-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
naglilingkod sila: O “nagsasagawa sila ng pampublikong paglilingkod.” Ang salitang Griego dito na lei·tour·geʹo at ang kaugnay na mga salitang lei·tour·giʹa (paglilingkod sa publiko, o ministeryo) at lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) ay ginagamit noon ng mga Griego para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno na ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. Halimbawa, sa Ro 13:6, ang sekular na mga awtoridad ay inilarawan bilang mga “lingkod ng Diyos” na “nagsisilbi sa mga tao” (anyong pangmaramihan ng lei·tour·gosʹ). Sa Luc 1:23 (tingnan ang study note), ang terminong lei·tour·giʹa ay isinaling “paglilingkod . . . sa templo” (o, “paglilingkod sa publiko”) para tumukoy sa paglilingkod ni Zacarias, na ama ni Juan Bautista. Sa tekstong iyon, ang pagkakagamit sa salitang lei·tour·giʹa ay katulad ng pagkakagamit sa salitang ito at kaugnay na mga termino sa Septuagint, kung saan iniuugnay ang mga ito sa paglilingkod ng mga saserdote at Levita sa tabernakulo (Exo 28:35; Bil 1:50; 3:31; 8:22) at sa templo (2Cr 31:2; 35:3; Joe 1:9, 13; 2:17). Ang ganitong uri ng paglilingkod ay paglilingkod din sa publiko. Pero sa ilang konteksto, kasama rito ang pagiging banal dahil ang mga saserdoteng Levita ay nagtuturo ng Kautusan ng Diyos (2Cr 15:3; Mal 2:7) at naghahandog para sa kasalanan ng bayan (Lev 1:3-5; Deu 18:1-5). Sa Gaw 13:2, mas malawak ang pagkakagamit sa salitang Griego na lei·tour·geʹo; tumutukoy ito sa paglilingkod ng mga Kristiyanong propeta at guro sa kongregasyon sa Antioquia ng Sirya. Tumutukoy ang salitang ito sa iba’t ibang paraan ng pagpapakita ng debosyon at paglilingkod sa Diyos, gaya ng pananalangin at pagtuturo, na bahagi ng ministeryong Kristiyano. Siguradong kasama sa paglilingkod ng mga propeta at gurong ito ang pangangaral sa publiko.—Gaw 13:3.
naglilingkod sila kay Jehova: Ang salitang Griego na ginamit dito, lei·tour·geʹo (maglingkod), ay madalas lumitaw sa salin ng Septuagint sa mga talata sa Hebreong Kasulatan kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos sa orihinal na tekstong Hebreo. Halimbawa, ang ekspresyong Griego na nasa Gaw 13:2 ang ginamit ng Septuagint sa 2Cr 13:10 para isalin ang pariralang Hebreo na “naglilingkod kay Jehova.” Sa 2Cr 35:3, ganiyan din ang ekspresyong Griego na ginamit para isalin ang pariralang Hebreo na “maglingkod . . . kay Jehova.”—1Sa 2:11; 3:1; Eze 45:4; Joe 2:17; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 13:2.
-