-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 8Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Etiope: Mga nagmula sa rehiyon ng isang sinaunang bansa sa timog ng Ehipto na tinatawag noong Etiopia. Ang salitang Griego para sa “Etiopia” (Ai·thi·o·piʹa, na nangangahulugang “Rehiyon ng mga Sunóg na Mukha”) ang ipinangalan ng mga sinaunang Griego sa rehiyon ng Aprika sa timog ng Ehipto. Halos katumbas ito ng Hebreong Cus, na sumasaklaw ngayon sa pinakatimog ng Ehipto at sa Sudan. Sa Septuagint, ginamit ng mga tagapagsalin ang terminong Griego na “Etiopia” para ipanumbas sa Hebreong “Cus” sa halos lahat ng talatang pinaglitawan nito. Isang halimbawa ay ang Isa 11:11, kung saan binanggit ang “Cus” (“Etiopia” sa LXX) bilang isa sa mga lupaing tinirhan ng mga nangalat na Judio pagkatapos sakupin ng Babilonya ang Juda. Kaya posibleng nakasama ng opisyal na Etiope ang mga Judio sa lugar niya o sa Ehipto, kung saan marami ring Judio.
mataas na opisyal: Lit., “bating.” Ang salitang Griego na eu·nouʹkhos ay literal na tumutukoy sa isang lalaki na walang kakayahang magkaanak. Ang mga lalaking kinapon ay kadalasan nang binibigyan ng atas noon sa mga palasyo sa Gitnang Silangan at hilagang Aprika, partikular na bilang mga bantay o tagapag-alaga ng reyna at mga pangalawahing asawa. Pero ang terminong “bating” ay hindi naman laging tumutukoy sa mga lalaking kinapon. Mas madalas nang tumutukoy ito sa mga lalaking binigyan ng atas sa palasyo. Gaya ng terminong Griego, ang salitang Hebreo para sa “bating” (sa·risʹ) ay puwedeng tumukoy sa isang opisyal sa palasyo. Halimbawa, si Potipar, na isang lalaking may asawa, ay tinawag na “opisyal [lit., “bating”] sa palasyo ng Paraon.” (Gen 39:1) Sa ulat na ito, ang lalaking Etiope na nangangasiwa sa kabang-yaman ng palasyo ay tinawag na “bating,” at lumilitaw na tumutukoy ito sa kaniyang pagiging opisyal sa palasyo. Maliwanag na isa siyang tuling proselita—isang di-Judio na naging mananamba ni Jehova—dahil pumunta siya sa Jerusalem para sumamba. (Tingnan sa Glosari, “Proselita.”) Sa Kautusang Mosaiko, hindi puwedeng maging bahagi ng kongregasyon ng Israel ang mga lalaking kinapon (Deu 23:1), kaya imposibleng isa siyang literal na bating. Maliwanag, ang proselitang Etiope ay hindi maituturing na isang Gentil, kaya si Cornelio pa rin ang unang di-tuling Gentil na naging Kristiyano.—Gaw 10:1, 44-48; para sa paliwanag sa makasagisag na gamit ng terminong “bating,” tingnan ang study note sa Mat 19:12.
Candace: Hindi ito personal na pangalan, kundi isang titulo, gaya ng Paraon at Cesar. Ginagamit ng mga manunulat noon, gaya nina Strabo, Pliny na Nakatatanda, at Eusebius, ang titulong ito para sa mga reyna ng Etiopia. Isinulat ni Pliny na Nakatatanda (mga 23-79 C.E.) na “sa bayang iyon [Meroë, kabisera ng sinaunang Etiope] ay may ilang gusali. Sinasabi nilang pinamamahalaan ito ng isang babae, Candace, isang pangalang maraming taon nang ipinapasa sa mga reyna.”—Natural History, VI, XXXV, 186.
-