-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Ang Kautusan . . . ang walang-kapantay na kabaitan at katotohanan: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, madalas na ipinapakita ang kaibahan ng Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises at ng “walang-kapantay na kabaitan.” (Ro 3:21-24; 5:20, 21; 6:14; Gal 2:21; 5:4; Heb 10:28, 29) Ang Kautusang Mosaiko ay nagsilbing “tagapagbantay . . . na umaakay kay Kristo” at may mga anino ito, o makasagisag na mga bagay, na lumalarawan sa kaniya. (Gal 3:23-25; Col 2:16, 17; Heb 10:1) Isa pa, ‘malinaw na ipinakita ng Kautusan sa mga tao na makasalanan sila.’ (Ro 3:20) Ipinaalám din ng Kautusan sa mga tao na “ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan” at “ang lahat ng lumabag at sumuway ay naparusahan ayon sa katarungan.” (Ro 6:23; Heb 2:2) Ipinapakita dito ni Juan ang kaibahan ng “Kautusan” at ng “walang-kapantay na kabaitan at katotohanan” na ibinigay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Tinupad ni Jesus ang mga bagay na inilalarawan ng Kautusan, kasama na ang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan at pagbabayad-sala. (Lev 4:20, 26) Isiniwalat din niya na ang Diyos ay magpapakita sa makasalanang mga tao ng “walang-kapantay na kabaitan,” o “pabor,” gaya ng salin kung minsan ng terminong Griego na khaʹris, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang Anak bilang handog na pambayad-sala. (Col 1:14; 1Ju 4:10, tlb.; tingnan ang study note sa Ro 6:23 at Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Isiniwalat ni Jesus ang isang bagong “katotohanan”—mapapalaya ng handog na ito ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan.—Ju 8:32; tingnan ang study note sa Ju 1:14.
-