-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 18Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
proconsul: Gobernador ng isang lalawigan na nasa ilalim ng pamamahala ng Senado ng Roma. Binanggit dito na si Galio ang proconsul ng lalawigan ng Acaya. Angkop ang pagkakagamit dito ni Lucas ng terminong “proconsul,” dahil ang Acaya ay nasa ilalim ng pamamahala ng Senado mula 27 B.C.E. hanggang 15 C.E. at muli, pagkaraan ng 44 C.E. (Tingnan ang study note sa Gaw 13:7.) Isang inskripsiyon mula sa Delphi kung saan tinawag na proconsul si Galio ang nagpatunay na tumpak ang ulat ni Lucas. Nakatulong din ito para malaman kung kailan namahala si Galio.
Acaya: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, isa itong lalawigan ng Roma sa timog ng Gresya na ang kabisera ay Corinto. Noong 27 B.C.E., nang baguhin ni Cesar Augusto ang saklaw ng dalawang lalawigan ng Gresya—ang Macedonia at Acaya—naging saklaw na ng Acaya ang buong Peloponnese at ang isang bahagi ng kontinente ng Gresya. Ang lalawigan ng Acaya ay nasa ilalim ng pamamahala ng Senado ng Roma, at pinamumunuan ito ng isang proconsul na nasa Corinto, ang kabisera nito. (2Co 1:1) Ang iba pang lunsod na nasa lalawigan ng Acaya na binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay ang Atenas at Cencrea. (Gaw 18:1, 18; Ro 16:1) Madalas banggitin nang magkasama ang Acaya at ang Macedonia, na katabing lalawigan nito sa hilaga.—Gaw 19:21; Ro 15:26; 1Te 1:7, 8; tingnan ang Ap. B13.
-