-
Mga Study Note sa Lucas—Kabanata 10Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Pagkatapos nito: Ang mga pangyayaring nakaulat sa Luc 10:1 hanggang 18:14 ay hindi nabanggit sa ibang Ebanghelyo. Pero ang ilang paksa sa mga kabanatang ito ay iniulat din ng ibang manunulat ng Ebanghelyo, at lumilitaw na ang mga ito ay may kaugnayan sa mas naunang mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus. Posibleng naganap ang mga pangyayari sa ulat ni Lucas pagkatapos ng Kapistahan ng mga Tabernakulo (o, Kubol) noong taglagas ng 32 C.E. (Tingnan ang Ap. A7.) Lumilitaw na noong mga panahong ito, nagpokus na si Jesus sa timog, sa Jerusalem at sa mga lugar sa palibot nito at sa mga distrito ng Judea at Perea. Doon siya nagpokus sa pangangaral noong huling anim na buwan ng ministeryo niya sa lupa.
70: Ang mababasa sa ilang sinaunang manuskrito ay “72,” at ito ang ginamit sa ilang salin ng Bibliya. Pero “70” ang makikita sa maraming luma at maaasahang manuskrito, gaya ng Codex Sinaiticus na mula noong ikaapat na siglo C.E. at Codex Alexandrinus at Codex Ephraemi Syri rescriptus, na parehong mula noong ikalimang siglo. Magkakaiba ang paliwanag ng mga iskolar ng Bibliya, pero ang maliit na pagkakaibang ito sa mga manuskrito ay wala namang epekto sa kabuoang mensahe. Magkakatugma ang sinasabi ng maraming sinaunang manuskrito at salin sa mahahalagang detalye, at pinapatunayan ng mga ito na talagang isinugo ni Jesus ang isang malaking grupo ng alagad nang dala-dalawa, o pares-pares, para mangaral.
70 iba pa: Lumilitaw na hindi kasama sa 70 alagad ang 12 apostol na nauna nang sinanay at isinugo.—Luc 9:1-6.
-