo.’ (Genesis 15:1) Nagpapasalamat ako kay Jehova, ang “Diyos ng katarungan.” Maliit pa lang ako, nagbigay pansin na siya sa akin at binigyan niya ako ng makabuluhang buhay. (Isaias 30:18) Hinihintay ko rin ang panahon na ‘wala nang magsasabi: May sakit ako.’—Isaias 33:24.

Si Kamal na nakangiti habang nasa lobby ng Bethel sa Chelmsford.

Habang nasa Bethel sa Chelmsford

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share